Inday TrendingInday Trending
Binibili sa Malaking Halaga ng Lalaki ang Singsing na Nahulog sa Daliri ng Isang Babae Habang Nagbibigay ng Limos; Hindi Nila Inaasahan ang Ginawa ng Matandang Pulubi

Binibili sa Malaking Halaga ng Lalaki ang Singsing na Nahulog sa Daliri ng Isang Babae Habang Nagbibigay ng Limos; Hindi Nila Inaasahan ang Ginawa ng Matandang Pulubi

“Hindi pa ba napapalitan ni George ang engagement ring na ibinigay niya sa’yo, bes? Kanina pa kita nakikita na hindi ka mapakali sa singsing mo,” saad ni Jane sa kaibigan si Wendy.

“Hindi pa nga e. Ayaw ko naman din siyang madaliin kasi nakita ko ang itsura niya noong nagpropose siya sa akin tapos maluwag pala itong singsing. Hindi ko na nga sana muna susuotin kaso baka mamaya ay ikasama ng loob niya,” tugon ng dalaga.

“Pero baka sa isang linggo ay mapalitan na rin ito. Inaantay ko lang ang panahon na hindi siya abala sa trabaho,” dagdag pa ni Wendy.

“Nakakatakot kasi, bes, mukha talagang mahal ang singsing na ‘yan baka mamaya ay hindi mo mapansin na wala na sa daliri mo,” pag-aalala ng kaibigan.

“Naku, sana ay huwag mangyari ‘yan!” wika ni Wendy.

Isang linggo pa lamang ang nakakalipas ng alukin si Wendy ng kaniyang matagal nang kasintahang si George na magpakasal. Dahil sa tagal na rin ng kanilang pagsasama ay oras na rin para lumagay sila sa tahimik. Ngunit hindi inaasahan na may kaluwagan pala ang nabiling singsing ni George para sa kasintahan kaya naman kailangan nila itong papalitan.

“Bes, nag-text na sa akin si George. Magkikita raw kami sa mall ngayon kung saan niya binili ang singsing na ito. Ngayon na raw namin papapalitan kaya mauna na ako sa’yo,” sambit niya sa kaibigan.

Habang naglalakad patungo sa kaniyang kotse sa paradahan ng sasakyan ay nakakita si Wendy ng isang matandang pulubi. Madalas niyang makita ang matandang pulubi na ito sa tuwing magkikita sila ng kaibigang si Jane doon sa cafeteria. Dahil sa pagkahabag sa matanda ay tumigil ang dalaga. Hinugot niya ang pitaka sa kaniyang bag at saka kumuha ng isang daang piso.

Biglang tumunog ang kaniyang telepono. Agad niyang sinagot ang tawag ng kaniyang nobyo na kasalukuyang naroon na sa kanilang tagpuan. Dahil sa pagmamadali ay inilagay na lamang ng dalaga ang isang daang piso para sa matanda sa lalagyanan nito. Hindi niya napansin na kasama nito ay nalaglag din ang kaniyang singsing.

Lubusan ang pasalamat ng matandang lalaki kay Wendy. Malabo na ang mata ng matanda ngunit nang mapansin niya ang isang kumikinang na singsing sa lalagyanan ng kaniyang limos, kahit hirap ay pinilit niyang makatayo kaagad upang habulin ang dalaga.

“Miss! Miss!” pilit niyang tawag sa dalaga na nakasakay na sa kaniyang kotse at kausap ang kaniyang nobyo.

Pilit man niyang habulin ang sasakyan nito ay hindi na niya magawa dahil hirap din siya sa paglalakad at maraming sasakyan ang nasa daan ng mga panahon na iyon kaya hindi na niya pa nagawang maibalik ang singsing sa dalaga.

Nang makita ng isang lalaki ito ay agad niyang tinanong ang matandang lalaki kung bakit niya hinahabol ang nasabing dalaga.

“Kilala mo ba ang babaeng iyon?” tanong ng matandang pulubi.

“Hindi po, e. Pero bakit po ba hinahabol ang babaeng iyon?” sambit ng ginoo.

“May nais lamang sana akong ibalik sa kaniya,” matipid na sagot ng matanda habang pilit na itinatago ang singsing na tangan niya.

“Ano po ‘yang nasa kamay ninyo? Ayan po ba ang ibabalik niyo sa kaniya? Maaari ko po bang makita?” saad pa ng lalaki.

Pinilit ng lalaki na makita ang tangan ng matanda. Laking gulat niya sa isang singsing na hawak nito. May malaki itong bato sa gitna at halata mong mamahalin.

“Ako na po ang magsasauli sa kaniya ng singsing na iyan,” wika ng lalaki.

