Nabuhay sa Baril at Masasamang Gawain ang Lalaki; Hindi Niya Alam na Anak Pala Niya ang Magiging Kabayaran ng Lahat
“Toryo, ano na naman itong pinasok mo? Bakit ka na naman nagtatago sa mga pulis?” natatarantang sambit ni Precy sa kaniyang nag-eempakeng asawa.
“Hindi mo na ba talaga kami iniisip ng mga bata? Paano na kami? Eto at buntis pa ako! Hindi ka ba talaga magtitino?” humahagulgol ng wika ng ginang.
“Sumagot ka naman, Toryo! Ano ba?! Saan ka na naman pupunta? Saan na naman kita hahagilapin?” walang patid na pag-ngawa ang misis.
“Tigilan mo muna ako ngayon, Precy! Kailangan kong makatakas ngayon at baka abutan ako ng mga pulis dito! H’wag mo na akong intindihin at kaya ko ang sarili ko. Tatawag na lang ako sa iyo kapag ayos na ang lahat. Ikaw na ang bahala sa mga bata!” sambit ng mister sabay nagmamadaling alis sa kanilang bahay.
Matagal nang hinihikayat ni Precy ang kaniyang asawang si Toryo na talikuran na ang masama niyang gawain. Napasama kasi sa isang grupo na nagbebenta ng mga ilegal na baril at ipinagbabawal na gamot ang kaniyang asawa. Matagal ng nangako si Toryo na titigil na siya ngunit hindi siya makaalis-alis sa kaniyang trabaho.
Hindi na rin masikmura pa ni Precy na ang pinapakain at pinangtutustos niya sa mga anak ay galing sa masamang gawain. Madalas pa ay kung saan-saan silang lugar lumilipat ng tirahan. Hindi rin mapirmi sa kanila ang asawa dahil madalas itong magtago sa batas.
Ngayon naman ay naipit sa isang gulo ang kaniyang asawa. Hindi kasi nagkasundo sa isang transaksiyon. Tinraydor sila ng isang kasama kaya hindi naiwasan na magkaputukan ng baril. Sa kasamaang palad ay mayroong nasawi sa kabilang grupo. Kasama na riyan na nakatunog ang mga pulis. Kinakailangan ni Toryo na magtago muna at pahupain ang init ng engkwentro.
Isang tawag ang natanggap ni Precy mula sa asawa makalipas ang dalawang linggo.
“Narito ako sa Nueva Ecija. May mga naghahanap ba sa akin d’yan?” bungad agad ni Toryo na halatang nagmamadali.
“Marami, Toryo. Maya’t maya at narito ang mga pulis. Natatakot na kami ng mga bata,” sambit ng ginang.
“Basta, h’wag na h’wag mo akong ituturo kung nasaan ako. Huwag mo rin sasabihing tumawag ako. Kumusta kayo ng mga bata? Nakuha mo ba ang ipinadala kong pera? Panggastos niyo ‘yan hanggang hindi pa ako nakakabalik.”
“Ayos naman kami ng mga bata. Kailan ka ba magbabago, Toryo? Lumalaki na ang mga bata at kailangan na nila ng isang ama. Ako, kailangan ko ng asawa. Umalis na tayo sa lugar na ito. Kalimutan mo na ang mga gawain mo at magsimula tayo ng bagong buhay,” paghikayat ni Precy sa asawa.
“Pangako ko sa iyo kapag natapos na ang lahat ng ito ay tuluyan na akong aalis sa grupo. Mamumuhay na tayo ng tahimik. Iyan din naman ang gusto ko. Kaso palagi nila akong iniipit, Precy. Ayoko na rin ng ganito na laging nagtatago,” sambit ng asawa.
“Sige na, Precy, at baka makatunog ang mga pulis na ako ang kausap mo. Tatawag na lang ako ulit sa mga susunod na araw,” dagdag pa ni Toryo.
