Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Dalaga ang Inang Putol ang Braso; Lubusan ang Kaniyang Pagsisisi Nang Malaman ang Dahilan Nito

Ikinahihiya ng Dalaga ang Inang Putol ang Braso; Lubusan ang Kaniyang Pagsisisi Nang Malaman ang Dahilan Nito

“Rose, ikaw yata ang kinakawayan nung babaeng putol ang braso?” sambit ng kaklase ng dalaga sa kaniya habang naglalakad sila sa labas ng kanilang unibersidad.

Napatingin si Rose sa sinasabi ng kaniyang kaklase.

“H-hindi ko kilala ang babaeng ‘yon. Baka namamalikmata lang kayo. Hindi sa akin kumakaway baka sa iba. Tara na nga! Pumunta na tayo sa canteen!” pagtatakip ni Rose.

Nasa kolehiyo na ang dalagang si Rose at kumukuha ng kursong tourism. Maganda ang imahe ng dalaga sa kanilang paaralan. Bukod kasi sa maganda ang itsura nito ay napaliligiran pa siya ng kaniyang mga kaibigan na kapwa magaganda rin at mayayaman pa.

Kaya ganoon na lamang ang pagtanggi ni Rose nang makita ang kaniyang ina sa labas ng kanilang unibersidad.

Isang street sweeper ang kaniyang inang si Aling Nora. Kahit na putol ang kanang braso nito ay hindi niya inalintana ang pagtatrabaho bilang taga-walis ng kalsada. Nais kasi niyang bigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang anak. Alam niya kasing tanging ang edukasyon lamang ang kaya niyang ipamana sa nag-iisang anak na si Rose.

Mag-isang tinataguyod ni Aling Nora ang kaniyang anak na si Rose sapagkat maagang kinuha ng Panginoon ang kaniyang asawa dahil sa sakit na tuberkolosis. Kahit salat ang buhay ay pilit na pinagkakasya ni Aling Nora upang maging sapat sa kanilang pangangailangan.

Minsan ay umeekstra din sa pagtitinda-tinda ng gulay sa palengke ang kaniyang ina. Minsan din ay nagbabantay ito ng isang junk shop. Nais kasi niyang ibigay ang lahat kay Rose upang hindi nito madama na iba siya sa ibang mga kabataan sa kaniyang edad.

“Kanina nagpunta ako sa eskwelahan mo anak kasi malapit ako doon nadestino na magwalis. Kinakawayan kita pero tila hindi mo ako nakita Pero parang napansin ako ng isang kaklase mo,” saad ng ina kay Rose.

“H-hindi po namin kayo napansin, ‘nay. Sana kung nakita kita doon ay agad kitang nilapitan,” tugon ng dalaga.

“Saka, ‘nay. P’wede sa susunod po ay h’wag nyo na akong puntahan sa unibersidad? Minsan kasi ay nagmamadali talaga kami para sa mga susunod na klase. Saka para makauwi na rin kayo kaagad dito sa bahay. Makakagpahinga kayo. Baka malayu-layo rin ang nilakad niyo,” sambit ni Rose.

“Sige, anak. Tama ka nga. Baka nakakaistorbo rin ako sa’yo,” wika ni Aling Nora.

Ngunit ang totoo ay hindi nag-aaalala itong Rose sa kaniyang ina kung hindi nag-aalala siya para sa kaniyang imahe sa paaralan. Nahihiya siyang malaman ng kaniyang mga kaibigan at kaklase na ang kaniyang ina pala ay putol ang braso at taga-walis lamang ng daan.

Ayaw rin niyang malaman ng iba na galing siya sa isang mahirap na pamilya.

Kinabukasan sa unibersidad ay kailangan daw dumalo ng lahat ng mga magulang ng mag-aaral para sa isang pagpupulong.

“Rose, sino ang pupunta sa’yo bukas? Pupunta ba ang mommy mo?” tanong ng kaibigan ng dalaga.

“A, h-hindi makakapunta ang mommy ko kasi nasa ibang bansa siya,” saad ng dalaga.

“Ganoon ba? Sino ang pupunta bukas para sa iyo? E, hindi ba wala na ang daddy mo?” tanong muli ng kaibigan. “Ay, ‘di ba sabi mo may yaya ka? Baka siya ay p’wede,” dagdag pa ng kaibigan.

Tila napasubo na si Rose sa mga kasinungalingan na kaniyang ginawa kaya agad siyang nagtungo sa malapit na kaibigan ng kaniyang ina na si Hilda.

“Tita Hilda, sige na po, pakiusap. Kailangan daw po kasi talaga ng pupunta sa pagpupulong ng magulang sa eskwela. Wala pong makakapunta para sa akin,” pakiusap ng dalaga.

“H-hndi ba kaya ako ang pinapapunta mo ay dahil sa kalagayan ng nanay mo, Rose? Magsabi ka ng totoo,” sambit ng ginang.

“H-hindi po, Tita Hilda. Sa katunayan nga po ay si nanay pa po mismo ang nagpapunta sa akin dito para makiusap sa inyo. May kailangan daw po kasi siyang gawin sa munisipyo,” paliwanag pa ni Rose.

