Lumaki si Anthony na kulang sa pagmamahal. Lagi kasi siyang pinapagalitan at kaunting mali lang ay bugbog sarado na siya sa kanyang Ina. Kahit disi-otso anyos na siya ay hindi ito nag-aalinlangang saktan siya at ipahiya sa maraming tao.
Hanggang isang araw ay dinapuan ito ng malalang sakit, tapos ay binawian rin ng buhay. Pero bago ito nawala ay inamin muna nito sa kanya ang buong katotohanan sa kanyang pagkatao.
“Hindi kita anak. Anak ka lang ni Erwin sa ibang babae niya,” nahihirapan nitong wika. “Anak ka ni Silvia De Jesus, ang mayamang babae sa lungsod natin. Anak ka niya sa kataksilan kaya ayaw ka niyang kilalanin. Ibinigay ka niya sa Papa mo at wala nang pakialam sa’yo. Kaya galit na galit ako tuwing nakikita kita, kasi naaalala ko ang kataksilan nilang dalawa.”
Ito ang huling sinabi ng kanyang kinilalang ina. Mula noon ay nagtanim siya ng galit sa babaeng ibinigay nalang siya ng basta-basta. Puno siya ng pagtatanong sa sarili kung ano ba ang naging kasalanan niya noon sa kinilalang nanay, bakit hindi siya magawang mahalin? Bunga naman pala siya ng malaking pagkakamali.
Nagsumikap siya sa buhay dala-dala sa dibdib ang galit sa kanyang tunay na ina. Kayod kalabaw ang ginawa niyang pagsisipag para lang marating niya ang narating niya ngayon.
Tiningnan niya ang kapirasong papel na hawak. “Magkikita na rin tayong dalawa Mrs. Silvia De Jesus,” nagngalit ang mga bagang niya sa galit poot na nararamdaman para sa babae.
Ito ang mayor ng kanilang lungsod ngayon, hinahangaan at kinagigiliwan ng taong bayan. Lingid sa kaalaman ng lahat ang nakaraang tinalikuran nito.
Isang mahinang katok ang pumukaw sa kanyang atensyon.
“Sir, nandito na po si Mayor Silvia.” pagbibigay alam ng kanyang sekretarya.
“Patuluyin mo siya,” aniya at hinanda ang sarili sa unang paghaharap nila ng kanyang ina. Wala itong kamalay-malay na siya na ang anak nitong matagal nang ibinaon sa limot.
“Hello Anthony,” nakangiting bati ni Mrs. Silvia.
Matanda na ang babae ngunit hindi maitatangging maganda parin ito sa kabila ng medyo kulubot na nitong mukha.
Tinanggap niya ang pakikipag-kamay ng babae. “Nice to meet you, Mayor.”
“Malaki kana at proud na proud ako sa mga nagawa mo sa buhay,” nakangiting sambit nito na lubos niyang ipinagtaka. “By the way narito ako da–”
Hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito. Sa labis na pagtataka ay may nais siyang klaruhin. “Ano po ulit ang sinabi ninyo?”
“Ha?”
“Kilala niyo po ba ako?” hindi ito sumagot kaya muli siyang nagsalita. “Ito ang una nating pagkikita, bakit niyo nasabi ang mga sinabi niyo kanina?”
“W-wala iyon, pasensya kana.”
“Hindi. Gusto ko lang talagang malaman kung kilala niyo na po ba ako matagal na? Ang dami kong nais malaman, kaya pakiusap. Linawin niyo sa’kin ang sinabi niyo kanina,” pumipiyok niyang wika. Pigil ang emosyong nais nang umalpas sa kanyang lalamunan.
Tumingin ito sa kanya na may lungkot. “P-patawad,” simula nito habang nakayuko. “Patawarin mo ako–anak.”
Hindi na napigilan ni Anthony ang pagdaloy ng kanyang mga luha. “Alam mo ang totoo? Alam mo na anak mo ako?” Agad naman itong tumango.
“Bakit wala kang ginawa? Bakit ngayon mo lang sinabi sa’kin na alam mo pala ang lahat?”
“Dahil natakot akong magalit ka sa’kin,” humihikbing wika ni Silvia.
“Mula nang malaman kong ikaw ang tunay kong Ina ay kinamumuhian na kita! Nagsikap ako upang marating ang pwesto ko ngayon, dahil nais kitang higitan!”
“Sinusubaybayan kita anak, maniwala ka.” umiiyak nitong wika, “Mula nang mawala si Erwin, sinubukan kong kunin ka kay Clara ngunit ayaw ka niyang ibigay sa’kin. Humihingi siya ng pera sa’min ni Alfonso, para sa’yo na agad naman naming binibigay kasi sinasabi niyang pagugutuman ka niya kapag hindi ako nagbigay sa kanya.
Nang pumanaw naman si Clara ay inakala kong pwede na kitang makuha, pwede mo na akong kilalanin. Pero umalis ka at hindi na nagpakita pa sa’kin. Hinanap kita at pinasubaybayan. Kaya noong bumalik ka rito ay mas napanatag ako. Sinasabi ni Alfonso na magpakilala na ako, pero lagi akong dinadaig ng takot. Patawad kung duwag ang iyong Ina, patawad kung huli na ang lahat para sa’yo, pero para sa’kin. Ang makita kang masaya at umuunlad sa buhay ay sapat na Anthony,” hagulhol ni Silvia.
“Kailanman ay hindi ko naranasan ang pagmamahal ng Ina,” humihikbing wika ni Anthony. “Lagi akong binubugbog ni Mama Clara, lagi siyang galit sa’kin. Noong nalaman ko ang dahilan niya ay nagalit ako sa’yo. Kasi bakit mo ako nagawang ipamigay? Kahit bunga ako ng kasalanan mo’y anak mo pa rin ako, galing ako sa dugo at laman mo.
Tapos nagawa mo akong pabayaan? Dahil sa galit ko sa’yo kaya narating ko ang tuktok, maginhawa na ang buhay ko, dapat maging masaya na ako. Pero kulang parin, pakiramdam ko’y kulang parin ang kaligayahan ko. Kulang parin ako, dahil sa’yo. Gusto kitang kamuhian, pero hindi ko kaya.”
“Patawarin mo ako anak. Ibinigay kita kay Erwin dahil natakot ako sa maaari nilang gawin sa’yo. Sa kagustuhan kong maprotektahan ka mula sa asawa ko at sa pamilya ko, kaya kita ibinigay sa Papa mo. Hindi ko alam na mas lalo ka palang napahamak, dahil sa karuwagan ko.” hindi pa rin ito tumitigil sa pag-iyak.
Nilapitan niya ang kanyang tunay na Ina at niyakap. “Oo galit na galit ako sa’yo noon. Pero sapat na siguro ang mga narinig kong dahilan mula sa’yo upang dahan-dahang mawala iyon. Magsimula ulit tayo Mama,” yumakap naman ito ng mahigpit sa kanya.
“Oo. Magsimula ulit tayo. Ita-tama ko na ang lahat ng mali, patawarin mo ako anak.”
Parang may malaking tinik na nabunot sa puso ni Anthony. Laging tandaan na walang buting idudulot ang pagtatanim ng galit sa kapwa. Lalo na sa magulang.Buti na lamang ay natutong magpatawad ang lalaki.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!