Inday TrendingInday Trending
Nais nang Sumuko ng Lalaki Dahil sa Palaging Pagkalugi sa Negosyo, Naliwanagan Siya nang Makausap ang Inang Baldado

Nais nang Sumuko ng Lalaki Dahil sa Palaging Pagkalugi sa Negosyo, Naliwanagan Siya nang Makausap ang Inang Baldado

“Mahal, paano ba ‘yan? Nalugi na naman tayo, lahat na ata ng pwedeng itinda, naitinda na natin kaso kung hindi tayo nananakawan, tinatakasan tayo ng mga may utang sa atin,” daing ni Anton sa kaniyang asawa, isang umaga habang sila’y nagkakape.

“Oo nga, mahal, eh, kung huwag na lang kaya tayo magpautang? Kasi, ‘di ba, kapag nakukuha na nila yung produkto, bigla silang nawawala,” malungkot na sagot ng kaniyang asawa saka hinawakan ang kaniyang kamay.

“Eh, paano tayo kikita kung hindi tayo magpapautang? Wala na nga tayong mamimili, eh, lahat naagaw na ng kapitbahay natin,” tugon niya dahilan upang mapabuntong hininga ang kaniyang asawa.

“Hindi ko na alam, mahal ko,” bulong nito sa kaniya.

“Kung huwag na lang kaya tayong magnegosyo? Hayaan mo na akong pumasok muli sa opisina, malaki na naman si bunso, eh, sigurado ako kaya mo na mag-isa rito sa bahay,” ‘ika niya dahilan upang mapaisip ang kaniyang asawa.

“Kung iyon ang tingin mong mas makakabuti sa atin, susuportahan kita at gagawin ko ang lahat para maalagaan nang mabuti si bunso,” sambit nito dahilan upang siya’y mapangiti at bahagyang kumalma ang nangangambang puso.

Magdadalawang taon na simula nang magpasiya ang padre de pamilyang si Anton na piliin ang pagnenegosyo’t umalis sa kumpanyang pinagtatrababuhan upang bukod sa kumita ng sapat na pera para sa maliit na pamilya, para rin matulungan ang asawa na mag-alaga sa bagong silang nilang anghel.

Noong una’y naging maayos naman ang kaniyang pagnenegosyo. Nakakabenta siya at nakakaubos ng mga panindang damit, kutkutin at iba pang mga gamit sa bahay. Ngunit nang mainggit ang kanilang kapitbahay, nagtinda rin ito ng kagaya sa mga paninda niya at naagaw lahat ng kaniyang mga suki dahilan upang sila’y unti-unting malugi.

Lumala pa ang kinakaharap nilang krisis nang magpasiya silang ipautang ang mga produkto para lamang kumita at maubos, dahil lahat ng pinautang nila, lahat ay hindi makabayad. Ang iba’y hindi nila mahagilap habang ang iba nama’y wala raw talaga pera at puro pasensya ang sinasabi sa kanila dahilan upang ganoon na lang siya mag-aalinlangan sa buhay na tinatahak niya para sa pamilya.

Kinagabihan noong araw na ‘yon, dahil nga hindi siya makatulog dahil sa pangambang nararamdaman, naisipan niyang puntahan ang baldado niyang ina na nakatira lang sa tapat ng kanilang bahay upang magsabi nang kaniyang mga hinaing sa buhay.

Nadatnan niyang nagkakape sa labas ng bahay ang kaniyang bunsong kapatid, tinapik-tapik lang siya nito sa balikat saka sinabing, “Dalian mo na, kuya, pagtulog na si nanay,” dahilan upang agad siyang pumasok sa silid nito.

Kilalang-kilala na siya ng kaniyang pamilya, alam nilang lahat na may mabigat siyang problema sa tuwing dadalaw siya nang ganoong oras. Nakita niyang nanunuod ng telebisyon ang kaniyang ina habang ito’y nakahiga sa kamang halos isang taon na nitong kapiling. Ngumiti lang ito sa kaniya saka siya pinalapit upang yakapin.

“Anong dinadala ng panganay ko?” malambing nitong sambit at doon na nga niya ikinuwento ang kaniyang pinagdadaanan, “Kung ako sa’yo, anak, hindi ako susuko sa pagnenegosyo dahil lang may naiingit sa’kin o dahil lang nalugi ako. Parte ‘yan ng pagnenegosyo at ang tanging hindi lang parte nito ay ang pagsuko. Hindi makikilala ang negosyo mo kung susuko ka. Siguro mali lang ang produkto at lugar na pinagtitindahan mo, bakit hindi mo subukang magtinda sa paaralan ng mga pagkaing pasok sa bulsa ng mga estudyante?” sambit ng kaniyang ina dahilan upang labis siyang maliwanagan at muling magkaroon ng pag-asa.

Sinunod niya nga ang sinabi ng kaniyang ina. Agad siyang nakipag-ugnayan sa isang unibersidad upang makapagtinda siya sa labas nito. Nangutang din muna siya sa kapatid ng kaniyang asawa upang magkaroon ng puhunan sa gagawin niyang bagong negosyo.

Sa kabutihang palad, agad siyang pinayagan dahilan upang ilang araw lang ang nakalipas, agad na siyang nakapagtinda ng mga pagkain dito. Mayroon siyang mga tusok-tusok, meryenda at mga kanin at ulam na swak sa bulsa ng mga estudyante.

Naging patok ang tindahan niyang iyon dahilan upang anim na buwan lang ang dumaan, mabawi niya ang lahat ng pagkalugi niya sa mga nakaraang negosyong sinubukan.

Tuwang-tuwa naman ang kaniyang ina nang ibalita niya ito.

“Sabi sa’yo, anak, eh, hindi solusyon ang pagsuko!” masiglang sambit nito. “Salamat, nanay,” tugon niya saka niya ito mahigpit na niyakap.

Wala pa mang malaking ipon, ang importante para kay Anton ngayon ay ang unti-unting paglago ng maliit niyang kainan na bunga ng madiskarteng utak ng kaniyang ina.

Advertisement