
Naiirita ang Binatilyo Kapag Niyayakap Siya ng Kaniyang Mama na Isang Nurse; Darating Pala ang Pagkakataong Hindi na Sila Maaari pang Magyakap
Naiirita si Alvin kapag nilalapitan siya ng kaniyang mama na si Aling Vernie, isang nurse sa pribadong ospital, upang yakap-yakapin at pupugin ng halik sa pisngi. 15 taong gulang na si Alvin; para sa kaniya, malaki na siya, at ayaw niyang itinuturing na baby ng kaniyang mama.
“Nagbago ka na sa akin, anak… samantalang noon, gustong-gusto mong pinaliliguan pa kita. Nilalagyan pa nga kita ng pulbo sa likuran mo, hindi ba?” tila nagtatampong sumbat ni Aling Vernie sa kaniyang anak na lalaki.
“Dati iyon, Ma. Hindi na proper sa age ko. Grown up na ako,” sagot naman ni Alvin sa kaniyang mama. Ano na lamang ang sasabihin ng kaniyang mga kaibigan kung malalaman ng mga ito na ‘Mama’s Boy’ siya?
“Hindi mo na ba mahal si Mama? Tayong dalawa na nga lang eh. Kung buhay pa ang Papa mo, for sure yayakapin ka rin noon,” sabi ni Aling Vernie.
Tatlong taon nang ulila sa ama si Alvin. Mag-isa siyang itinaguyod ng kaniyang mama, na matagal nang naninilbihan sa pribadong ospital bilang head nurse. Kahit na dalawa na lamang sila sa buhay, hindi naman nagpabaya ito.
Ngunit isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap. Nagkaroon ng isang pandemya. Lalong naging abala si Aling Vernie sa kaniyang tungkulin. Hinding-hindi makalilimutan ni Alvin ang mga uwing uniporme ng kaniyang mama, na noon ay hindi naman nito isinusuot.
“Anak, baka dumating sa puntong hindi na ako uuwi rito. Delikado kasi ang virus. Ayokong madala ang sakit dito. Kaya, baka papuntahin ko rito ang Tito James mo para may makasama ka,” sabi ni Aling Vernie kay Alvin.
“Ma, baka naman magkasakit ka niyan, uwi ka na lang po rito sa atin” pag-aalala naman ni Alvin.
At nangyari na nga ang kinatatakutan ng mag-ina. Itinakda ng pamahalaan na isailalim sa community quarantine ang Metro Manila. Patuloy ang pagdagsa ng mga taong tinatamaan ng sakit. Pagod na pagod na rin ang mga nurses at doktor, kabilang si Aling Vernie.
Hindi na umuuwi si Aling Vernie. Sa ospital na siya nanuluyan. Kumuha na lamang ng paupahan ang pamunuan ng ospital para sa kanilang mga empleyado. Sa video call na lamang nagkakausap sina Aling Vernie at ang anak.
“Ma, kumusta ka po riyan? Uwi ka na po rito. Nag-aalala ako para sa iyo,” naiiyak na sabi ni Alvin habang sila ay magkausap sa video call kinagabihan.
“Ayos lang ako rito, anak. Ikaw kumusta ka? Kumakain ka ba sa oras? Baka naman pinasasakit mo ang ulo ng Tito James mo ah?”
“Hindi po, ate. Mabait naman po si Alvin huwag po kayo mag-alala,” singit ni Tito James sa kaniyang nakatatandang kapatid.
“Naku James, ikaw na ang bahala riyan kay Alvin. Medyo makulit nga lang iyang pamangkin mo pero mabait naman iyan,” bilin ni Aling Vernie.
Makalipas ang isang buwan, hindi na rin kinaya ni Aling Vernie ang bagsik ng virus. Tinamaan na rin siya nito.
“Ma… magpalakas ka… uuwi ka pa rito sa atin,” pumapalahaw ng iyak si Alvin. Hindi niya matagalang tingnan ang kaniyang mama, na nasa banig ng karamdaman.
“A-ayos lang ako anak… gagaling si Mama. Babalik ako, at yayakapin kita!” nakangiting pagtitiyak ni Aling Vernie. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang hirap sa paghinga subalit pinipilit pa rin niyang magpakatatag para sa anak.
Sising-sisi naman si Alvin. Sa pagkakataong iyon, gusto niyang yakapin ang kaniyang ina, subalit hindi niya magawa. Naisip niya, sana noon ay niyakap na niya nang maraming beses ito. Kapag natapos na ang lahat at gumaling na ito, yayakapin niya ang kaniyang mama nang maraming-maraming beses.
Makalipas ang isang buwan, sa kabutihan ng Diyos ay gumaling si Aling Vernie, Nagpalipas pa siya ng 14 na araw bago siya umuwi sa kanila. Gusto niyang mayakap at makita ang kaniyang anak. Kaya gumawa siya ng paraan. Nagbaon siya ng plastik upang maisuot sa kaniyang katawan.
Isinuot ni Aling Vernie ang plastik sa kaniyang katawan. Agad siyang sinalubong ng yakap ni Alvin. Nag-iyakan ang mag-ina. Bumuhos ang emosyon sa isa’t isa. Kahit paano ay naibsan ang takot ng mag-ina, na baka tuluyan na silang hindi magkita at magkayakap pa.
Simula noon, mas lalong naging malapit ang loob ni Alvin sa kaniyang mama, na maituturing na makabagong bayaning lumalaban at sumasagupa sa kalabang pandemya. Muling bumalik si Aling Vernie sa tawag ng kaniyang tungkulin.