
Pilit na Itinatago ng Ginang sa Mister ang Pagbibigay Niya sa Kaniyang Pamilya; Nang Malaman Ito ni Mister ay Hindi Inaasahan ang Kaniyang Ginawa
“Steph, kailan ka ba makakapagpadala sa amin? Kailangan na kasi ng nanay mo ang pampagamot,” tanong ni Mang Carding sa kaniyang panganay na anak.
“Pasensiya na po, ‘tay. Hindi pa po kasi ako sumasahod. Baka bukas po ay makapagpadala po ako kaagad. Itatawag ko po kaagad sa inyo,” tugon ni Steph sa ama.
Kahit na may sarili nang pamilya itong si Steph ay hindi pa rin niya maialis na magbigay ng tulong sa kaniyang pamilya. May apat pa siyang kapatid ngunit hindi rin sila nakakapagbigay sa kanilang mga magulang dahil hindi rin sila nakakaluwag-luwag sa buhay.
Parehong may trabaho si Steph at ang kaniyang asawa kaya kahit paano ay may sumosobra sa kanilang pangangailangan. Ngunit dahil sa nahihiya si Steph sa kaniyang asawa dahil sa pagsusumikap nito at pagtitipid sa sarili ay hindi niya magawang masabi sa mister na hanggang ngayon ay siya pa rin ang inaasahan ng kaniyang pamilya.
“Saan ang tungo mo?” sambit ni Robin sa asawang si Steph.
“Pupunta lamang ako ng bayan at may bibilhin ako para sa eskwela ng mga bata. Mag-grocery na rin ako para dito sa bahay,” tugon ng ginang.
“Bago ka pumunta ng bayan, nakita mo na ba kung gaano kalaki ang babayaran natin sa kuryente ngayon? Paki-sabihan mo naman ang mga bata na magtipid-tipid kahit paano. Kung kaya naman nilang tiisin ang init, huwag nang gumamit ng aircon,” wika ng asawa.
“Saka bayaran na ng mga matrikula ng mga bata sa susunod na buwan, buo na ba ang pambayad natin, mahal?” tanong ni Robin sa asawa dahil ang misis ang nagba-budget ng buong sahod nila.
“A, oo, maayos na lahat, mahal. Ako na rin ang pupunta sa eskwelahan ng mga bata para magbayad. Huwag ka nang mag-alala,” tugon ni Steph.
Bigla tuloy nakonsensiya itong si Steph sapagkat naisip niya ang pagtitipid ng asawa. Nagbabaon ito sa trabaho para hindi na gumastos at makatipid. Ni walang bagong damit ang asawa at maging siya mismo ay walang nabibiling damit para sa sarili. Alam niyang sakto lamang ang mayroon sila pero pinipilit niya na mabigyan pa rin ang pamilya kahit lingid sa kaalaman ng mister.
Pagdating sa bayan ay agad pumunta ng bangko si Steph para magpadala ng pera sa kaniyang mga magulang.
“Tatay, natanggap niyo na po ba ang padala ko?” wika ni Steph.
“Natanggap ko na, anak. Maraming salamat,” wika ng ama.
“Siya nga pala, anak, alam kong kakahingi ko lamang sa iyo. Pero wala na raw kasing malapitan ang kapatid mong si Kenan. Gipit daw silang mag-asawa ngayon at walang pambili ng gatas at diaper ng dalawa niyang anak. Kailangan din daw nila ng pambili ng bigas. Ipapakiusap ko sana sa’yo na huwag mo nang pautangin at hindi rin naman makakabayad ‘yon dahil nga gipit. Baka may sobra ka riyan at padalhan mo rin siya kung maaari,” pakiusap ng ama.
“Naku, ‘tay. Ang pera po na hawak ko rin ay sakto lang para pang matrikula ng anak ko. Kung makakahintay po siya ay baka sa isang linggo ay magawan ko ng paraan,” tugon ni Steph.
“Maraming salamat, anak. Talagang napakabuti mo,” wika ni Mang Carding.
Napabuntong hininga na lamang si Steph.
Nang magkita-kita silang magkakaibigan ay agad niyang sinabi sa mga ito ang kaniyang suliranin.
“Ayos lang naman na hindi mo na sabihin sa asawa mo na nagbibigay ka pa rin sa pamilya mo. Alam mo naman ang mga ‘yan, pipigilan ka niyan. Kaya nga tayong mga babae dapat ay hindi nawawalan ng pera. Lalo ka na at panganay ka!” sambit ni Gemma, isa sa kaibigan ni Steph.
“Mars, kailangan mong sabihin pa rin sa asawa mo. Isang paraan ng pagsisinungaling ‘yan sa asawa mo. Hindi dapat ganiyan. Pinagkakatiwalaan ka niya sa pera niyong mag-asawa kaya lahat ay iniintrega niya sa’yo, bilang ganti ay kailangan mo ring maging tapat sa kaniya. Kailangan niyang malaman saan napupunta ang kinikita niyo. Wala namang pumipigil sa iyo sa pagtulong sa pamilya mo pero tandaan mo may asawa’t anak ka na. Sabihin mo na sa kaniya,” tugon naman ni Andrea, kaibigan din ng ginang.
Dahil sa sinabi ng kaniyang kaibigan ay naliwanagan itong si Steph. Pagkauwi niya sa bahay ay agad niyang tinungo ang asawa upang makipag-usap nang masinsinan.
“Mahal, may gusto sana akong sabihin sa’yo. Alam mong ayaw ko sa lahat ay pag-aawayan natin ang pera. Kaya gusto kong aminin sa’yo ‘to. Kaya madaming nababawas sa sahod ko at madalang akong makatulong dito sa pangangailangan sa bahay ay dahil hanggang ngayon ay nagbibigay at tumutulong pa rin ako sa pamilya ko,” nahihiyang pag-amin ni Steph.
“Ayaw ko nang ilihim sa iyo sapagkat alam ko ang hirap mo. Patawarin mo ako, mahal,” wika pa ng ginang.
“Mahal kita, Steph. At matagal ko nang alam ang pagtulong na ginagawa mo sa pamilya mo. Hindi ko aalisin ‘yan sa iyo. Masaya ako na sa wakas ay inamin mo na rin sa akin ung saan napupunta talaga ang ibang kinikita mo. Ayaw ko rin namang pagdamutan mo sila,” pahayag ni Robin.
“Kung marami tayong sobra ay sasabihin ko pa nga na dagdagan mo. Pero, ipapakiusap ko lang sa’yo, Steph, na huwag masyadong bukas palad ang pagbibigay. Ang ibig kong sabihin ay, unahin mo pa rin ang ating mga anak at pangangailangan nila. Huwag kang mangako ng tulong sa kanila kung gayong alam mong hindi mo, natin, kaya. At saka mas ayos sana kung tulungan mo sila sa paraang matutulungan din nila ang sarili nila. ‘Ika nga nila, huwag mo silang bigyan ng isda, turuan mo silang mangisda. Basta palagi lamang akong nakasuporta sa iyo dahil mahal na mahal kita at mahal ko rin ang pamilya mo!” dagdag pa ng mister.
Parang nabunutan ng tinik sa dibdib si Steph dahil sa sinabi ng kaniyang asawa. Simula noon ay lahat ng ibinibigay niya sa kaniyang pamilya ay ipinapaalam na niya sa kaniyang mister. Mas naging matiwasay ang kanilang pagsasama.
Tinulungan din ni Robin na magkaroon ng trabaho ang ibang kapatid ni Steph at nagbigay siya ng puhunan para magkaroon ng maliit na tindahan ang mga magulang ng asawa.