Inosente ang Tatay Ko
“Pasensya na po kayo, kung wala po kayong abogadong makukuha, hindi po mapapawalang sala ang inyong tatay.” anang isang pulis, isang Linggo nang makulong ang tatay ni Mutya.
“Ma’am, bigyan niyo pa po kami ng isa pang Linggo, wala po kasi kaming pangbayad sa abogado, ayaw naman pong tanggapin ng mga public attorney ang kaso ni tatay. Maawa na po kayo.” pagmamakaawa ni Mutya sa may presinto.
May pum*aslang sa amo ng kanyang ama at ito ang napagbintangan dahil ito lamang ang tanging taong nakakapasok sa silid ng lalaki. Ang biktima ay isang kilalang business man kaya ang hinala nila, baka ito ay pinasok at doon pinagsasaksak.
“Mutya, kitang-kita ko kung paano pin*aslang ang boss ko. Kaya lang hindi ko ito mamukhaan. Tulungan mo akong mapawalang sala.” iyak ng kanyang ama.
Ginawa na niya lahat ng kanyang makakaya. Halos lumuhod na siya sa lahat ng abogado, ngunit tinatanggihan ito dahil una, wala silang pangbayad at pangalawa, bigating businessman ang napaslang, paniguradong pinakamagaling na abogado ang mayroon ang pamilya nito.
Wala nang maisip na paraan si Mutya. Kaya naman nagdesisyon siyang magpalit ng kurso at mag-aral ng abogasya. Dahil nga wala ng bayad ang ilan sa mga paaralan, madali na para sa kanya ang makapag-aral, dagdag pa ang ilan niyang mga kamag-aral na sinusuportahan siya sa mga bayarin at baon sa school.
Lumipas ang apat na taon at nasa kulungan pa rin ang kanyang ama. Ginawa lahat ng kabilang panig na makulong ang kanyang tatay ng habang buhay, kahit pa pagpapamudmod ng pera sa pulis at korte ay nagawa na nila.
Ngunit hindi nagpatinag si Mutya, sa apat na taong pananahimik niya, dumating na ang araw kung saan mapapawalang sala na niya ang kanyang ama.
“Tay, resulta na lamang po ng exam ang hinihintay ko at mapapawalang sala ko na po kayo. Konting tiis na lang tay.” buong pag-asang ika ni Mutya.
Hindi kalaunan, dumating na ang balitang nakapasa sa exam si Mutya bilang isang public attorney. Agad-agad niyang sinimulan ang kaso ang kanyang tatay.
Doon nangalap siya ng impormasyon at may dalawang testigo ang lumitaw.
“Noong gabing iyon, andito ako sa may tapat, nakita kong may taong umakyat dyan sa likod bahay nila. Tapos mga ilang minuto, may narinig ako sumigaw na lalaki tapos dali-daling tumakbo papunta dito samin yung lalaking umakyat.” nakatungong ika ng lalaki. “Sa katunayan kasi niyan, binayaran nila ako para manahimik ako, kasi hindi na kaya ng konsensya ko. Ayaw na nilang maungkat ang kaso dahil ang rinig ko sa kanila, sa tatay mo nakapangalan ang kalahati ng yaman ng biktima.” bulong ng lalaki.
“Talaga po? May patunay po ba kayo diyan?” pag-uusisa ni Mutya.
“Saglit, alam ko, nai-record ko ang usapan nila, dito kasi madalas mag-usap-usap ang mga tiyahin ng biktima.” anang matanda habang kinakalikot ang cellphone. “Ito dali, hija, pakinggan mo.” natatarantang sambit ng matanda, dali-dali namang pinakinggan mabutui ni Mutya ang nag-uusap na mga kababaihan sa record.
Ngunit, hindi pa kuntento pa siya sa mga ebidensyang nakuha niya. Pumunta siya sa opisina ng subdivision at nagtanong siya kung may naitabi silang CCTV footage noong araw na iyon.
“Naku hija, apat na taon na ang nakakalipas, tigilan mo na yan. Pati kami naiistorbo.” inis na ika ng matandang nagbabantay.
“Huwag niyo naman pong ipagkait sakin ang katotohanan, wala po akong hangad kundi mabigyan ng hustisya ang pagkakakulong ng inosente kong ama.” paninindigan ni Mutya, maluha-luha na ang dalaga.
Napaisip ang matanda at dali-dali niyang inabot sa dalaga ang isang USB. Isinasaksak iyon sa computer, at makikita ang mga files na nilalaman.
“Kumpleto yan, simula sa kung saan nang galing na bahay ang suspek hanggang sa pagtakbo nito matapos ang krimen. Huwag mo na lang sabihin na ako ang nagbigay, pinagbantaan nila ang buong pamilya ko, parang-awa mo na.” nag-aalinlangang tugon ng matanda.
Agad namang pinanuod ni Mutya ang nasabing video. Doon kitang-kita niiya kung sino ang nag-utos at pumaslang sa biktima. Dumating ang araw na sa wakas, ipaglalaban na niya ang kanyang tatay.
Buong tapang niyang hinarap ang korte kasama ng mga ebidensyang nakalap niya. Hirap man siyang patotohanan ang panig na pinaglalaban niya dahil may relasyon siya sa suspek, tila bumaliktad ang korte noong naipanuod sa kanila ang video kung saan isa sa mga tiyahin ng biktima ang kumausap sa lalaki at iyon ang nag-iisang lalaki na umakyat sa likod bahay ng biktima.
“Saan mo nakuha ang video na iyan? Isa kang sinungaling! Pati ako dinamay mo pa! Eh ako ang nag-alaga sa biktima simula maliit siya!” sigaw ng ale sa video.
“Huwag na po kayong magkaila, napag-alaman ko rin na kaya niyo ito ginagawa ay dahil nakapangalan sa nasasakdal ang kalahati ng yaman ng biktima. Ngayon po’y umamin na kayo.” buong tapang na ika ni Mutya.
Doon naipanalo ni Mutya ang kaso ng kanyang tatay. Sa katunayan, kaya ito ng kahit sinong abogado, sadyang napangunahan lang ang mga ito ng takot na harapin ang mga mayayaman sa kanilang lugar.
“Sabi naman sa inyo, gagawin ko ang lahat, Tay.” buong siglang ika ni Mutya, habang humahagulgol sa tuwa ang kanyang tatay.
Sobrang saya ng dalaga, bukod sa natupad ang pangarap niya, nalinis niya pa ang pangalan ng kanyang inosenteng ama.
www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!