Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Ubod ng Ganda ni Misis, Marami ang Umaalingid Ditong mga Kalalakihan; Bigla na Lamang Siyang Naglaho Isang Araw

Dahil sa Ubod ng Ganda ni Misis, Marami ang Umaalingid Ditong mga Kalalakihan; Bigla na Lamang Siyang Naglaho Isang Araw

Masayang nag-aayos ng kanilang mga gamit ang bagong kasal na sina Andrew at Edlyn sa kanilang bagong bili na bahay sa isang subdivision. Malayo ito sa napakaraming tao at mababait daw ang mga taong nakatira sa village na ito. Kaya naman, handa na silang bumuo ng masayang pamilya sa bagong bahay na kanilang titirhan at pag-aalayan ng kanilang natitirang buhay na magkasama. Subalit lingid sa kanilang kaalaman ang trahedyang mangyayari.

Tulad ng mga tipikal na mag-asawa, habang hindi pa naman nagdadalang tao si Edlyn, masayang pumapasok sa kanilang kaniya-kaniyang mga trabaho ang dalawa. Sabay na pumapasok, sabay din na uuwi. Hintayan at sunduan ang kanilang araw-araw na ginagawa. Ngunit dahil tipikal nga, hindi naman maiwasan ng dalawa na mag-away lalo na’t hindi maitatangging ubod ng ganda si Edlyn.

Balingkinitan ang katawan nito. Makinis, kayumanggi ang kulay, at may mukha na talaga namang napakaamo at kaakit-akit. Kung kaya naman, hindi maiwasan na magkaroon ng mga lalaking umaaligid palagi sa kaniyang misis na palaging nagiging rason ng kanilang pag-aaway.

“Eh bakit hindi ka sumabay sa akin pag-uwi? Ano? Para akitin mo iyong boss mo sa opisina ninyo? Ha?!” Sigaw ni Andrew sa kaniyang misis na umiiyak ng mga sandaling iyon. Malalim na kasi ang gabi nang umuwi ito sa kanilang bahay dahil sa kaniyang mga tinatapos sa opis. Subalit imbes na maunawaan siya ng kaniyang mister, sobra ang galit nito dahil sa kaniyang selos. Matagal na kasing nagpapahayag ng kagustuhan kay Edlyn ang kaniyang boss kaya naman ganito na lamang ang galit ni Andrew. Natapos ang kanilang pag-aaway sa isang kondisyon na hindi na magtatrabaho pa si Edlyn.

Kinaumagahan, agad na inasikaso ni Edlyn ang mga dapat na gawin. Mga papeles na kailangan niyang ipasa, mga trabahong ipapasa, at ang kaniyang pamamaalam sa mga ka-opisina na nagsilbing pamilya na rin niya. Naisip niya na doon din naman hahantong kung sakaling magkaroon na sila ng supling ni Andrew. Hindi na siya umangal pa at sinunod na lamang ang gusto ng kaniyang mister. Kahit papaano nga naman ay maiiwasan na rin nila ang away dahil sa selos.

Pagkalipas ng isang buwan na nasa bahay lamang si Edlyn, malungkot siya dahil hindi naman talaga siya sanay na nakatambay lang sa bahay at wala halos magawa. Habang ang mga kaibigan niya ay abala sa kani-kanilang mga pamilya’t trabaho, siya naman, naghihintay lamang na maggabi para sa pag-uwi ng kaniyang mister. Bagot na bagot na siya sa ganitong buhay.

Isang umaga, nakakita si Edlyn ng mga garden na magaganda sa internet. Dito siya nagsimulang magkaroon ng interes na gumawa ng maliit na garden sa kanilang harapan. Para rin ay may ginagawa siya sa araw-araw na naroon siya. Sabik siyang ibinalita iyon kay Andrew ng gabing iyon na hindi naman kinontra nito. Hangga’t nasa bahay lamang siya, para kay Andrew ay ayos lamang.

Lumipas pa ang dalawang buwan at nagsimula nang lumabas-labas si Edlyn upang magtingin ng mga kakailanganin niya sa paghahalaman. Dito na rin siya nagsimulang magkaroon ng mga kakilala sa kapitbahay na talaga namang mababait. Tuwing umaga, nagtitipon-tipon sila upang magkwentuhan, minsan sumayaw bilang ehersisyo at kung minsan ay nagtatanghalian sa bahay-bahay ng bawat isa.

