
Sagana sa Paglalaro ng Online Games ang Binata; Isang Malungkot na Pangyayari ang Magpapabago Nito
Araw ng Linggo. Mag-aalas tres na ng madaling araw ngunit gising na gising pa si Kai. Mataman siyang nakatitig sa kaniyang cellphone habang walang tigil ang bayolenteng paggalaw ng kaniyang daliri.
“‘Yan! Talo ka ngayon!” Tuwang-tuwang sigaw ng binatilyo nang matalo niya ang kalaro sa online game.
Napalingon siya sa orasan at nanlaki ang mata nang mapansing alas tres na pala. Sa sobrang kaadikan sa laro ay hindi niya na napansin na ilang oras na pala ang lumipas.
Mabuti na lamang at hindi narinig ng kaniyang ina ang pagsigaw niya. Kung hindi ay malilintikan na naman siya.
“Makatulog na nga muna…” wika ni Kai bago itinabi ang kaniyang cellphone.
Napabalikwas ng bangon si Kai nang maramdaman ang pagyugyog ng kung sinuman sa kaniya.
“Kai, anak! Gumising ka na, alas diyes na! Tirik na tirik na ang araw eh tulog na tulog ka pa!” maagang panenermon ng kaniyang ina.
“5 minutes na lang, ‘nay!” Pakiusap niya rito bago tinakpan ng unan ang kaniyang mukha.
Napapapalatak naman ang kaniyang ina.
“Naku, talagang hindi ka na nagtanda. Sinabi ko na sa’yong bawas-bawasan mo na ang paglalaro ng online games dahil ipapahamak ka niyan eh…”
Hindi na narinig pa ni Kai ang mga sumunod na sinabi ng kaniyang ina sapagkat muli na siyang hinila ng antok.
Mag-aalas dose na ng tanghali nang muling magising si Kai.
“Nandiyan na ang prinsipe!” Sarkastikong wika ng kaniyang ina na kasalukuyang naghahain para sa kanilang tanghalian.
“Potchi!” Tawag ni Kai sa kanilang alagang aso.
Agad siyang dinamba ni Potchi.
“Manang-mana talaga sayo ‘yang aso na ‘yan, kapag hindi mo siya tinatawag ay hindi siya lalabas sa lungga niya,” natatawang komento ng kaniyang ina.
Matagal na nilang alaga si Potchi. Walong taon na nila itong kasama sa bahay kaya naman mahal na mahal nila ito at itinuturing nang miyembro ng pamilya.
“Tingnan mo si Potchi, miss na miss ka na niyan dahil hindi mo na siya napapagtuunan ng pansin. Puro ka kasi cellphone,” muli niyang narinig ang kaniyang ina, na tinawanan niya na lang.
Natawa na lang ang kaniyang tatay sa mga pasaring ng kaniyang nanay.
“Birthday ngayon ni Tita Marie mo, pupunta tayo, alas singko ang party,” wika ng kaniyang nanay habang kumakain sila.
Mabilis naman na nag-isip ng idadahilan si Kai sa ina. “Naku, ‘nay, may project po kasi ako na tatapusin mamaya. Bukas na po ang pasahan nun, kaya pinaplano ko pong tapusin ngayon,” walang kurap na paliwanag niya sa ina.
“Naku, maglalaro ka lang yata eh,” hindi naniniwalang pang-aasar ng kaniyang ama.
“Hindi po! Taon-taon naman po akong nakakasama, ngayon lang po talaga hindi,” patuloy na pangungumbinsi niya sa ina.
Mukha namang naunawaan siya ng ina. “Sige, magluluto na lang ako ng maaga dahil baka gabing-gabi na kami makauwi.”
Nakahinga naman ng maluwag si Kai. Sa totoo lang, hindi naman totoo na may gagawin siyang project. Naisip niya lang na mas mag-eenjoy siyang maglaro ng online games kaysa sumama sa birthday ng kaniyang Tita Marie.
Alas kwatro pa lamang ay paalis na ang kaniyang mga magulang kasama ang kaniyang kapatid. Panay ang bilin ng kaniyang ina dahil siya lamang ang maiiwan sa bahay.
