Inday TrendingInday Trending
Natuklasan Niyang may Babae ang Kaniyang Ama; Paano Niya Itatama ang Pagkakamali Nito?

Natuklasan Niyang may Babae ang Kaniyang Ama; Paano Niya Itatama ang Pagkakamali Nito?

Napakuyom ang kamay ni Anthony sa manibela ng kaniyang sasakyan nang mamataan ang ama na ngiting-ngiti sa batang-bata babae na kasama ng kaniyang ama na pumasok sa isang kilalang five-star hotel.

Marahan pang nakahawak ang kaniyang ama sa siko ng babae nito! Hindi na ito nahiya, at halos mukhang anak lang nito ang babae.

“May babae si papa!” Nagngangalit ang bagang na wika ng binata.

Minasdan niya ang babae. Parang may kumurot sa kaniyang puso nang makita niya ang maamong mukha ng babae. Tila kilala niya ito ngunit hindi siya sigurado kung saan niya ito nakita.

Hindi siya makapaniwala sa nasaksihan. Hindi niya inakala na ang kaniyang ama na iniidolo niya mula pagkabata at ang inakala niyang mapagmahal na padre de pamilya ang may itinatago palang baho.

Nang makauwi siya ng bahay ay hindi niya malaman kung paano niya haharapin ang kaniyang ina. Alam niya na mahal na mahal nito ang kaniyang ama kaya sigurado siya na masasaktan ang kaniyang ina kapag nalaman nito ang masakit na katotohanan.

“Anak, halika’t sabayan mo kami mag-dinner!” Masayang aya ng kaniyang mama na nakaupo sa hapag kainan kasama ang kaniyang kapatid.

“Si papa po, hindi natin hihintayin?” Matabang na usisa niya sa ina. Tinitingnan niya ang magiging reaksyon nito.

“Wala ang papa mo, may ka-appointment siya ngayong dinner. Kasama dapat ako, nag-cancel lang ako at pagod ako,” paliwanag ng ina.

Lihim na napaismid si Anthony. Wala man lang kaide-ideya ang kaniyang ina kung sino ang kinatagpo ng kaniyang ama. Masyadong malaki ang tiwala ng kaniyang ina rito.

Nakasimangot na pilit niya nilunok ang pagkain sa kaniyang lalamunan na tila may malaking bara.

“Anthony, may problema ka ba, anak?” Kunot noong tanong ng kaniyang ina nang mapansing wala siyang ganang kumain.

“Wala po, mama, pagod lang po sa trabaho.” Pilit na ngiti ang kaniyang iginawad sa ina bago tumayo mula sa hapag kainan.

“Magpapahinga na po muna ako, mama.” Nag-aalalang tumango naman ang kaniyang ina.

Halos hindi makatulog nang gabing iyon si Anthony. Tila paulit-ulit na bumabalik sa isipan ang nakitang tagpo sa hotel.

Nagtungo siya sa kanilang balkonahe upang magpahangin. Bahagya pa siyang nagulat nang makitang may taong nauna sa kaniyang tumambay doon.

“Papa?” Paninigurado ni Anthony.

“Anak, bakit gising ka pa?” Tanong ng kaniyang ama matapos humigop ng kape.

“Hindi po ako makatulog.” Gusto sana niyang idagdag na ito ang dahilan kung bakit hindi siya makatulog ngunit nagtimpi siya.

Akmang aalis siya nang pigilan siya ng kaniyang ama.

“Anak, dito ka muna. Matagal na rin simula nang huli tayong magkakwentuhan.”

Labag man sa kalooban ni Anthony ay umupo siya sa tapat ng kaniyang ama. Gusto niya ring kausapin ito ngunit wala siyang lakas ng loob na marinig dito ang totoo.

“Pa, halos apatnapung taon na kayo magkasama ni mama, hindi po ba?” Maya-maya ay basag ni Anthony sa katahimikan.

“Oo, anak, bakit mo naitanong?”

“Mahal niyo pa po ba si mama?”

Kahit sa dilim ay nakita niya ang pagkunot noo ng kaniyang ama.

“Oo naman, anak, ano ba namang tanong ’yan?”

“Wala lang po, kasi masyadong mahaba ang apatnapung taon. May mga tao po siguro na nagsasawa at humahanap ng iba?” Mataman niyang minamasdan ang reaksiyon ng ama.

Nagulat siya nang matawa ang ama. Bumaling ito sa kaniya.

“Anak, siguro hindi mo pa nahahanap ang taong para sa iyo,” nakangiting wika ng kaniyang ama.

“Paano niyo naman po nasabi? Wala akong girlfriend ngayon, pero may mga pinakilala na po ako sa inyo dati,” Kunot noong tanong ni Anthony.