Tuwing gabi, masayang nagkukwento ng mga pangyayari si Edlyn kay Andrew na ang lagi namang katapat ay kaniyang laptop o selpon. Wala siyang angal anuman ang sabihin ni Edlyn basta’t wala itong nakakasamang lalaki o hindi ito lumalabas ng kanilang subdivision. Minsan nga lang ay pinapaalalahanan niya si Edlyn na huwag masyadong makikipagkaibigan sa mga nanay na iba dahil baka lokohin lamang siya ng mga iyon. Subalit alam naman ni Edlyn na hindi iyon kailanman mangyayari. Ngayon lamang siya nakaramdam na parang ang dami niyang mga kaibigan at araw-araw ay interesado siya sa mga mangyayari sa buong araw.

Isang umaga, habang nagkukwentuhan at nage-ehersisyo ang mga nanay kasama na si Edlyn, dumaan ang isang lalaking matipuno at ubod ng gwapo na si JP. Lumapit ito sa kanila at masayang nakipagkaibigan. Gumaan naman kaagad ang kanilang loob sa lalaking iyon. Nagnenegosyo lamang kasi iyon kung kaya’t lagi nila itong nakakasama.

Nang mag-usap ang dalawa, pareho nilang interes ang paghahalaman. Kung kaya’t isang araw, napagpasiyahan nila na sabay na magtingin ng mga halaman at paso sa karatig bayan na kilala sa pagbebenta ng mga matitibay na paso. Buong araw, pagod man ngunit marami-rami ang nabili ni Edlyn. At hindi na siya makapag-antay na ilatag iyon sa kaniyang garden. Hindi kasi siya makabili ng mga iyon dahil palaging dala ni Andrew ang kanilang sasakyan.

Gabi na nang marating ni Edlyn ang kanilang bahay. Nagtatawanan pa sila ni JP dahil sa buong nangyari sa araw nila habang ibinababa ang mga pinamili ni Edlyn. Pagkabukas niya ng pinto, madilim pa at kaagad niyang binuksan ang ilaw. Nang magkaroon na ng liwanag, nagulat siya nang makita si Andrew na nanlilisik ang mga mata nito na nakatayo sa may sulok. Nakaramdam si Edlyn ng matinding takot ng mga oras na iyon.

“Wa-wala. Kapitbahay yun.. Bumili lang kami ng mga paso…” utal-utal na bigkas ni Edlyn dahil sa takot habang palapit ng palapit sa kaniya si Andrew.

Walang ano’t ano ay biglang binuhusan ni Andrew si Edlyn ng asido na nagbunga ng pagkalapnos ng makinis na balat ni Edlyn sa kaniyang kaliwang braso. Sa sobrang hapdi at sakit, napaiyak na lamang si Edlyn at isang malakas na sigaw na lamang ang kaniyang nagawa dahil wala na siyang lakas para gawin iyon nang paulit ulit at ilang sandali na lamang, ay nawalan na ng malay ang babae.

Dumaan ang ilang araw, ilang linggo at isang buwan. Nagtataka na ang buong village kung nasaan na ang masiyahing si Edlyn. Kahit na anong katok nila sa bahay, ay si Andrew ang palaging sumasagot. Sa tuwing aalis iyon, ay nakasarado ang buong bahay. Kahit na mga bisita ay hindi na nila nakikita na pumapasok sa loob.

Isang hapon, balisa na umalis ng bahay si Andrew na nakita naman ni JP. Kahit na siya ay napupuno na rin ng katanungan kung nasaan na ang kaibigan na si Edlyn. Pagkaalis ng sasakyan ni Andrew, agad niyang inakyat ang bakod at pilit na binuksan ang pinto ng bahay. Sumigaw-sigaw si JP sa loob habang tinatawag ang pangalan ni Edlyn. Amoy kulob na ang buong bahay at halos hindi na nalilinis.

Tiningnan niya ang bawat kwarto ngunit wala dito ang babae. Tiningnan niya ang banyo na nasa kwarto ng mag-asawa at doon niya nakita ang kalunos-lunos na sitwasyon ng babae. Nakabusal ito at nakatali ang paa’t kamay habang lapnos ang kaliwang braso nito. Iyak ito nang iyak nang makita siya. Agad na inalis ni JP si Edlyn sa loob ng bahay at tumawag ng pulis at ambulansiya.

Inaresto si Andrew ng mga pulis dahil sa kaniyang ginawa sa misis nito. Habang si Edlyn naman ay patuloy na nagpapagamot hindi lamang ng kaniyang mga sugat na sinapit sa pangmamaltrato ng kaniyang mister, kundi pati na rin sa sakit sa kaniyang puso na dulot ng mga ginawa ng taong lubos pa naman niyang mahal.

Advertisement