Inday TrendingInday Trending
Anak Lang Kita!

Anak Lang Kita!

Isang single mother si Karen sa dalawa niyang anak na si Christian at Cedrick. Ang panganay ay disi-syete na, habang ang bunso naman ay nasa anim na taong gulang palang. Totoo nga siguro ang kasabihan na kapag swerte ang takbo ng career ay malas ka naman sa love life. Dalawang beses nang nag-asawa si Karen.

Ang una ay napaka-mama’s boy kaya niya ito iniwan. Ang pangalawa naman ay nahumaling sa perlas na lagusan ng kaligayahan, kaya siya naman ang naiwan. Napagod na siyang magmahal at mas napag-isip-isip na mag-focus na lamang sa dalawang anak.

“Christian, bantayan mo naman ang kapatid mo. Hindi iyong puro ka nalang lakwatsa anak,” mahinahong pakiusap ni Karen habang aligaga sa paghahanda ng almusal nilang tatlo. Pasukan na kasi ng mga bata kaya abalang-abala na naman ang beauty niya.

Hindi sumagot si Christian, sa halip ay nakalabi lamang ito at nakabusangot.

“Magtulungan naman tayo nak. Abala lang talaga si Mama sa trabaho, alam mo naman na kailangan natin ito diba? Paano tayo kakain kung hindi ako maghahanapbuhay?” nakangiti niyang pakiusap kay Christian.

Ayaw niyang simulan ang bawat umaga sa bunganga at galit, kaya kahit naiinis na siya sa anak ay pilit niyang pinapahinahon ang boses.

“At saka, ano ba iyong nasagap kong balita na may girfriend kana?” mahinahon niya paring wika. “Christian, kailanman ay hindi tututol si Mama sa pagkakaroon mo ng love life. Ang sa’kin lang ay mag-aral kana munang mabuti.

Tutal kapag gumraduate ka at nagkaroon kana ng magandang trabaho, pwedeng-pwede kanang magkaroon ng kahit ilang girfriend pa ang gusto mo.” salubong pa rin ang kilay ni Christian na nanatili lamang nakabusangot. “Sige na, bilisan mo na ang pagkain at papasok na kayo ng kapatid mo.”

Isang araw ay nagulantang na lamang si Karen nang may tumawag sa kanya upang ipaalam na nasa emergency room na si Cedrick, dahil nasagasaan raw ito. Hindi magkaulayaw na agad siyang tumakbo sa hospital kung nasaan ang anak.

Pagdating sa hospital ay agad niyang hinanap si Christian. Ngunit wala ito roon. Nasaan ba ito nang mangyari ang aksidente? Nasa labas lamang siya ng emergency room dahil hindi siya pinapapasok ng nurse sa loob. Ilang oras pa ang lumipas ay saka pa dumating si binatilyo. Hingal na hingal at mukhang nagtatatakbo rin upang marating lang agad ang hospital kung saan dinala ang kapatid nito.

“Saan ka nanggaling? Bakit nangyari ‘to sa kapatid mo?” pigil ang galit na nais nang lumabas kanina pa habang hinihintay ang pagdating nito.

“Kasi Ma…” hindi nito alam kung paano ipapaliwanag ang nangyari, nais ni Christian na magsinungaling upang hindi ito mapagalitan ng ina ngunit alam naman niyang ayaw na ayaw nito ng taong sinungaling. “K-kasama ko kasi girlfriend ko kanina, Ma. Kaya pinauna ko ng uwi si Cedrick, ang sabi naman niya sa’kin kanina ay kaya daw niyang umuwi kaya umasa akong nakauwi nga siya ng maayos,” mangiyak-iyak niyang paliwanag. Labis ang pagsisisi sa naganap.

“Mas inuna mo pa ang girlfriend mo kesa sa kapatid mo!” hindi na niya maawat ang sarili, nailabas niya na ang galit na kanina pa pinipigil.”Lagi kong binibilin sa’yo Christian na alagaan mo ang kapatid mo. Bantayan mo hangga’t wala ako, kasi kailangan kong magtrabaho. Ilang beses! Ilang beses ko iyong ipinapaalala sa’yo at umasa akong sana nakinig ka! Tingnan mo ang nagyari sa kapatid mo,” mangiyak-iyak niyang sambit.

