
Napulot ng Mangingisda ang Sanggol na Palutang-Lutang sa Dagat; Ito Pala ang Mag-Aahon sa Kaniya sa Hirap
“Dalawang oras na ako na narito sa laot pero wala pa rin akong nahuhuling mga isda,” malungkot na bulong ni Damian sa sarili.
Alas siyete pa lamang ng umaga ay umalis na siya sa kaniyang bahay para mangisda. Ang panghuhuli ng mga isda sa dagat ang ikinabubuhay ni Damian ngunit sa oras na iyon ay tila ayaw magpahuli ng mga ito kaya lukot na lukot na ang pagmumukha niya. Ngunit may kung ano siyang nakitang palutang-lutang sa tubig.
“Aba, ano kaya iyon?” gulat niyang sabi.
Nakita niya ang isang malaking styrofoam na palutang-lutang sa dagat at sa ibabaw niyon ay isang kulay itim na bag. Agad niya itong nilapitan.
“Bag nga! Baka may lamang pera!”
Biglang nabuhayan si Damian. Kung wala siyang mahuling mga isda, baka suwertehin siya sa nakita niya. Ngunit imbes na pera ay iba pala ang nasa loob ng kulay itim na bag.
“Mahabaging langit! Isang sanggol! P-paanong napadpad ang sanggol na ito rito sa dagat?”
Kitang-kita niya ang sanggol na himbing na himbing na natutulog sa loob ng bag.
Nakaramdam ng pagkagiliw ang lalaki nang masulyapan ang natutulog na munting anghel.
“Ang cute naman ng sanggol na ito. Sino kayang walang puso ang umabandona sa kawawang batang ito?”
Dahil sa wala siyang asawa at anak ay kinupkop na lamang niya ang sanggol na lalaki at itinuring na tunay na anak.
“Angelo, Angelo, anak! Nasaan ka bang bata ka?” hiyaw niya.
“Narito lang po ako itay sa tabing dagat. Nangunguha po ako ng mga makukulay na bato,” sagot ng bata.
Pitong taon ang mabilis na lumipas. Malaki na ang sanggol na napulot ni Damian sa dagat at iyon ay walang iba kundi si Angelo.
“Halika na sa kubo at kakain na tayo!”
“Opo itay!”
Lumaking mabait, masunurin, matalino at masiyahin si Angelo. Kahit kailan ay hindi ito nagbigay ng sakit ng ulo kay Damian. Puro karangalan pa nga ang ibinigay nito hanggang tumuntong sa kolehiyo. Puro medalya ang hatid ng binata sa kaniya. Kumukuha ito ng kursong Medical Technology.
“Itay, Cum Laude po ako!” masaya nitong balita kay Damian.
“Wow, congrats, anak! Ang talino at ang galing mo talaga!” tuwang-tuwang sagot ng ama sabay yakap nang mahigpit sa binata.
Nang makapagtapos sa pag-aaral at nakapagtrabaho sa Maynila si Angelo ay lihim pala nitong hinahanap ang totoong mga magulang. Hindi inilihim ni Damian sa kaniya ang katotohanan na hindi siya nito tunay na anak at nakuha lang siya nito sa dagat noong siya’y sanggol pa kaya ipinangako niya sa sarili na sa oras na makapagtapos siya sa pag-aaral at magkaroon ng trabaho ay hahanapin niya ang mga tunay niyang magulang, hindi para magpakilala sa mga ito kundi nais lang niyang malaman kung sino mga ito at kung bakit siya inabandona.
Hindi na muna niya ipinalam sa ama-amahan ang ginagawa niyang paghahanap at para hindi sumama ang loob nito, ngunit isang araw ang katotohanan ay kusa nang lumapit sa kaniya. May matandang babae na pumunta sa ospital kung saan siya nagtatrabaho. Nabasa raw nito ang post niya sa Facebook tungkol sa paghahanap niya sa totoong mga magulang. Walang kaalam-alam ang kaniyang ama na dalawa ang Facebook account ang ginagamit niya, isang personal account na alam ni Damian at isang account na siya lang ang nakakaalam.