“Kasi anak, kapag nakilala mo na ang taong parang sa iyo, wala kang mahabang panahon para makasama siya. Kahit habang buhay, pakiramdam mo hindi sasapat. Kaya dapat araw-araw mong iparamdam ang pagmamahal mo.”

Tuluyan nang natahimik si Anthony. Napatitig na lang sa mga mata ng kaniyang ama na mas matingkad pa ang kislap ng mga mata kaysa sa mga bituin sa kalangitan.

“Ganun ang nararamdaman ko sa mama mo, anak. Malalaman mo ang sinasabi ko kapag nakilala mo na ang babaeng para sa’yo. Sana ay makahanap ka ng babaeng mamahalin ka kagaya ng pagmamahal ng mama mo sa akin.” Tinapik pa siya ng ama sa balikat bago siya iniwang nakatulala habang nagmumuni muni sa dilim.

Hindi na siya nagkaroon ng tiyansa tanungin tungkol sa babae nito. Mukha namang totoong mahal ng kaniyang ama sa kaniyang mama, pero paano nito nagawa na humanap ng iba?

Hindi nakatulog si Anthony nang gabing iyon.

“Anak, available ka ba mamayang gabi?” Tanong ng kaniyang ina bago siya umalis ng bahay.

“Opo, mama. Bakit po?

“Mabuti naman! May dinner kami ng papa mo kasama ang kaibigan niya, baka gusto mong sumama?” May kislap sa mata ng kaniyang ina.

Naguguluhan man ay pumayag na din siya. Gusto niya din naman matyagan ang kaniyang ama.

“Sige, magkita tayo mamaya ng alas sais!” Masiglang wika ng kaniyang ina.

Sumapit ang alas sais.

Nauna si Anthony kaniyang mga magulang kaya naman nagulat pa siya ng igiya siya ng waiter sa isang mesa kung saan may isang babaeng nakaupo.

Nang makita niya ang babae ang nanlaki ang mata niya.

Ito ang babae ng kaniyang papa!

“I-ikaw ang ka-dinner namin?” Naguguluhang tanong ni Anthony.

“Tonton?” Nanlalaki ang matang wika ng magandang babae.

“Sino ka? Bakit tinatawag mo ako ng ganiyan e hindi naman kita kaibigan?” Matalim ang tingin ni Anthony sa babae.

Natawa ang babae at tuluyan nang tumayo. Napapiksi pa siya nang yakapin siya ng babae.

“Ano ka ba, para kang sira! Ako ‘to, si Nadine!” Wika ng babae ng humiwalay sa kaniya.

“N-nadine?” Nag-iisang Nadine lang ang kilala niya.

“Nadine? Nadz Sanchez?” Gulat na gulat na wika ni Anthony. Kababata niya ito. Nagtungo ang pamilya nito sa Amerika dalawampung taon na ang nakararaan. Hindi niya alam na bumalik na pala ito.

“Wala nang iba.” Malaki ang ngiti nito.

“Hindi kita nakilala! Mas lalo kang gumanda!” Sinserong wika ni Anthony.

Namula naman ang pisngi ng babae. Masaya silang nagkwentuhan nang tungkol sa mga buhay nila.

“Mukhang may nag-eenjoy ah?” Narinig na lamang nila na tudyo ng magulang ni Anthony na kadarating lang.

“Tito! Tita!” Salubong ni Nadine sa kaniyang mga magulang.

“Nadz! Ang ganda ganda mo lalo!” Niyakap ito ng kaniyang ina.

“Tita, hindi ka sumipot nung isang araw! Si tito lang tuloy ang na-meet namin nila mommy,” nanunudyong wika ni Nadine dito.

Napayuko naman si Anthony. Naalala ang gabing hinusgahan niya nang ganun kadali ang kaniyang ama.

“Pasensiya na, hija. Sa susunod pumunta naman kayo sa amin ha?” Malambing na wika ng kaniyang ina sa dalaga.

Masaya silang nagkwentuhan. Napagdesisyunan din ni Anthony na aminin sa mga magulang ang kaniyang maling akala.

Imbes na magalit ay nagulat siya ng maghalakhakan ang kaniyang mga magulang.

“Sinasabi ko na nga ba at may kakaiba sa’yo nung gabing iyon, eh!” Wika ng kaniyang ina na sinegundahan naman ng kaniyang ama.

Pinagdesisyunan nilang ibaon na lamang iyon sa limot. Masaya si Anthony na mali ang kaniyang akala.

Panaka-naka naman silang tinutudyo ng mga magulang nang malamang wala ring boyfriend si Nadine.

Ang gabing iyon ang naging simula ng magandang pagtitinginan ni Anthony at Nadine. Makalipas ang halos dalawang taon ay nagpakasal ang dalawa.

Namuhay silang mag-asawa nang may pagmamahal, tiwala at respeto sa isa’t isa.

Advertisement