“Ginoo, hindi mo kilala ang babaeng iyon kaya sana ay huwag mo na akong linlangin,” sambit ng matandang pulubi.

“Kung bilhin ko na lamang po sa inyo ang singsing na iyan. Singkwenta mil. Malayo na po ang mararating noon lalo na po sa isang kagaya ninyo. Malay niyo ay hindi pala tunay ang singsing na iyan,” alok ng lalaki sabay pakita ng pera.

Sandaling napatigil ang matandang pulubi.

“Ganiyan na ba kayong mga kabataan? Ang akala niyo ay lahat ng bagay ay makukuha nyo lamang dahil sa pera. Mabait ang babaeng iyon. Hindi ko alam kung magkano ba talaga ang singsing na ito o kung totoo ba ito o peke. Ngunit nais ko itong ibalik sa kaniya. Alam kong higit pa sa halaga nito sa babaeng iyon. Nawala sa kaniya ang singsing na ito sa paggawa ng kabutihan sa akin,” pahayag pa ng matanda.

Samantala, nagkita na ang magkasintahan sa mall upang ipapalit ang singsing. Laking gulat ni Wendy ng malamang wala na pala sa kaniyang daliri ang singsing.

“Patawarin mo ako, George. Sana pala ay hindi ko na lang sinuot ang singsing hanggang sa mapapalitan natin ito! Patawarin mo ako. Hindi ko talaga alam na mawawala ko ang singsing,” pagtangi ni Wendy.

“Huwag kang mataranta, Wendy. Mahahanap natin ang singsing na ‘yon. Tingnan mo sa bag mo o kaya sa kotse mo. Basta naniniwala ako na mahahanap natin ang singsing. Kung hindi natin makita ay ayos lang. Walang halaga ang makakapantay sa pagmamahal ko sa’yo,” sambit ni George sa umiiyak na nobya.

Halos baligtarin na ng dalawa ang kotse at bag ni Wendy ngunit wala silang singsing na nakita. Naisipan ni Wendy na bumalik sa coffee shop na kaniyang pinaggalingan upang makasiguro na wala doon ang singsing.

Lubusan ang lungkot ni Wendy lalo na nang malaman niyang ang singsing pala ay nagkakahalaga ng kalahating milyong piso.

“Patawad, George! Hindi ko alam na mangyayari ‘to. Patawarin mo ako,” umiiyak na paghingi ng tawad ni Wendy. Niyakap siya agad ng kaniyang kasintahan.

Maya-maya ay nagulat na lamang ang dalawa ng biglang lumapit sa kanila ang matandang pulubi.

“Ineng, may gusto sana akong ibalik sa iyo,” wika ng matanda.

“Sa tingin ko ay sa’yo ang singsing na ito,” dagdag pa ng pulubi.

Laking gulat ng magkasintahan na makita ang singsing na kanilang hinahanap.

“Nalaglag mo ang singsing na ito nang inihulog mo ang isang daang piso sa aking lalagyanan. Kanina pa ako kinukulit ng lalaking iyon,” sabay turo sa lalaking nasa tapat ng kaniyang sasakyan.

“Binibili niya ng limangpung libong piso ang singsing na ito. Ngunit ayaw kong ibigay sapagkat alam kong mahalaga ito sa iyo. Maraming salamat nga pala sa bigay mo sa akin,” sambit pa ng matandang pulubi.

Laking tuwa ng magkasintahan sapagkat sa wakas ay nakita na rin nila ang singsing. Mabuti na lamang at maganda ang kalooban ng nakakuha rito. Dahil hindi man lamang pinagnasahan ng matanda ang singsing ay nais nila itong bigyan ng pabuya.

Naglaan ang magkasintahan ng limangpung libong piso upang bigyan ng disenteng masisilungan ang matanda. Binigyan muli nila ito ng pera upang makabili ng gamit at magkaroon ng panimulang negosyo.

“Maraming salamat sa mga ibinigay ninyo sa akin. Sa tanda kong ito ay ngayon lamang ako nakalasap ng ganito,” naiiyak na wika ng matanda.

“Kami ang dapat na magpasalamat sa inyo dahil pinatunayan ninyo na may mga mabubuti pa ring tao rito sa mundo. Karapat-dapat po sa inyo ang lahat ng ibinibigay namin sa inyo,” sambit ni Wendy.

Tunay ngang gagantimpalaan ng Diyos ang tapat na puso. Mula noon ay hindi na namamalimos pa sa lansangan ang matanda. Sa wakas ay nakalasap din siya ng ginhawa sa buhay. Lahat ng ito ay dahil sa kaniyang katapatan.

Advertisement