Pasikretong Bumawi ang Babae sa Kaniyang Kaibigan Dahil sa Kanilang Maliit na Alitan; Malagim na Tagpo Pala ang Kahahantungan Nito
Sa ‘di kalayuan ay maririnig ang halakhakan ng magkaibigang Kikay at Ella habang naghahampasan pa ang dalawang dalaga na nakaupo sa may bandang sulok ng isang café. Hilig kasi ng dalawang ito na batuhin ng napakaraming kutya ang bawat kaibigan na makikita sa social media. Anumang maseselang impormasyon na maaaring itsismis ay hindi palalagpasin ng dalawang ito. Tuwang-tuwa naman sila sa tuwing ibubuking nila ang mga itinatagong sikreto ng mga kakilala.
Ilang sandali lang ay dumating ang kaklase nila sa kolehiyo na si Paulo. Pumasok iyon sa mismong café kung nasaan ang magkaibigan at tangkang didiretso sana sa kahera upang umorder ng pagkain. Ngunit agad naman siyang sinigawan ni Kikay na bigla namang pinigilan pa ni Ella.
“Paulo! Paulo! Dito tayo ha?” malakas na tawag ni Kikay sa binatang napadaan lang sana.
“Dapat hindi mo na tinawag ano ka ba?!” nagtitimping wika naman ni Ella sa kaibigan. Alam kasi ni Kikay ang lihim na pagtingin ng kaibigan sa binatang iyon kaya naman ngayong may pagkakataon, ayaw niyang palagpasin ito upang kahit papano ay matulungan ang kaibigan na magkaroon ng kaniyang buhay pag-ibig.
Ilang minuto lamang ay umupo na si Paulo sa tabi ni Ella dahil mabilis na pinunan ni Kikay ang bakanteng upuan sa kaniyang tabi ng mga bag at gamit nilang dalawa. Halos hindi naman makapagsalita o makahinga man lang nang ayos si Ella dahil sa presensiya ng binatang nagpapatibok ng kaniyang puso. Ngunit sa loob loob niya ay punong-puno siya ng ligaya at kilig ng mga oras na iyon.
“Ehem! So, kumusta naman, Paulo? Saan ka nagwowork ngayon? Alam mo kasi itong si Ella, sobrang hard working niyan! Siya ang nagpapaaral sa mga kapatid niya pati sa pamangkin niya. Yung papa niya kasi ayun, nangapitbahay na! Kaya siya ang naiwan sa pamilya niya. Kaya alam kong sobrang mapagkakatiwalaan ‘yan. Alam mo, parang bagay kayong dalawa. Bakit kaya hindi kayo mag-usap tutal alam ko matagal ka nang tinitingnan nitong kaibigan ko…” walang prenong bigkas ni Kikay sa pagsisimula ng kanilang pag-uusap. Kahit na halos sinisipa na ni Ella ang kaibigan ay ayaw nitong magpaawat. Pakiramdam niya ay hindi naman siya iniangat ni Kikay, kundi lalong binaba sa harapan pa ng lalaking gustong-gusto niya.
Matapos ang patuloy niyang pagsasabi ng buhay ni Ella, hindi rin halos makapagsalita si Paulo. At nang mapansin ni Kikay ang lahat ng kaniyang sinabi, tinakpan nito ang kaniyang bibig at biglang nagpaalam na. Hiyang hiya din naman siya sa kaniyang mga pinagsasabi. Paulit ulit niyang sambit sa kaibigan ay sorry lamang at saka tuluyan nang umalis.
“Ahh.. Ehh.. So-sorry, Paulo. Ganoon lang talaga si Kikay ‘di ba?” pautal-utal niyang bigkas sa katabing binata. Ngumiti naman nang naiilang din na si Paulo bilang tugon at bigla na lamang tumahimik ang paligid sa pagitan ng dalawa. Hiyang-hiya din kasi talaga si Ella at sa isip-isip niya, sinira lahat ni Kikay.
“Hi, babe! Kanina ka pa ba? Sorry ha, medyo traffic kasi eh…” isang babae ang biglang pumasok at lumapit sa kanilang lamesa. Mestiza ang babae, makinis, at talaga namang maganda ito. Bagay na bagay sila ng binata. Nagpaalam na rin si Paulo matapos kunin ang order nila sa kahera. Naiwan naman si Ella na puno ng hiya at inis sa kaniyang kaibigan. Pakiramdam niya ay sinadya siyang pahiyain ng kaibigan.
Pagkarating ng gabi, hinanda ni Ella ang kaniyang sarili sa gagawing paghihiganti. Lahat ata ng baho ni Kikay ay alam niya. Tutal wala na rin namang mawawala sa kaniya, handa siyang ilabas ang lahat ng tinatagong sikreto ng kaibigan.
Kinaumagahan, normal na araw lang naman ito para kay Kikay. Maagang gigising, maliligo, at papasok sa trabaho. Subalit kaliwa’t kanan ang mensahe at tawag na kaniyang natanggap nang buksan niya ang kaniyang selpon. Mga hubad na larawan, mga impormasyon ng kaniyang pamilya at mga kalokohan niya ay inihayag lahat sa social media!
Nang tingnan ni Kikay ang kaniyang paligid, parang ang lahat ay sinusulyapan siya. Nagbubulungan ang mga tao sa opisina habang tinitingnan siya ng mga ito mula ulo hanggang paa. Dito na nakaramdam si Kikay na parang gusto na lamang niyang maglaho na parang bula ng mga oras na iyon. Wala siyang kamalay-malay na ang may kagagawan ay ang kaniyang kaibigan na kasama niya sa mga kalokohan.
Pilit niyang tinatawagan si Ella at pinapadalhan ng mensahe subalit walang sagot siyang natatanggap. Hindi niya rin makontak ang kaniyang mga magulang na malayo sa kaniya. Patuloy siyang tinatadtad ng masasagwang mensahe mula sa mga tao sa social media dahil kilala siya bilang bully ngunit ngayon ay nabaliktad na.
Tatlong araw ang nakakalipas, walang paramdam si Kikay sa kaibigang si Ella. Sa kaniyang isip, ay mabuti nga’t matauhan nang kaunti ang kaibigan dahil hindi sa lahat ng oras pinagtatawanan dapat ang mga nangyayari sa buhay ng ibang tao. Isang tawag naman ang bumulabog sa umaga ng dalagang si Ella.
“Si Kikay, nagpakatiw*akal sa loob ng kaniyang apartment…” ang mensaheng tumusok sa puso ni Ella. Muli niyang naalala ang halakhakan at pinagsamahan ng dalawa. Pati mga palitan ng kanilang mensahe ay puno din ng saya at biruan. Ngunit ng dahil lamang sa isang pagkakamali na hindi napag-usapan, hindi lamang reputasyon ng kaibigan ang nasira, kundi buong buhay nito.
Punong-puno ng pagsisisi si Ella subalit huli na ang lahat. Hindi na niya makakausap ang kaibigan, hindi na niya ito mahihingian ng kapatawaran at muling mahahagkan.