“Basta Kai, nagluto ako ng sinigang, pero kailangan pang palambutin ang karne. So hayaan mo munang bukas ang apoy ng trenta minutos bago mo tanggalin, maliwanag ba?” Bilin ng kaniyang ina.
“Opo , ‘nay,” nakangiting wika ni Kai dito kahit bahagya na siyang naiinis sa paulit-ulit na bilin ng kaniyang ina.
“‘Wag mong kakalimutan, ‘nak, baka masunog ang bahay natin!” Sigaw pa ng kaniyang ina bago tuluyang umalis ang mga ito.
“Oo na nga po!” wala sa loob na sagot ng binata.
Masigla namang pumasok sa bahay si Kai.
“Potchi!” tawag niya sa alagang aso.
Mula sa bahay nito ay agad itong tumakbo palapit sa kaniya.
“Solo natin ang bahay!” Tuwang-tuwang kausap niya dito.
Sandali siyang nakipaglaro sa alaga bago nagsimulang maglaro.
Agad nawaglit sa kaniyang isipan ang kabilin-bilinan ng kaniyang ina.
Halos dalawang oras din siyang nagbabad sa paglalaro bago bumigat ang kaniyang mata at hilahin siya ng antok.
Nagising na lamang siya nang maramdaman ang kakaibang init na bumalot sa buong paligid.
Sa pagmulat ng kaniyang mata ay agad niyang nakita ang buong kabahayan na nilalamon na ng apoy.
Mayroong apoy kahit saan. Mabuti na lamang at sa sala lamang siya nakatulog at malapit ito sa pintuan.
Ngunit kahit ang pintuan sahig na nababalutan ng carpet ay nag-aapoy na rin!
Pikit matang tinakbo ni Kai ang pintuan. Hindi niya alintana ang pagkapaso ng kaniyang paa. Nang hawakan niya ang door knob ay napasigaw pa siya dahil sa pagkapaso ngunit tiniis niya yun upang makalabas.
Napaluhod na lamang si Kai nang tuluyang makalabas at makalanghap ng sariwang hangin.
Ilang segundo lamang ay humahangos siyang nilapitan ng kaniyang mga magulang na tila kararating lamang.
Umiiyak na niyakap siya ng kaniyang ina. Napaluha rin si Kai dahil sa takot. Akala niya ay hindi siya makakaligtas.
Isa pa, agad niyang napagtanto na kasalanan niya ang lahat. Nalimutan niyang gawin ang ibinilin ng kaniyang ina dahil sa kalalaro niya.
Nanlaki ang mata niya nang may maalala.
“‘Nay, si Potchi po!” Natataranta siyang tumayo, akmang babalik sa bahay.
“Anak, hindi ka na pwedeng bumalik sa loob! Tingnan mo, puro paso na ang kamay at paa mo, kailangan nating pumunta sa ospital!” Mariing pagpigil ng kaniyang ina.
“Ililigtas si Potchi ng mga bumbero, anak,” segunda naman ng kaniyang ama.
Sakto namang dumating ang bumbero at agad silang pinalayo mula sa bahay.
Wala nang nagawa si Kai kundi ang maghintay. Umiiyak siya habang ginagamot ang kaniyang sugatang katawan.
Bago matapos ang gabing iyon, isang malungkot na balita ang kanilang natanggap.
Mabilis na naapula ang apoy ngunit hindi na nailigtas pa si Potchi. Masyado na raw maraming usok ang nalanghap nito nang matagpuan ito ng mga bumbero.
Wala namang nagawa si Kai kung hindi ang magsisisi.
Nasunog ang kanilang bahay na pinaghirapang ipundar ng kaniyang mga magulang. Nakaligtas man siya, nawala naman ang pinakamamahal niyang alaga.
Lahat ng iyon ay nag-ugat lamang sa kaniyang sobra-sobrang paglalaro ng online games.
Hindi na maibabalik pa ang buhay ni Potchi, ngunit natutunan ni Kai na anumang sobra ay hindi maganda at maaring magdulot ng kapahamakan – hindi lamang sa kaniya kundi sa mga nakapaligid sa kaniya.

Pilit na Itinatago ng Ginang sa Mister ang Pagbibigay Niya sa Kaniyang Pamilya; Nang Malaman Ito ni Mister ay Hindi Inaasahan ang Kaniyang Ginawa