“Kasalanan mo naman kasi Ma e, bakit nag-asawa ka pa ay nag-anak ulit kung hindi mo naman pala kayang alagaan at bantayan. Umaasa kang ako ang magbabantay. Pagkatapos? Matapos ang ilang buwan o taon may bagong asawa kana naman? Mag-aasawa kana naman at ako na naman ang aako ng responsibilidad na bantayan ang kapatid ko, kasi magtatrabaho ka.”

Pakiramdam niya ay umakyat sa ulo ang lahat ng dugo sa kanyang katawan at para siyang nabingi sa narinig. Kaya walang sabi-sabi ay nasampal niya si Christian.

“Bastos ka!” gigil niyang sambit. “Wala kang karapatan na sabihin sa’kin iyan dahil anak lang kita! Oo, wala akong panahon para bantayan ang kapatid mo. Kaya nga akala ko’y mas gagaan ang obligasyong dala-dala ko dahil nand’yan ka. Inasahan kita dahil akala ko maaasahan ka. Anong gusto mo, nasa bahay lang ako at bantayan kayo pareho. Paano ko kayo mapapakain? Paano ko mabibili ang pangangailangan niyo? Paano ko kayo mapag-aaral kung hindi ako magtatrabaho?

Siguro nga kahit anong kayod ko para sa inyo ay hindi mo makikita ang halaga ko bilang ina, Christian. Ngayon palang nang marinig ko ang mga sinabi mo ay naramdaman kong wala nga akong kwentang ina, dahil hindi kita napalaki nang maayos.” humihikbi niyang wika, “Pero paano ba ang maging mabuting ina at ama para sa inyo? Ginagawa ko ang lahat maibigay at maipadama ko lang sa inyo ang pagmamahal ko. Kung para sa’yo ay kulang, patawarin mo ako. Ang hirap maging Ina at Ama! Kung sawa kana sa walang kwenta mong ina, bumalik ka nalang sa ama mo. Hinding-hindi na kita pipigilan. Baka doon, mas mahanap mo ang tunay na pagmamahal na hindi ko kayang ibigay!”

Walang sabi-sabi ay agad siyang tinalikuran no Christian. Humagulhol siya ng iyak sa sakit na naramdaman sa dibdib. Siguro nga ay wala siyang kwentang Ina, kaya nangyayari ito sa kanya.

Salamat sa Diyos at nakaligtas si Cedrick. Ilang Linggo rin iting nanatili sa hospital bago lumabas. Upang mas mapanatag ang loob ay hinahatid niya si Cedrick sa eskwelahan nito ng umaga at siya narin mismo ang kumukuha sa hapon. Kapag wala namang pasok ay sinasama niya ito sa trabaho.

Isang araw ay biglang nagtext si Christian sa kanya at humihingi ng tawad. Nasasaktan man ay hindi niya ito nireply-an. Mas maigi narin na hindi na ito lumapit sa kanya, tutal para dito ay wala naman siyang kwentang Ina.

Nagulat nalang siya isang gabing pag-uwi nila ni Cedrick ay nakatayo sa labas ng pintuan si Christian. Nang makita siya ay agad itong tumakbo sa gawi niya at yumakap ng mahigit.

“I miss you, Ma. Sorry na po,” umiiyak nitong wika. “Patawarin niyo na ako Mama. Mas gusto ko pong kasama ka, sorry na po Ma.”

Tila hinaplos naman ang puso niya sa sinabi nito. After all, miss na miss niya na rin ang anak. Nasaktan lang rin talaga siya. Mas mahigpit niya itong niyakap at pinapasok sa loob. Lalong tumibay ang samahan ng tatlo, naging responsableng kuya na si Christian at mas pinagbubutihan naman ni Karen ang pagiging ina.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement