Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Lalaki ang Pamilya Para sa Bagong Karelasyon, Sising-sisi Siya Nang may Nangyari sa Kaniyang Mag-ina

Iniwan ng Lalaki ang Pamilya Para sa Bagong Karelasyon, Sising-sisi Siya Nang may Nangyari sa Kaniyang Mag-ina

“Ano, Joseph, iiwan mo talaga kami ng anak mo para doon sa babaeng estudyante mo, ha? Alam mo bang pwede kang makasuhan sa ginagawa mo?” tanong ni Aileen sa kaniyang asawa, isang araw nang madatnan niyang nag-eempake ito ng mga gamit.

“Wala kang pakialam, Aileen! Sawang-sawa na ako sa bunganga’t pag-uugali mo!” bulyaw ni Joseph sa asawa.

“Paano si Tyrone, ha? Hahayaan mo siyang lumaking walang tatay? Mag-isip ka naman, Joseph, kahit para sa bata na lang!” sambit pa nito dahilan upang mainis siya lalo.

“Kahit anong sabihin mo, hindi mo na ako mapipigilan! Kung si Tyrone ang problema, akin na, isasama ko siya!” ‘ika niya saka mabilis na lumabas sa naturang silid, bitbit-bitbit ang kaniyang mga gamit saka hinila ang anak niyang tahimik na nag-aalmusal.

“Ayoko, hindi ako papayag!” sigaw ng kaniyang asawa saka hinaltak sa kaniya ang bata.

“O, e ‘di ikaw magpalaki sa kaniya, basta ako, ayoko nang makasama ang isang katulad mo!” tugon niya saka mabilis na lumabas ng kanilang bahay. “Joseph!” sigaw ng kaniyang asawa habang pigil-pigil ang anak nilang nagpupumilit sumama sa kaniya.

“Daddy, gusto ko pong sumama sa’yo, daddy! Ayoko kay mommy!” habol nito ngunit hindi niya ito inintindi’t agad na sumakay sa kaniyang kotse.

Sa edad na bente anyos, nagkapamilya na ang lalaking si Joseph. Saktong araw ng kaniyang pagtatapos nang malaman niyang nagdadalang tao ang kasintahan niyang noon ay kinse anyos lamang. Dahil nga sila’y bata pa, labis silang hinandlangan ng kani-kanilang magulang ngunit hindi ito naging rason upang maputol ang kanilang pagmamahal dahil pinaglaban nila ang isa’t-isa.

Matagumpay niyang nakumbinsi ang pamilya ng babae na gagawin niya ang lahat upang maging maayos ang buhay nilang dalawa kahit pa sila’y bata pa para magkaroon ng sariling pamilya.

Hindi niya nga binigo ang pamilya ng dalaga, agad siyang naghanap ng trabaho at sa kabutihang palad, agad siyang natanggap sa isang unibersidad na kaniyang pinasukan noon bilang isang guro. Dahil dito, nagawa niyang tuguan lahat ng pangangailang ng menor de edad niyang kasintahan hanggang sa ito’y manganak.

Nagdoble kayod siya nang maisilang na ang kanilang anak, guro sa umaga, online seller sa gabi, dahilan upang labis niyang mapahanga hindi lang ang kaniyang kasintahan pati na ang kani-kanilang pamilya.

Nang tumuntong na sa legal na gulang ang kaniyang kasintahan, agad na niya itong pinakasalan kagaya ng kaniyang pangako sa pamilya nito. Labis ang tuwang nararamdaman nila noong mga araw na iyon. Tila ba wala nang makakasira sa relasyong kanilang ipinaglaban.

Ngunit apat na taon lang ang nakalipas simula nang sila’y ikasal, nagsimula na silang magkaproblema ng kaniyang asawa. Madalas na silang nag-aaway dahilan upang may mga gabi siyang hindi umuuwi sa kanilang bahay at nakikitulog sa mga estudyante niyang naging tropa niya na rin.

Doon niya nakilala ang isang dalagang muling nagpatibok ng kaniyang puso na para bang siya’y binata dahilan upang talikuran niya lahat ng responsibilidad sa kaniyang mag-ina.

Naging masaya naman siya sa piling ng dalaga kagaya ng inaasahan niya dahilan upang lubos niyang akalaing tama na ang kaniyang desisyon. Ngunit isang umaga, habang masaya silang nag-aalmusal, bigla siyang nakatanggap ng isang tawag mula sa isang hindi kilalang numero.

Nagdalawang-isip siyang sagutin ito ngunit nang tumawag ito nang paulit-ulit, sinagot niya na rin ito’t tila bigla siyang nanghina sa balitang natanggap.

“Si Sir Joseph po ba ito? Inaresto po namin ang legal na asawa niyo dahil sa pagkit*l niya sa buhay ng anak niyo…” hindi na niya tinapos ang sinasabi ng naturang pulis, agad na siyang nagtungo sa kanilang bahay at doon niya nakitang isinasakay na sa ambulansya ang anak niyang wala nang buhay.

“Tyrone!” sigaw niya saka niya niyakap nang mahigpit ang bangk*y ng anak.

Maya-maya pa, isinama siya ng mga pulis sa presinto upang makita ang kaniyang asawa. Nadatnan niya itong nakatungo at tila hindi na matino ang pag-iisip. Agad itong lumapit sa kaniya nang siya’y mapansin.

“Sige na, Joseph, isama mo na si Tyrone, naririndi na ako sa kaniya, eh, araw-araw niya na lang akong kinukulit na ayaw niya raw sa akin at gusto niya sa iyo. Ayos lang ako, iwan niyo na ako pareho,” nakangiting sambit nito habang maluha-luha ang mata dahilan upang mapaluhod na lang siya sa labis na pagsisisi at panghihinayang sa buhay ng anak.

Wala siyang ibang magawa kung hindi magsisi at umiyak doon. Humagulgol siya sa harapan ng asawang wala na sa katinuan.

“Kasalanan ko ‘to, kasalanan ko!” sigaw niya habang siya ay tinatawanan lang ng asawa niya habang iniikot-ikot ang buhok nito.

Advertisement