Isang normal na umaga ang bumungad kay Melda isang Sabado. Dahil may edad na, hinimas-himas muna niya ang kumikirot na tuhod bago pinilit bumangon at ipaghanda ng almusal ang kaniyang asawa at panganay na anak na si Jessica.
Apat talaga ang anak ng mag-asawang Melda at Tenorio. Dalawa sa mga ito ay may kani-kaniyang pamilya na at nakabukod na ng tirahan. Tanging ang panganay na si Jessica at bunsong si Celine ang natira sa kanilang bahay kasama ng dalawang matanda. Retirado na rin ang dalawa dahil sa edad nila kaya naman ang bunsong si Celine ang tumutustos sa mga pangangailangan nila.
Si Jessica nama’y single mother sa dalawang chikiting kaya naman naisip niyang tumuloy na lang muna sa bahay ng kanyang nanay at tatay upang makatipid na rin sa gastusin.
Ngunit sa kabila ng mga pagtulong ng matandang mag-asawa sa pag-aalaga sa dalawang anak ni Jessica, madalas ay nakakatanggap pa sila ng masasakit na salita mula sa panganay nila.
“Jessica, may tumawag na naman kanina rito sa bahay. Hinahanap ka. Collection agency daw sila ng bangkong pinagkakautangan mo,” paalala ng ina kay Jessica.
“Aling bangko? ‘Di ba limang bangko na ang tumatawag sa atin at hinahanap ang ate?” sabad ng bunsong si Celine na madalas ay mainis na rin sa marangyang pamumuhay ng kapatid sa kabila ng mga pinagkakautangan nito.
“Eepal ka pa? Ikaw ba ang pinagbabayad ko, Celine? Nagmamarunong ka na naman, e sa call center ka nga lang nagtatrabaho!” bulyaw ni Jessica sa bunsong kapatid.
Hindi naman na kumibo si Celine at nagpatuloy na lamang sa pagtulong sa ina sa mga gawaing bahay.
“‘Yong sa North East Bank. E araw-araw nang nangungulit. Payo ko lang naman anak, bayaran mo na ‘yon o kaya naman makipag-usap ka nang hindi na umabot pa sa korte ang mga pagkakautang mo,” malumanay na payo ni Melda sa anak.
“Tang*na kasi! Ayang TV na pinapanooran niyo, ako ang bumili niyan noon ‘di ba? Tapos hetong refrigerator na tuwang-tuwa kayo dahil ang galing gumawa ng yelo, sa akin din nanggaling ‘yan ‘di ba? Tapos ngayong nalulubog ako sa utang, kung makapagsalita kayo e akala niyo ang huhusay niyo! P*ta talaga, malas na nga sa asawa, minalas pa sa pamilya!” bwelta ng galit na galit na si Jessica.
Hindi na bago sa mag-anak ang ganoong pag-uugali ni Jessica. Madalas ay sobra nga itong magsalita sa mga taong nasa paligid niya. Minsan nga’y nang-away pa ito ng isang serbidora sa kinakainang restawran nang dahil lang sa matagal siyang nabigyan ng hinihinging “extra ketchup”. Hindi na mabibilang ang mga taong nagtanim ng hinanakit sa mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.
Manager ng isang sikat na hotel itong si Jessica. Kahit pa palpak siya sa pag-ibig at sa pakikisama sa mga tao, nagawa niyang umangat sa pwesto sa nasabing hotel dahil magaling naman itong makisama sa mga piling matataas na tao. Kaya naman labis din ang pagtataka ng pamilya niya dahil kahit mataas ang sinusweldo niya’y nalulubog pa rin ito sa utang. Marahil dahil nga ito sa napaka-marangyang pamumuhay niya.
