Pinagtangkaang Lasunin ng Babae ang mga Anak, Isang Bata ang Naging Daan Para Mapagtanto na Mali ang Kanyang Ginawa
“Renato, bakit mo kami iniwan ng mga anak mo?!” hagulgol ni Elsa habang yakap-yakap ang wala nang buhay na katawan ng asawa.
Inatake sa puso ang lalaki habang nagsasaka sa bukid. Iniwan nito kay Elsa ang tatlo nilang anak na pawang mga musmos pa.
“Elsa, tibayan mo ang loob mo anak, makakaya mo ang lahat ng ito!” wika ng kanyang ina.
“Inay, hindi ko alam kung kakayanin ko pang mabuhay ngayong wala na si Renato. Paano na kami ng mga anak ko?”
“Hindi pa katapusan ng mundo, Elsa. Narito kami ng mga kapatid mo para tumulong sa inyong mag-iina.”
Matapos na mailibing ang asawa ay sinubukan ni Elsa na buhayin ang mga anak sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa bukid. Nasanay kasi ang babae na nakadepende sa kanyang yumaong asawa kaya napakahirap sa kanya nang mawala ito sa tabi niya.
Araw-araw siyang nagigising ng maaga para magsaka at pagdating naman ng tanghali ay umuuwi siya sa kanilang bahay para asikasuhin naman ang mga anak.
Isang araw ay muling sinubok si Elsa nang malaman niyang napeste ang mga tanim na palay sa kanilang sakahan.
“Diyos ko! Ang sakahan na lang ang ikinabubuhay naming mag-iina. Bakit ngayon pa sumalakay ang mga salot?” aniya.
Dahil hindi nakapag-ani ay walang kinita si Elsa. Pinoproblema niya ang pang-araw-araw na gastusin nilang mag-iina.
“Inay, wala po ba tayong ulam?” tanong ng anak niyang si Lyka.
“W-wala anak, e. Hindi pa nakabili ang nanay. May toyo diyan sa kusina, iyon muna ang iulam mo, ha?”
“Inay, iyon na rin po ang inulam natin nung isang araw,” anito.
“Huwag kang mag-alala at gagawan ko ng paraan. Manghihiram muna ako ng pera sa lola mo para may pambili tayo ng ulam,” sabi niya sa anak.
Nang puntahan niya ang ina ay hindi siya nito napahiram ng pera dahil gipit din ito at ang mga kapatid niya.
“Pasensya ka na, anak at wala rin kaming maipapahiram sa iyo. Gipit na gipit din kasi kami, e!” wika ng ina.
“Ayos lang po inay. Nahihiya nga po ako sa inyo dahil palagi akong nangungutang ng pera. Kung hindi lang po kasi pineste ang sakahan ay may kinikita ako.”
Hindi pa man natatapos ang pagsubok na iyon kay Elsa ay panibagong dagok na naman ang dumating sa biglaang pagpanaw ng kanyang bunsong anak. Bumigay ang katawan ng bata sa sobrang taas ng lagnat. Hindi kasi agad nadala ni Elsa ang anak sa ospital dahil wala siyang pambayad sa doktor kaya lumala ang kundisyon ng anak na ikinasawi nito.
“Diyos ko, hanggang kailan niyo po kami pahihirapan ng ganito?!” malakas na sabi ni Elsa habang patuloy na umiiyak sa harap ng kabaong ng anak.
Nang mailibing ang anak ay halos hindi na makausap ang babae at palagi na itong tulala.
Nang misang magtanong sa kanya ang anak na si Argel kung ano ang kakaiinin nila sa pananghalian…
“Inay, wala po ba tayong pagkain? Nagugutom na po kami!” anito.
Hindi sumagot si Elsa. Nakatanaw lang ito sa kawalan habang tahimik na nakaupo sa gilid ng bintana.
“Inay, inay, nagugutom na po kami!” patuloy na pangungulit ng bata.
Saka pa lang natauhan si Elsa nang yugyugin na siya ng anak. Wala pa rin itong imik na tumayo sa kinauupuan at naglakad papunta sa kusina. Nakita niya na walang bigas na puwedeng isaing at wala ring ulam na mailuluto. Maya-maya ay nagsimula na namang humagulgol ang babae at napaupo sa sahig.
“Hindi ko na kaya!” aniya habang humahagulgol ng iyak.
“Inay, inay, bakit po kayo umiiyak?” tanong ng anak.
“Anak, may problema lang ang nanay. Lumabas ka muna at tawagin mo ang ate mo. Magluluto lang ako ng makakain natin,” utos niya rito.
Tumango naman ito at dali-daling lumabas ng bahay.
Nang may biglang kung anong pumasok sa isip ni Elsa at kinuha sa ilalim ng lababo ang lason na pamatay sa daga. Napansin niya na mayroon pang nakatabing dalawang hilaw na kamote sa mesa. Binalatan niya ang kamote at ipinrito sa mantika saka nilagyan ng lason.
“May pagkain na kami ng mga anak ko,” wala sa sariling wika ni Elsa. Sa isip ng babae ay mas mabuti pang tapusin na niya ang kanilang paghihirap.
Habang abala sa ginagawa ay isang tinig ang gumulat sa kanya.
“Masama po ang ginagawa niyo, inay!”
Nang lingunin niya ang pinanggalingan ng boses ay laking gulat niya nang makitang nakasilip sa likod ng nakabukas na pinto ang bunsong anak na si Tonton.
Mas lalong humagulgol ng iyak si Elsa at nilapitan ang yumaong anak.
“Tonton, ikaw ba iyan, binalikan mo si nanay?” aniya rito.
“Inay, huwag mong ituloy ang gagawin mo!” pakiusap ng bata.
Saka pa lang bumalik sa katinuan si Elsa at niyakap ng mahigpit ang anak.
“Patawarin niyo ako, hindi ko sinasadya!” hagulgol niya.
Nang muling magsalita ang anak.
“Inay, umiiyak ka na naman? Bakit ka po humihingi ng tawad?” sabi ni Argel.
Hindi makapaniwala si Elsa nang makitang ang kayakap ay ang anak na si Argel habang nakatingin naman sa kanya ang isa pang anak na si Lyka. Nagtataka ang mga ito sa sinabi niya.
“Basta, patawarin niyo ako mga anak. Hindi ko na uulitin!”
Napagtanto ni Elsa na sadyang nagpakita sa kanya ang kaluluwa ng pumanaw na anak na si Tonton para balaan siya sa kasalanang gagawin. Laking pasasalamat niya rito dahil kung hindi ito nagpakita sa kanya ay hindi niya malalaman na mali ang naisip niyang paraan para takasan ang kanyang mga problema.
Mula noon ay natutong magpakatatag ni Elsa para sa kanyang mga anak. Naghanap siya ng bagong trabaho para matustusan ang pangangailangan nilang mag-iina. Di nagtagal ay natanggap siya bilang kahera sa isang restaurant at regular nang kumikita ng pera.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!