Ubos na Ako
Hindi lahat ng pagmamahalan ay nauuwi sa paghabangbuhay. Gaya nalang ng love story nila Noel at Anne. Ang sabi ng karamihan, kapag matagal na ang pag-ibig ay nawawala na rin ang spark. Parang nais na nga yatang maniwala ni Noel sa kasabihang iyon, dahil ngayon ay wala na talaga siyang maramdaman na pagmamahal para kay Anne.
Pitong taon! Pitong taon narin silang magkasintahan ng babae at kasal na nga lang ang kulang sa kanila. Ngunit, nagdadalawang isip siya kung ito na ba talaga ang inilaan ng Panginoon para sa kanya.
Sa tagal nilang nagsama ay nakilala na niya ang totoong ugali ng babae. Mabunganga ito at napaka-moody, mayroong oras na maayos itong kausap tapos bigla-bigla’y nagagalit nalang ito sa kanya. Selosa rin si Anne, mapatingin lang siya sa iba ay magdamagang awayan na ang magaganap sa kanila.
Kahit na wala naman siyang ginagawang masama’y nagseselos ito. Ilang babaeng katrabaho na ba niya ang sinabunutan ng babae dahil lang sa mababaw na pagseselos. Kesyo nagtext lang sa kanya dahil may tinanong tungkol sa trabaho ay iba na agad ang tumatakbo sa isipan nito. Nasasakal na siya at parang nais na niyang umalpas mula sa relasyon nila.
Katulad nalang ngayon, tumawag ito upang tanungin kung nasaan siya. Nasa bahay lang naman siya ngunit nagdududa pa rin ito kaya ang gusto nito ay picture-an niya ang sariling hawak-hawak ang TV nila. Naiinis man ay sinunod niya ang gusto nito para lamang walang away. Para masiguro ay pumunta pa talaga ito sa bahay nila at agad din namang umalis.
Nagsasawa na siya sa pakiramdam na wala itong tiwala sa kanya. Lagi na lamang itong tamang hinala.
Isang araw, bigla itong sumugod sa trabaho niya at hinanap si Jinky ang kanyang ka-trabaho.
“Bakit? Ano bang ginawa ni Jinky sa’yo para magkaganyan ka?” mahinahon niyang tanong.
“Anong bakit? ‘Di ba nga dapat ako ang magtanong niyan sa’yo kung anong relasyon ninyo ng Jinky na iyan!”
“Ano? Wala kaming relasyon no’n. Magkasama lang kami sa trabaho gano’n lang Anne, gano’n lang.” Nauubos na ang pasensya niya sa babae. Pinapahiya na naman siya nito sa mga katrabaho niya. “Alam mo, pwede mo naman kasi muna akong kausapin. Ako muna, ako muna sana ang tinanong mo. Hindi iyong nang-eeskandalo ka kaagad rito.
Diyos ko naman Anne, nasa trabaho ako. Ilang beses mo nang ginagawa ang ganyan, matuto ka namang kumontrol sa emosyon mo,” sa inis na nararamdaman ay parang gusto na lamang niyang umiyak sa harapan nito. Pinahiya na naman siya ng babae, siguradong pagtatawanan na naman siya ng mga kasama.
“Ano bang pakialam ko kung nasa trabaho ka? Ang gusto ko lang naman ay malaman niyang huwag ka niyang nilalandi dahil may girlfriend kana. Alam mo din kung anong problema sa’yo Noel? Malandi ka kasi, kaya ka nilalandi ng mga katrabaho mo. Alam mo naman na wala akong pakialam na klase ng tao, panay harot ka pa sa mga ka-trabaho mo!” gigil na gigil nitong sambit.
Huminga muna siya ng malalim saka muling nagsalita. “Alam mo Anne, maghiwalay nalang muna tayo.”
“Ano? Siguro kaya ka nakikipaghiwalay sa’kin dahil totoo ngang may relasyon kayo nang Jinky na iyan,” pagak iting ngumisi. “Ang kapal din talaga ng mukha niyo ‘no!”
“Wala kaming relasyon ni Jinky. Mam*tay man ako ngayon sa kinatatayuan ko. Alam mo ba kung bakit ako nakikipaghiwalay sa’yo? Dahil d’yan sa ugali mo Anne, sa ugali mong walang tiwala at puro tamang hinala nalang. Sa ugali mong nakakasakal na, nakakasakal kana talaga at hindi ko na kaya ang ugali mo. Hindi na kita kilala Anne.
Hindi ko alam kung bakit ka nagbago pero nasasakal na ako sa ugali mo? Hindi ka naman ganyan dati. Hindi ko alam kung anong naging dahilan kung bakit ka nagkakaganyan, puro ka duda, puro ka tamang hinala. Hindi mo na ako kinakausap, sugod ka nalang nang sugod. Hindi mo na naiisip na pinapahiya mo na ako!” Galit niyang wika ngunit panay ang tulo ng luha. Gano’n din si Anne, hindi ito nagsasalita. Panay na lamang ang iyak sa mga sinabi niya.
“Tama na! Pakiusap. Itigil na natin ‘to, hindi na ako masaya sa’yo. Hindi ko na rin kayang sabihin na mahal pa kita, dahil ang totoo wala na Anne. Wala na ang pagmamahal ko para sa’yo.” prangka niyang wika.
“Gano’n nalang kadali Noel?”
“Hindi. Hindi naging madali ang lahat Anne, sinubukan kong tingnan ang magandang side kahit na ang totoo ay puro negatibo nalang ang nakikita ko. Sinubukan kong panghawakan ang mga magaganda at masasayang pinagsamahan natin Anne.
Iyon nalang ang dahilan kaya hanggang ngayon ay tayo pa. Pero wala na talaga e, binigyan mo lang ako ng dahilan ngayon para tuluyan kang bitawan. Maniwala ka, wala akong iba. Kailanman hindi kita pinagtaksilan sa loob ng mahabang panahon. Pero sawa na ako Anne, ayoko na. Ayoko nang makasama ka, hayaan mo muna akong mag-isa at makapag-isip-isip.”
“Mas sasaya ka ba kapag hindi na tayo?”
“Hindi ko alam? Pero susubukan ko,” mahina niyang wika.
“Sige. Tutal pagod narin naman akong maging aligaga sa kakaisip baka ipagpalit mo ako kasi nakuha mo na ang lahat sa’kin. Pagod na rin akong mag-isip tuwing gabi kapag hindi ka nakakatext. Pagod na rin akong tanungin ang sarili ko kung talaga bang mahal mo pa ako, kasi iba ang sinasabi ng bibig mo sa sinasabi ng mga kilos mo. Pagod na rin ako, kaya siguro ako nagiging ganito. Tama ka, siguro tama na nga muna. Hangga’t may natitira pa tayong respeto para sa isa’t-isa.” umiiyak na wika ni Anne.
Iyon na nga ang napagkasunduan nila. Masyado nang nakakasakal ang relasyong meron sila ngayon kaya mas maiging bitawan nalang muna kesa dumating ang araw na mawalan na sila ng respeto sa isa’t-isa.
Minsan talaga, ang pinakamabuting gawin ay ang bumitaw. Dahil kapag ipinagpatuloy pa ang isang bagay na hindi na nagpapasaya sa iyo, pareho lang kayong masasaktan.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!