Isang gabi, mainit ang ulo ni Jessica na umuwi sa kanilang bahay. Paano ba nama’y isang reklamo ang natanggap ng kanyang boss laban sa kanya mula sa dati niyang empleyado. Nagsampa raw ito ng kaso laban sa kaniya nang dahil sa pang-aalipusta niya noong ito ay nasa ilalim pa ng pamumuno niya. Kaya nang makapasok ng bahay, bungad niya ay ang mukhang busangot at nakaangil na mga bibig.
“Anak, nandito ka na pala. O, kumain ka na,” ani Melda.
“Bumili ang kapatid mo ng isang buong letsong manok dahil nakakuha raw siya ng bonus kanina,” dagdag ng amang si Tenorio.
“Oo na! O tapos, sisingilin niyo na naman ako ng ambag ko sa pagkain? Tang*na, lahat sa bahay na ito may bayad e ‘no?!” angil ni Jessica sa ama’t ina.
“Aba’y wala naman kaming sinasabing ganyan ah? Sumosobra na ‘yang bunganga mo ah?” hindi na nakapagtimping sagot ni Melda sa anak.
“Ganon?! Pero araw-araw ipinaparamdam niyo sa akin na pabigat ako at ang mga anak ko dahil lubog ako sa utang ngayon! Tang*na talaga!” sagot ni Jessica habang nagbabalibag na ng mga gamit sa loob ng bahay.
“Sumosobra ka! Alam mong tumatanda na kami ng tatay mo. Masakit na masakit na ang mga kasu-kasuhan ko pero pinipilit kong pagsilbihan kayo rito sa bahay. Ipagluto, ipaglaba, ipamalansta, alagaan kayo at ang mga anak mo! Tapos papaalalahanan ka lang tungkol sa mga utang mo, ikaw pa ang galit na galit?! Aba’y sino ka ba sa tingin mo?!” humahangos na sagot ni Melda sa anak.
“Wala kayong kwenta! Ikaw, alam mong marami akong pinagdadaanan tapos ganyan ka pa kung magsalita. Para kang ‘di nanay. Sana mawala ka na sa mundo! Mam*tay ka na sana! Tang*na niyong lahat!” sigaw ni Jessica sabay takbo palabas nang bahay. Hindi niya alam kung saan tutuloy pero sa mga oras na iyon ay gusto niya na lamang makaalis sa bahay na iyon.
Habang naglalakad-lakad sa tahimik na kalsada, patuloy na hindi pinapansin ni Jessica ang pang-apatnapung tawag ng kaniyang kapatid na si Celine. Hindi pa rin siya nahihimasmasan mula sa sigawang nangyari kanina. Nang bigla na lamang siyang nagulat sa isang malakas na busina ng sasakyan.
“Hoy, Ate Jessica! Si mama, nasa ospital ngayon!” sigaw ng pangalawa sa magkakapatid na si Caloy. Sa kabilang bayan pa ito nakatira ngunit nang mabalitaan ang nangyari ay agad pala itong nagtungo sa kanilang kinalakhang bayan.
Nangibabaw pa rin ang pagkamatigas nitong si Jessica at sinagot pa ang kapatid.
“Dapat lang sa kanya ‘yon! Wala akong pakialam. Dagdag lang ‘yan sa gastusin ko! Pwe!” sigaw nito habang lalong binibilisan ang paglalakad.
Natigilan siya nang biglang bumaba ng sasakyan ang kapatid, at nakatikim siya ng isang lumalagutok na sampal.
“Ang kapal mo rin, ano? Tanong ko lang sa iyo, responsibilidad pa ba ni papa at mama na kupkupin ka kasama ng dalawang anak mo?” wika ni Caloy.
“Aba, siyempre! Dahil sa mga naitulong ko sa kanila, sa inyo dati, aba’y talagang obligado kayo ‘no! Porke baon ako sa utang ngayon, ako na ang masama?!” palabang sagot ni Jessica.
