Inday Trending

Inday Trending

Masyadong Malapit ang mga Anak ng Lalaki sa Kasambahay Kaysa sa Madrasta, Isang Malupit na Sikreto Pala ang Itinago ng Mister

Masyadong Malapit ang mga Anak ng Lalaki sa Kasambahay Kaysa sa Madrasta, Isang Malupit na Sikreto Pala ang Itinago ng Mister
FamilyMysteryStories

Ipinakilala ni Gerome ang kanyang bagong asawa na si Angela sa mga anak nitong sina Dello at Dora.

“Mga anak, meet Tita Angela!” pakilala ng lalaki sa babae.

“Hello, mga bata!” sabi ni Angela.

“Sino po siya, dad?” tanong ng anak na si Dello.

“Siya ang bago niyong mommy!”

Nagtinginan ang dalawang bata saka sabay na tumakbo sa kanya-kanya nilang mga kuwarto.

Napahaplos sa noo si Gerome sa ginawa ng mga anak.

“Pasensiya ka na sa kanila. Hayaan mo at pagsasabihan ko.”

Umiling lang ang babae at hinawakan sa pisngi ang lalaki.

“Huwag muna nating pilitin ang mga bata,” mahinahong wika ni Angela.

Nang magsimulang tumira ang babae sa bahay ng mag-aama ay napansin nito na masyadong malapit ang dalawang anak ni Gerome sa kasambahay ng mga ito. Kung nasaan ang babae ay naroon din ang mga bata. Minsan ay sinubukan niyang kausapin ang kasambahay.

“Hi, anong pangalan mo?” tanong niya sa babae.

“A-ako si Anna,” nahihiya nitong sabi.

“Matagal ka na bang naninilbihan dito?”

“A, e oo,” matipid pa rin nitong sagot.

“Habol na habol sa iyo ang mga bata ‘no! Mahilig ka ba sa bata?”

Dahil hindi na makasagot ng diretso ang babae ay nagpaalam na ito na may importanteng gagawin.

“Ma’am, mawalang galang na po pero may mahalaga pa po akong gagawin sa kusina,” anito.

“A, e sige,” nagtatakang wika ni Angela na halatang nawirduhan sa ikinilos ng babae.

Kinahapunan ay nakita naman niya ang bunsong anak ni Gerome na si Dora na may iginuguhit na kung ano sa papel.

“Anong idino-drawing mo?” tanong niya sa bata.

Ipinakita sa kanya nito ang iginuhit. Nakita niya ang imahe ng isang lalaki, batang lalaki, batang babae at isang babae na may hawak na walis.

“B-bakit may hawak akong walis?” aniya.

“Hindi naman po kayo iyan, e! Si Mommy iyan!” sabi ng bata.

“Di ba nasa heaven na ang mama mo?” patuloy niyang tanong.

“Wala siya sa heaven. Nandito po siya sa bahay!” bunyag ng bata.

Hindi maintindihan ni Angela ang sinasabi ni Dora kaya agad niyang tinawagan sa cellphone ang asawa.

“Hon, nababahala ako sa anak mong si Dora. Sabi kasi niya ay nandito sa bahay ang mommy niya,” sumbong niya sa mister.

“What are you talking about?” gulat na tanong ni Gerome.

“Nagdo-drawing kasi kanina si Dora tapos sabi niya na iyong isa sa iginuhit niya ay ang mommy niya na nandito daw sa bahay. Di kaya nagpapakita sa anak mo ang kaluluwa ng mommy niya, ang una mong asawa?”

“Ano? Puwede ba pag-usapan na lang natin iyan pagdating ko. Busy ako dito sa opisina,” sabi ng lalaki sa kabilang linya.

Hindi na nagpumilit pa si Angela at ibinaba na ang hawak na cellphone.

Kinagabihan, nang dumating si Gerome ay kinausap nito ang asawa.

“Hon, huwag mong pinagpapapansin ang anak kong si Dora. Ganoon lang ang batang iyon, napakalawak ng imahinasyon!” paliwanag nito.

“P-pero, hon…”

“Wala ng pero, pero! Kalimutan mo na ang sinabing iyon ng anak ko, okay?”

Bumuntong-hininga muna ang babae bago sagutin ang mister.

“Okay. Sige, panalo ka na!” aniya.

Alas dose ng hatinggabi ay nagising si Angela. Naulinigan niya na mayroong umiiyak. Pinakinggan niyang mabuti ang pag-iyak at nalamang babae ang nagmamay-ari ng hagulgol. Dahan-dahan siyang bumangon sa kama para hindi magising si Gerome.

Paglabas niya sa kuwarto ay lalong lumalakas ang naririnig na pag-iyak ng babae. Nakaramdam ng takot si Angela dahil naalala niya ang sinabi ni Dora na nasa bahay pa rin ang mommy nito. Inakala niya na ang babaeng umiiyak ay ang multo ng namayapang asawa ng kanyang mister.

“Diyos ko, huwag naman po sanang magpakita sa akin!” bulong niya sa sarili.