Halos ilang buwan din ang nakalipas nang tuluyan ng humupa ang paghahanap kay Toryo. Nang makakauwi na si Toryo sa kanilang bahay ay nagdesisyon ang mag-asawa na umalis na sa dating tinitirhan at magsimula ulit ng bagong buhay sa probinsiya kung saan walang nakakakilala sa kanila.
Lubusan itong ikinagalak ni Precy dahil noon pa man ay ito na ang kaniyang nais. Naipanganak niya ang kaniyang ipinagbubuntis at naging tahimik na rin ang kanilang pamilya sa probinsiya.
Ngunit talagang hindi nilalayuan si Toryo ng kaniyang nakaraan. Dahil sa hirap ng buhay na kinakaharap sa probinsiya ay bumalik na naman si Toryo sa masamang gawain lingid sa kaalaman ng kaniyang asawa. Muli siyang nagbenta ng mga ilegal na baril at mga ipinagbabawal na gamot.
Nang matuklasan ito ni Precy ay agad niyang kinumpronta ang asawa.
“Ano ang ibig sabihin nito, Toryo? Ang akala ko ba ay magbabago ka na?” sambit ng misis.
“Ang hirap ng buhay natin dito, Precy! Marami tayong pangangailangan lalo na ang mga bata. H’wag kang mag-alala kasi nag-iingat ako,” paliwanag ng mister.
“Tama na, Toryo! Tama na! Ayoko na ng ganitong buhay!” sigaw ng asawa.
“Akala mo ba ay gusto ko ang ganito? Kayo lang naman ang iniisip ko!” saad ni Toryo.
“Kung kami talaga ang iniisip mo ay dapat matagal ka ng hindi pumasok sa gawain na ito. Wala namang nagrereklamo sa iyo sa buhay natin ngayon kahit nahihirapan tayo. Ang mahalaga ay sama-sama tayo at payapa ang buhay,” pahayag ni Precy.
Niyakap na lamang siya ni Toryo. “Patawarin mo ako. Huli na talaga ito,” saad ng ginoo.
Nang matapos ang nasabing transaksyon sa baril at ipinagbabaw*l na gam*t ay desidido na si Toryo na talikuran ang ganitong gawain.
Ngunit ang hindi niya alam ay ang katransaksiyon pala nito ay ang dating nakaengkwentro nila na nam*tayan ng kasama at ipinaghihiganti ang nangyari dati. Sinundan ng mga ito si toryo hanggang sa makauwi sa kanilang tahanan. Doon ay pinaulanan ng mga lalaki ng putok ng baril ang kanilang bahay.
Nailigtas man ni Toryo ang kaniyang sarili at ang mag-iina ay hindi nakaligtas ang bunso nilang anak. Tinamaan ito ng bala.
“Anak ko!” halos mapatid ang litid ni Precy nang makitang duguan ang sanggol.
“Anak ko! Anak ko!” patuloy ito sa pagsigaw habang bitbit ang wala nang buhay na anak.
Natulala naman si Toryo sa nangyari. Hindi na siya nakagalaw pa.
“Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito! Ikaw! Wala kang kwentang asawa! Wala kang kwentang ama lalong wala kang kakwenta-kwentang tao!” pagtangis ni Precy.
Napaluhod na lamang si Toryo at napaiyak. Lubusan ang kaniyang pagsisisi sa kaniyang ginawa. Hindi niya akalain na ang lahat pala ng magiging kapalit ng masama niyang ginagawa ay ang buhay ng kaniyang sariling anak.
Gusto man niyang itama ang lahat at magbago ay tila huli na ang lahat. Hindi na nito maibabalik ang buhay ng kaniyang bunsong anak. Dahil din sa pangyayari ay tuluyan na siyang iniwan ni Precy bitbit ang dalawa pang bata. Mula noon ay hindi na nakita pa ng ginoo ang kaniyang mag-iina.
Binalot ng lungkot at pagkasuklam sa sarili si Toryo. Kung sana lamang ay nakinig siya sa asawa ay hindi sana ganito ang kinahantungan ng kanilang buhay.