Inday TrendingInday Trending
Nagtampo ang Dalaga nang Malamang Hindi Matutuloy ang Enggrandeng Debut, Napagtanto Niyang Napakaswerte Niya nang Makausap ang Guro

Nagtampo ang Dalaga nang Malamang Hindi Matutuloy ang Enggrandeng Debut, Napagtanto Niyang Napakaswerte Niya nang Makausap ang Guro

“Daddy, naman! Seryoso ka bang hindi ko maiimbita ang lahat ng mga kaklase at kaibigan ko sa debut ko?” inis na tanong ni Britany sa ama, isang araw nang idaing nito ang pagbagsak ng kanilang kumpanya.

“Oo, anak, eh, medyo kapos tayo ngayon, biglaan ang pagbagsak ng kumpanya natin, eh,” nakatungong sagot nito dahilan upang lalo siyang mainis at magdabog.

“Hindi pwede ‘yon, daddy! Nasabihan ko na silang lahat noong isang buwan pa! Gumawa ka ng paraan, daddy! Minsan lang ‘to sa buhay ko!” mangiyakngiyak niyang sambit saka sumalampak sa kanilang sofa.

“Humingi ka na lang ng paumanhin, anak, wala na talaga akong magagawa, eh, mabuti nga’t may sobra pa tayong pera para ipaghanda ang kaarawan mo kahit papaano,” malumanay na paliwanag nito sa kaniya.

“Ayoko, daddy! Gusto ko nang enggrandeng debut katulad nang ipinangako mo!” pagmamatigas niya habang humihikbi.

“Pasensiya ka na, wala na akong magagawa, babawi na lang kami ng mommy kapag bumalik na sa dati ang kinikita namin sa kumpanya,” sambit nito saka siya inakmang yayakapin ngunit agad niyang iniwas ang sarili saka iniwan ang ama sa silid.

“I hate you!” mangiyakngiyak niyang sigaw habang padabog siyang naglalakad palayo sa amang lugmok na lugmok.

Laki sa mayamang pamilya ang nagdadalagang si Britany. Simula pa noong siya’y nagkaisip, agad na niyang pinlano ang kaniyang magiging debut na talaga nga namang sinuportahan ng kaniyang mga magulang dahil nga may sapat naman silang pera para sa enggrandeng pagdiriwang na nais niya.

“Gusto ko po nakasuot ako nang magandang gown na kulay rosas, tapos isasayaw niyo ako nila lolo, daddy, pati na ng mga lalaki kong kaibigan. Dapat nandoon din yung mga kaklase ko, daddy, at may masarap at marami tayong handang pagkain,” ‘ika ng noo’y walong taong gulang na si Britany habang isinasaisip ang maganda niyang debut.

“Oo naman, anak, lahat ng gusto mo, makikita mo sa debut mo,” sagot ng kaniyang ama na talaga nga namang pinanghawakan niya ng isang dekada.

Ngunit tila nagkaroon ng problema ang kanilang pamilya nitong mga nakaraang buwan. Bigla na lang kasing nawala ang kita ng kanilang kumpanya. Hindi alam ng kaniyang ama kung may nagnakaw ba o sadyang hindi lang nila nabantayan maigi ang paglabas at pagpasok ng pera dahilan upang ipatigil nito ang mga operasyon sa naturang kumpanya.

Sumakto naman ang krisis na ito sa nalalapit na kaarawan niya na labis niyang ikinadismaya. Nadala niya pa sa paaralan ang pagkainis niyang ito dahilan upang kausapin siya ng masinsinan ng kaniyang guro. Nagawa niya kasi itong sagut-sagutin nang makita siyang nakikinig sa musika ng kaniyang selpon habang nasa klase.

“Britany, hindi ka ganiyang estudyante. Mahalaga para sa’yo ang bawat leksyon natin, ano ang nangyari sa’yo? Mahirap na kapag nagtuloy-tuloy ‘yan, lalo na’t malapit na ang iyong pagtatapos,” malumanay na sambit ng kaniyang guro, bahagya niya na namang naalala ang kaniyang debut dahilan upang unti-unti siyang mapaluha.

Doon na niya sinabi sa kaniyang guro ang dahilan nang pagbabago ng kaniyang ugali. Napangiti ito saka hinawakan ang kaniyang kamay.

“Naiintindihan kita, Britany, ganiyan din ako noon, eh, sumama rin ang loob ko nang hindi natupad ang pinapangarap kong debut. Pero alam mo, iyon ang nagturo sa akin na maging mapagpasalamat kung ano lang ang meron ang pamilya ko. Maswerte ka nga’t may mabait kang magulang, ako kasi, mag-isa kong ipinagdiwang ang kaarawan kong ‘yon, sakto kasi noong araw na ‘yon, sumakabilang buhay ang mga magulang ko dahil sa isang krim*ng gawa ng panganay kong kapatid. Nakakalungkot, ano?” kwento nito sa kaniya saka patagong nagpunas ng luha, labis siyang nakaramdam ng awa dahilan upang yakapin niya ito.

Dito niya labis na napagtantong napakaswerte niya pa’t may mga magulang siyang makakasama sa isa sa mga espesyal na pagdiriwang sa buhay niya. Pagkatapos na pagkatapos siyang kausapin ng kaniyang guro, agad siyang umuwi upang humingi ng tawad sa ama. Nadatnan niya itong nakatungo sa opisina nito sa kanilang bahay dahilan upang mapabuntong hininga siya.

Upang maisalba ito sa kalungkutan kahit paano, ipinagtimpla ito ng kape saka niya ito mahigpit na niyakap.

“Sorry, daddy, mas inisip ko ang nararamdaman ko kaysa sa nararamdaman mo,” sambit niya dahilan upang bahagya itong mapangiti. “Pangako, daddy, ayos lang sa akin kahit wala akong handa, basta, kumpleto at masaya tayong pamilya,” dagdag niya pa dahilan upang mapaluha ito’t yakapin siya.

Dumating na nga ang araw na kaniyang pinakahihintay. Hindi man kasing enggrande katulad ng pangarap niya, kumpleto at masaya naman silang nagsalu-salo ng kaniyang buong pamilya.

Advertisement