“Magandang araw, ikaw ba si Angelo Sebastian?” tanong ng ale.
“Ako nga po. Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?”
“Ako si Milet. Nabasa ko ang post mo sa Facebook tungkol sa paghahanap mo sa tunay mong mga magulang. Ang sabi mo sa post, napulot ka ng umampon sa iyo sa dagat sa Batangas? Doon kasi iniwan ng mga amo ko ang kanilang anak ilang taon na ang nakakaraan,” bunyag ng babae.
Nagulat si Angelo sa nalaman at mas lalo niyang ikinagulat ang sumunod na sinabi ng ale.
Nang dalawin niya ang ama sa probinsya ay sinabi niyang magsimula na itong mag-empake ng mga damit at isasama na niya ito sa Maynila. Bigla naman ang pagtataka ni Damian.
“Bakit biglaan naman ang pagsama mo sa akin sa Maynila, anak? Nangungupahan ka lang doon sa isang maliit na apartment ‘di ba? Baka makaistorbo lang ako sa iyo?”
“Basta, itay. May sorpresa po ako sa inyo.”
Pagdating nila sa Maynila ay agad na dinala ni Angelo ang ama sa isang maganda at malaking bahay.
“Teka, kaninong bahay ito, anak?” nagtatakang tanong ni Damian.
“Simula ngayon dito na tayo titira, itay,” tugon ni Angelo.
“B-bakit, kanino ba ang napakagandang bahay na ito?”
“Sa akin po ito, itay. Ito po ang isa sa mga ari-ariang naiwan sa akin ng mga totoo kong magulang. Aaminin ko po ang totoo, hinanap ko po ang tunay kong mga magulang ngunit nalaman kong namayapa na pala sila. Natuklasan ko rin po na hinanap din pala nila ako, iyon nga lang ay huli na. Hindi ko na sila naabutan. Nas*wi raw sila sa isang aksidente dalawang taon na ang nakakaraan ngunit kahit ganoon ang nangyari ay may iniwan pa rin silang mga ari-arian at mana sa akin bilang kanilang anak. Nakausap ko po si Aling Milet, ang dati nilang kasambahay. Inabandona raw ako ng aking mga magulang dahil hindi raw ako tanggap ng aking lolo at lola. Mahirap lang ang aking tunay na ama samantalang heredera naman ang aking ina. Tinakot lang ng aking lolo at lola ang aking ina na mawawalan ng mana at pahihirapan naman ang pamilya ng aking ama kapag hindi ako idispatsa pero pinagsisihan naman daw nila ang ginawa sa akin. Sabi ng kanilang abogado ay dapat akong sumailalim sa DNA test para makumpirma na ako nga talaga ang anak nila at positive nga po ang naging resulta. Isa po akong heredero, itay. Patawarin niyo po ako sa aking ginawa at sa hindi pagtatapat sa inyo. Ayoko pong isipin niyo na hindi kayo sapat sa akin. Gusto ko lang pong malaman ang tunay kong pinagmulan,” hayag ni Angelo.
Hindi makapaniwala si Damian sa sinabi ng anak.
“Mula ngayon, dito na tayo titira at hindi na tayo maghihirap pa, itay. Hayaan niyong ipalasap ko sa inyo ang magandang buhay gaya nang pagpapalasap niyo sa akin ng pagmamahal kahit hindi niyo ako tunay na anak.”
Umagos ang masaganang luha sa mga mata ni Damian.
“Ano man ang iyong pagkatao o saan ka man nagmula, walang magbabago. Para sa akin, ikaw ang anak kong si Angelo,” wika ni Damian.
At mahigpit na nagyakap ang mag-ama. Mula noon ay hindi na sila nagkahiwalay pa. Binigyan nang maayos at masaganang buhay ni Angelo ang ama na nagmahal at itinuring siyang tunay na anak.