“G*go ka rin e ‘no? Diyos ko! Paano ka ba matatauhan?! Kailanma’y hindi namin sinabi sa iyo na tulungan mo kami noon. Hindi ka obligado noong nag-aaral pa kami! Pero laking pasasalamat namin na tinutulungan kami ng ATE namin. Pero hindi ko akalaing sapilitang manghihingi ka pala ng kapalit sa lahat. Iba ka talaga!” ani Caloy.
“At isa pa, sinabihan mo si mama ng mawala na sa mundo? Ang tibay ng apog mo! Wala ni isa sa magkakapatid ang kayang magsabi noon! Ikaw na nga ang pinili nila mama na makasama sa bahay. Pinipilit ko silang sa amin na lang tumira dahil may mga kasambahay kaming pwedeng mag-alaga sa kanila. Sa totoo lang, sagana ang buhay nila sa bahay namin. Pero ano? Pinili nila na samahan ka at ang mga anak mo!” sigaw ni Caloy habang niyuyugyog ang panganay na kapatid.
Hindi na napansin ni Jessica ngunit unti-unting tumulo ang mga luha mula sa kanyang mata. Tila natauhan siya sa lahat ng sinabi ng kapatid niya. Bigla na lamang niyang niyakap si Caloy upang humingi ng tawad, at nagpumilit na ihatid siya nito sa ospital kung nasaan ang kanilang ina.
“Mama? Mama! Papa! Sorry, patawarin niyo po ako. Naging napaka-suwail kong anak. Utang na loob, lumaban ka mama. Please! Hindi ko kayang mawala ka,” umiiyak na sumamo ni Jessica sa ina habang nakahiga ito sa kama sa ospital.
“Ang OA naman nito! Nung pag-alis mo kanina, nabanlian lang ng mainit na tubig sa kamay si mama nung ipagtitimpla niya ako ng kape. E libre naman ang paospital dahil sagot siya ng insurance ko, kaya nagpa-confine na kami,” natatawang sabat ng bunsong si Celine.
“Loko! Sinira mo naman ang plano ko e. Pero hoy ate, ituloy mo na ‘yang paghingi mo ng tawad. Please, magbago ka na. Hindi lang para sa’yo oh. Para na rin sa mama at papa, at pati sa dalawang ito,” wika ni Caloy habang yakap yakap ang dalawang pamangking anak ng ate niya.
“Tumigil na nga kayo. Ang dadrama ninyo! Heto may dala akong mga pagkain. Kumain na muna tayo bago mag-iyakan muli,” entrada ng pangatlo sa magkakapatid na si Elaine. Abala ito sa trabaho niya at sa pag-aalaga sa kanyang anak ngunit pinili ring makapunta nang malaman ang mga nangyayari sa kanyang pamilya.
Nagtawanan naman ang lahat at sabay-sabay na nagkainan. Tuwang-tuwa naman ang mag-asawa dahil hindi nila inasahang sa ospital pa sila magkakasama-samang muli. Nangibabaw ang kapatawaran, pagpapakumbaba, at pagmamahal sa silid sa gabing iyon.
Nangako si Jessica na aayusin na ang pananalita niya sa mga taong nakapaligid sa kaniya, lalong-lalo na sa sarili niyang pamilya. At dahil nakaluluwag sa buhay si Caloy at Elaine, naisipan nilang tulungan si Jessica na makabangon sa buhay at ipinahiram ng pera na pambayad sa lahat ng pinagkakautangan nito. Aniya’y matututo na rin siyang mamuhay nang naaayon sa laki ng kanyang sinusweldo upang maiwasan ang muling pagkakabaon.
Humingi rin siya muli ng kapatawaran sa kanyang ama’t ina sa mga bastos na pananalitang lumalabas sa kaniyang bibig. Mabilis naman siyang pinatawad ng mga ito kapalit ang pangakong magbabagong buhay na.
Natutunan ni Jessica na hindi sagot sa mga problema ang pagkakaroon ng mainit na ulo. Bukod pa rito, natutunan niya rin na kahit anumang mangyari’y pamilya pa rin natin ang magiging sandigan natin sa oras ng pangangailangan.