Dahil sa sinabi ng dalaga ay pinaunlakan siya ng kaniyang Tita Hilda.

Nang araw ng pagpupulong ay matiyagang naghintay si Rose sa kaniyang Tita Hilda sa gate ng kanilang unibersidad. Ngunit laking gulat niya ng makita ang ina na papalapit sa kaniya.

“Anak, nagmamadali ka masyado nakalimutan mo ang isang libro mo. Mabuti na lamang at malapit lang ako dito na-destino. Ito kunin mo na,” wika ni Aling Nora na iniaabot ang libro.

“Anak? Nanay mo siya?” sambit ng isang kaibigan ng dalaga. “Hindi ba siya din ‘yung putol ang braso na kumakaway sa atin noong isang araw. Ang sabi mo ay hindi kayo magkakilala,” pagtataka ng dalaga.

Hindi alam ni Rose ang kaniyang isasagot. Dumagdag pa sa kaniyang problema ang pagdating ng kaniyang Tita Hilda.

“O, Nora, narito ka na pala. Ako sana ang dadalo sa pagpupulong para kay Rose dahil may kailangan ka raw asikasuhin sa munisipyo,” pahayag ng ginang.

Laking pagtataka ni Aling Nora. Doon pa lang ay nakutuban na ng ina ang ginawa ng kaniyang anak.

“H-hndi ko kilala ang dalagang iyan. Nalaglag niya kasi itong libro kaya iniaabot ko lang sa kaniya, ‘di ba, hija?” wika ni Aling Nora sa magkaibigan.

“Ikaw na ang pumunta para kay Rose. Tama nga may kailangan kasi akong asikasuhin sa munisipyo,” bulong ni Aling Nora habang pinipigilan niya ang kaniyang iyak at tuluyang umalis na.

“Bakit ganoon ang ginawa mo sa iyong ina, Rose? Bakit mo siya itinatanggi?” dismayadong sambit ng tiyahin.

“Nakikita mo naman ang lahat ng paghihirap niya para lang mapaaral ka at mabigyan ka ng magandang buhay. Hindi ko akalaing magagawa mo ito sa nanay mo matapos ang lahat ng sakripisyo sa iyo kahit hindi ka niya kadugo!” nabigla si Hilda sa kaniyang naamin sa dalaga dahil sa pagkainis.

“A-anong ibig niyo pong sabihin na hindi niya ako kadugo?” pagtataka ng dalaga.

“Wala nang punto rin kung itatago ko pa sa’yo, Rose. Anak ka ng ama mo sa iba. Nang iwan ka ng tunay mong ina sa iyong ama ay malugod kang tinanggap ni Nora dahil hindi sila magkaanak ng iyong ama. Inalagaan ka niya at itinuring sa kaniya. Hanggang ngayon ay marami siyang isinasakripisyo para sa iyo,” pahayag ng ginang.

“Hindi naman talaga putol ang braso ng Nanay Nora mo. Dahil lamang sa isang aksidente kaya siya nagkaganiyan,” sambit pa niya.

“Hindi po ba dahil sa makinarya noon sa pabrika?” wika ni Rose.

“Hindi, Rose. Iniligtas ka ng iyong ina dahil masasagasaan ka na nang sundan mo ang isang nagtitinda ng ice cream. Nang makita ka ng iyong ina ay agad ka niyang iniligtas at siya ang lubusang tinamaan. Dahil na rin sa tindi ng tama at impeksyon na nadala sa bali niyang braso ay kinailangan niya itong putulin. Magmula noon ay hindi na niya nagawang bumalik pa sa pabrika. Hindi niya iyon sinabi sa iyo dahil ayaw niyang dalhin mo ito sa iyong paglaki,” pag-amin ni Hilda.

Napahagulgol na nang tuluyan si Rose. Bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng nagawa ng ina para sa kaniya. Lalo pa at nalaman niyang kinupkop lamang pala siya nito at bunga siya ng isang pagkakamali. Ngunit ni isang saglit ay hindi niya naramadaman na iba siya.

Agad umuwi si Rose para puntahan ang kaniyang ina. Nadatnan niya itong lumuluha habang tangan ang larawan ng dalaga.

“Patawad, ‘nay! Patawarin niyo ako sa lahat-lahat ng pagkakamali ko!” hagulgol ng dalaga.

Isang yakap na lamang ang pumawi ng lahat ng sama ng loob na namagitan sa kanilang dalawa.

Simula noon ay taas noo nang ipinagmamalaki ni Rose ang kaniyang ina. Hindi niya na ito itinatanggi kahit kanino. Nang makapagtapos pa ang dalaga ay ang kaniyang ina ang nagsabit sa kaniya ng medalya.

Gumanti ang dalaga sa kaniyang kinilalang ina sa pagbibigay rito ng magandang buhay. Hindi na ito nagtrabaho pa. Patuloy na nagsumikap si Rose upang maibalik ang pagmamahal at kalinga na ibinigay sa kaniya ng kinilalang ina.

Advertisement