Nang mapadako sa kusina ay nakita niya ang kasambahay na si Anna na umiiyak. Agad niyang nilapitan ang babae.

“Anna, bakit ka umiiyak?” tanong niya rito.

Nagulat pa ang babae nang lumapit siya sa kinauupuan nito.

“K-kayo po pala ma’am. Pasensiya na po kung nagising ko kayo sa pag-iyak ko,” anito.

“May problema ba, may maitutulong ba ako?” tanong pa niya sa kasambahay.

Mabilis na nagpunas ng luha sa pisngi ang babae saka umiwas na makipag-usap sa kanya.

“Wala po ito! Sige, matutulog na po ako,” paalam nito.

Nang mapansin ni Angela na may mga pasa at galos ang babae sa braso.

“Teka, napaano ang mga iyan?”

Umiling ang kasambahay at umiwas na pag-usapan ang mga pasa at galos nito sa katawan.

“Huwag niyo po itong pansinin, Ma’am,” sabi ni Anna bago tuluyang pumasok sa kuwarto nito.

Lihim na nag-alala si Angela sa kalagayan ng kasambahay.

Isang araw, habang may hinahanap siya sa bodega ay napansin niya ang isang lumang kabinet. Nang buksan niya iyon ay tumambad sa kanya ang mga lumang litrato nina Gerome at mga anak nito kasama ang yumaong asawa ng lalaki ngunit laking gulat niya na walang mukha ang litrato ng unang misis ni Gerome. Halatang ginupit at tinanggal iyon ng kung sinuman.

“Bakit, ganito. Wala man lang siyang maayos na litrato?” sabi ni Angela sa isip.

Nang sumapit ulit ang hatinggabi ay muli niyang narinig ang hagulgol ni Anna. Napilitan siyang bumangon sa kama nang mapansing wala sa higaan ang kanyang asawa.

“Nasaan si Gerome?”

Lumabas siya sa kuwarto at nagpunta sa kusina. Napadako si Angela sa kuwarto ni Anna na nasa dulong bahagi ng kusina. Inilapit niya ang kaliwang tainga sa pinto at laking gulat niya nang marinig ang boses ni Gerome.

“Hindi lang iyan ang matitikman mo, kapag sinuway mo pa ako!” galit na wika ng lalaki.

Pinihit niya ang doorknob at binuksan ang pinto ng kuwarto. Mas lalo siyang nagimbal nang makita ang asawang si Gerome na may hawak na latigo habang ang kasambahay na si Anna ay nakalugmok sa sahig at may mga sugat sa binti at braso.

“G-Gerome? Anong ginagawa mo kay Anna, bakit mo siya minamaltrato?” gulat na tanong ng babae.

Mayamaya ay narinig ni Angela sa kanyang likuran ang boses nina Dello at Dora. Nagising ang dalawang bata sa iyak ng kasambahay.

“Mommy, mommy!” sigaw ng dalawa.

Nanlaki ang mga mata ni Angela sa sinabing iyon ng mga anak ni Gerome.

“Daddy, sinasaktan mo na naman si Mommy!” hagulgol ni Dello.

“Anong ibig sabihin nito, Gerome… buhay ang asawa mo?” taka niyang tanong.

Lumabas ang itinatagong lihim ni Gerome. Hindi totoong yumao na ang asawa nito. Pinalabas lang nito na wala na ang asawa dahil gusto ng lalaki na mapasagot siya at mapakasalan para mahuthot ang yaman ng kanilang pamilya. Itrinatong kasambahay ang sariling asawa para sa maitim nitong balak sa kanya. Nalaman din niya na gabi-gabing binubugbog ni Gerome si Anna dahil sa palaging lumalapit dito ang kanilang mga anak.

“Ngayong alam mo na ang lahat, kailangan na mawala na kayo sa landas ko!” wika ng lalaki.

Naglabas ng baril si Gerome at itinutok kay Angela.

“Pagkatapos kong kitlin ang buhay mo ay isusunod ko na ang tatlong ‘to!”

Bago pa man maiputok ng lalaki ang baril ay nasaksak na siya ni Anna ng kutsilyo sa likod.

Bumulagta ang wala nang buhay na katawan ni Gerome sa sahig habang patuloy sa paghagulgol ang dalawang bata.

“Tapos na. Tapos na ang kabaliwan mo, Gerome!” wika ni Anna.

Napag-alaman ni Angela na bukod sa maitim na balak ni Gerome sa kanya ay may malubha pala itong sakit sa pag-iisip na kapag sinumpong ay parang nababaliw kaya ganoon ang ugaling ipinakita nito sa kanila.

Mabuti at habang maaga ay nalaman niya ang totoong pagkatao ng lalaki. Tumestigo siya kay Anna at pinalabas na self defense ang nangyari sa pagpaslang nito sa asawa kaya agad itong napawalang sala. Tinulungan din niya ang mag-iina na magbagong buhay at kalimutan ang mala-bangungot nilang pinagdaanan kay Gerome.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories