Inday TrendingInday Trending
Nanggalaiti ang Binatang Ito nang Malamang Buntis ang Kapatid; Ang Batang Dinadala Nito Pala ang Magbibigay Buhay sa Kanilang Dalawa

Nanggalaiti ang Binatang Ito nang Malamang Buntis ang Kapatid; Ang Batang Dinadala Nito Pala ang Magbibigay Buhay sa Kanilang Dalawa

“Totoo ba ‘to, Cheche? Sa’yo ba ‘tong pregnancy test na ‘to?” tanong ni Jef sa kaniyang kapatid, isang araw nang makita niya ang naturang bagay sa kanilang basurahan.

“Ah, eh, oo kuya,” nakatungong sagot ng kaniyang kapatid dahilan upang labis na uminit ang kaniyang ulo.

“Buntis ka nga? Kailan mo balak sabihin sa akin ‘to, ha? Aba naman, Cheche! Alam mo namang ikaw na lang ang inaasahan ko!” bulyaw niya sa kapatid.

“So-sorry, kuya,” nakatungong tugon pa rin nito.

“Paano ngayon ‘yang batang ‘yan, ha? Hindi ba’t hiwalay na kayo no’ng basagulero mong nobyo? Ano, ako ang tatayong ama n’yan?” tanong niya rito, halatang-halata sa boses niya ang labis na pagkagalit.

“Hi-hindi ko rin alam ang gagawin, kuya,” hikbi nito saka na ito labis na umiyak.

“Ipalaglag mo ‘yan bago pa kita masaktan,” sambit niya dahilan upang lalong humagulgol ang kapatid, hinila niya ito palabas, wala na siyang ibang magandang solusyon na maisip kung hindi ipalaglag ang bata.

“Ayoko, kuya! Parang-awa mo na!” ngalngal ng dalaga habang nagpupumiglas sa kaniyang pagkakahila.

Simula nang pumanaw ang kanilang magulang, sampung taon na ang nakakalipas dahil sa isang aksidente, si Jef na ang siyang tumayong ina at ama sa nag-iisa niyang kapatid na noo’y pitong taong gulang pa lamang. Tumigil siya sa pag-aaral noon para kumita ng perang ipapangtustos niya rito.

Pumasok siya bilang isang kargador sa palengke habang pinag-aaral niya ang kapatid na noo’y nasa elementarya pa lamang. Sa murang edad, namulat siya sa reyalidad ng buhay. Hirap man at hilaw pa ang buto para sa bakbakang trabaho, hindi niya ito ininda para sa kaniyang kapatid.

Lumipas ang panahon at matagumpay niyang napagtapos sa hayskul ang kaniyang kapatid. May kaunti na rin siyang ipon para sa pagkokolehiyo nito dahilan upang lalo siyang matuwa.

‘Ika niya sa kapatid sa araw ng pagtatapos nito, “Ikaw na lang ang pag-asa ko, ha? Huwag mo akong bibiguin. Mag-aral kang mabuti at maging isang propesyonal na guro gaya ng pangarap natin noon,” saka niya ito mahigpit na niyakap.

Ngunit kinabukasan, ang araw kung kailan niya i-eenroll sa isang unibersidad ang kaniyang kapatid, may nakita siyang isang bagay na talaga nga namang nakapagpatigil sa mundo niya.

Noong araw na ‘yon, labis na nagmakaawa ang kapatid niya. Lumuhod ito sa harap niya at lubos na humihingi ng tawad. Ayaw nitong ipalaglag ang bata dahil kasalanan daw iyon.

“Kuya, nagkasala na ako, ayokong solusyonan ang pagkakasala kong ‘yon ng isa pang pagkakasala. Gagawin ko ang lahat para hindi maging pabigat sa’yo ang anak ko,” hikbi nito na nagpakalma sa kaniya.

Masama man ang loob, pilit niyang inintindi ang kapatid. Imbis na ipagtabuyan, pinili niya itong gabayan sa maselang pagbubuntis. Katulad ng ipinangako nito sa kaniya, ginawa nito ang lahat upang kumita ng sariling pera. Nagbebenta ito ng mga pampaputi na talaga nga namang maraming tumangkilik.

Hanggang sa nanganak na nga ang kaniyang kapatid. Ang sama ng loob na naninirahan sa puso niya, naglaho na lamang na parang bula nang masilayan niya ang sanggol na pinaghirapan nilang buhayin magkapatid.

Doon niya lubos na hinangaan ang kaniyang kapatid. Takot man ito at walang kasiguraduhan sa buhay na tatahakin, naging responsable ito sa buhay na kaniyang pinili.

‘Ika niya, “Kung pinalaglag pala namin ang batang ito, walang anghel na bigla na lang magpapalambot ng puso ko.”

Malaki man ang kanilang binayaran sa ospital, laking tuwa nilang magkapatid dahil wala itong komplikasyon at ito’y malusog.

Napupuyat man siya sa madaling araw dahil sa pagngawa ng naturang sanggol, hindi ito naging rason upang siya’y mainis, bagkus buong puso niya pang tinutulungan ang kapatid. Ito rin ang tanging dahilan upang mas lalo siyang magpursigi sa buhay para sa kapatid niyang binabalak niyang muling pag-aralin at para sa pamangkin niyang tinuturing niyang parang anak na rin.

Isang taon lang ang nakalipas, matagumpay niya na ngang napag-aral sa kolehiyo ang kapatid kasabay nang pag-aalaga nilang dalawa sa naturang bata.

Hindi pa man sigurado ang buhay nilang magkapatid, wala mang malaking ipon para sa hinaharap, laking tuwa niya pa rin dahil sa kabila ng baluktot na buhay na tinahak nito noong una, pilit itong gumagawa ng paraan upang muli itong maituwid at makabawi sa lahat ng pagsasakripisyo niya. Naniniwala siyang sa pinagsamang sipag at tiyaga nilang dalawa ay makakamit din nila ang ginhawa.

Advertisement