Inday TrendingInday Trending
Mahal Ko Ang Tatay ng Boyfriend Ko

Mahal Ko Ang Tatay ng Boyfriend Ko

Naging “usap-usapan” sa kanilang mga kaibigan at kakilala ang nakatakdang pagpapakasal nina Henry at Criselda. Tatlong taon na silang magkasintahan, hanggang sa naisipan na nilang lumagay sa tahimik. Nang malaman ito ng ama ni Henry na si Tonio, 50 taong gulang, biyudo, agad nitong tinulungan ang unico hijo sa mga paghahanda para sa nakatakdang kasalan.

Naging paspasan ang paghahanda ng lahat. Sa Manila Cathedral ang kasal. Sa isang buffet restaurant ang magiging reception. Natahi na ang barong tagalog ni Henry at wedding gown ni Criselda. Naipamahagi na rin ang mga imbitasyon. Aktwal na kasal na lamang ang hinihintay.

Subalit isang gabi bago ang kanilang kasal, biglang nawala si Henry. Hindi ito nagpasabi kung saan nagpunta. Hindi rin ito nagpaalam sa kanyang amang si Tonio. Halos gumuho ang mundo ni Criselda. Nagalit ang pamilya at mga kaibigan nito kay Henry. Hindi naman masagot ni Tonio ang mga tanong. Kahit siya, walang ideya sa nangyari sa kanyang anak.

Araw-araw nagtutungo si Criselda sa bahay nina Henry, nagbabaka-sakaling bumalik na ang nobyo, at maipaliwanag kung bakit ito tumalikod sa kanilang kasal. Hanggang sa naawa na si Tonio sa halos araw-araw na pagpunta ni Criselda sa kanilang bahay.

Isang araw, masinsinan silang nag-usap ni Criselda.

“Ako na mismo ang humihingi ng pasensya sa ginawa ng anak ko. Hindi ko rin maipaliwanag ang ginawa niya. Hindi rin siya sumasagot sa mga tawag at text ko,” paliwanag ni Tonio kay Criselda.

“Naniniwala naman po ako sa inyo. Kung ayaw niya na sa akin, bakit hindi niya ako kausapin? Hindi naman ako tanga. Maiintindihan ko naman kung may nakilala na siyang iba, o kung may nabago na ba sa nararamdaman niya sa akin. Hindi yung ganito… hindi yung ganito!” at unti-unting napahikbi si Criselda.

Minabuti ni Tonio na kunin ang mukha ni Criselda at ilapat sa kanyang balikat. Hinaplos-haplos niya ang likod nito upang aluin. Kahit na anak niya si Henry, nakararamdam din siya ng galit sa ginawa nito. Pinagmukha nitong tanga si Criselda, na isang mabait at maganda.

Tuluyang yumakap si Criselda sa ama ng kanyang nobyo upang ibuhos ang kanyang pagluha. Samo’t sari ang kanyang nararamdamang emosyon. Galit, pagkabigo, at awa sa sarili.

Upang mapasaya at makabawi sa nobya ng kanyang anak, araw-araw na inaaya niya si Criselda upang magmeryenda sa kanilang bahay, kung minsan ay lumalabas sila upang manood ng sine, kumain sa labas, magtungo sa amusement park, manood ng concert, at marami pang iba. Lubos niyang nakilala ang kasintahan ng anak, kaya naman lalong naglatang ang galit sa puso ni Tonio para sa anak.

Hanggang sa unti-unting mapansin ni Tonio na nawawala na ang malulungkot na mga mata ni Criselda sa tuwing sila ay lumalabas. Hindi na rin nito hinahanap si Henry. Wala silang ginawa kundi magkwentuhan at magtawanan.

Hanggang sa isang gabi, pagkahatid ni Tonio sa bahay ni Criselda, isang halik sa kanyang pisngi ang isinukli ng dalaga.

“Para saan iyon?” Takang tanong ni Tonio.

“Para sa iyo, Tonio. Salamat at pinapasaya mo ako…” at tumitig sa kanya si Criselda. Mga titig na may kahulugan. Hanggang sa hindi na namamalayan ni Tonio na unti-unti na palang dumikit sa kanyang mga labi ang mga labi ni Criselda. Siniil siya nito ng halik, hanggang sa tumugon na rin si Tonio.

Naglalagablab ang kanilang damdamin nang kumawala si Tonio. “Mali ito. Itigil natin ito. Nobya ka ni Henry. Nobya ka ng anak ko…”

“Nasaan ba ang anak mo? Hind ba iniwan niya ako? Wala siyang kwenta. Ikaw na ang mahal ko, Tonio. Sa saglit na panahon ay ipinakita mo sa akin na kaya mo akong pasayahin, at kaya mo akong protektahan.”

“Ginawa ko lang yun para makabawi sa nangyari, dahil sa ginawa ng anak ko sa’yo.”

“Ganoon ba? Bakit ka tumugon sa halik ko?”

Napamaang si Tonio. Umuwi na siya dahil gulong-gulo na siya. Mali ang kanyang ginawa. Si Criselda ay mapapangasawa ng anak niya, na magiging manugang niya.

Mula noon ay hindi na nagpunta si Criselda sa bahay ni Tonio. Makalipas ang tatlong araw, hinahanap-hanap ni Tonio ang presensya ni Criselda. Nasasabik siya rito. Umiinit ang pakiramdam niya kapag naaalala ang paghalik sa kanya ni Criselda, ang pagyakap nito sa kanya, ang mabango nitong amoy.

Hindi na nakatiis si Tonio. Tinawagan niya si Criselda at nakipagkita rito. Labis na nasabik sila sa isa’t isa. Pagkakita pa lamang sa kanya ni Criselda, yumakap na ito at siniil siya ng nagbabagang mga halik. Parang nadadarang si Tonio. Tumugon siya, at kapwa sila natupok ni Criselda.

Pagbalik ni Tonio sa bahay, isang hindi inaasahang tao ang nabungaran niya. Walang iba kundi ang kanyang anak na si Henry! Muntik na niyang hindi makilala ang unico hijo, dahil nakamini skirt ito, nakapeluka, at namumutok ang make up sa mukha. Lumuluhang inamin ni Henry sa ama ang tunay niyang kasarian. Kaya siya nagpakalayo dahil hindi niya maatim na maikasal sa isang babae.

At dahil nagkabukuhan na, inamin naman ni Tonio na mahal niya si Criselda at may relasyon sila. Labis na nasaktan si Henry. Hindi nga naman magandang tingnan kung magkakataon.

At dahil mahal ni Tonio ang kanyang anak na si Henry, gumawa siya ng isang malaking desisyon. Pinili niyang huwag nang ituloy ang pakikipagrelasyon kay Criselda. Kahit tuluyan nang nahulog ang loob sa mamanugangin, mas pinipili niyang isakripisyo ang kanyang nararamdaman upang hindi na maging komplikado ang lahat.

Naunawaan naman ito ni Criselda. Ito na mismo ang lumayo kay Tonio. Nabalitaan na lamang ni Tonio na nagtungo na ito sa France upang magbagong-buhay.

Samantala, buong-pusong tinanggap ni Tonio ang desisyon ng anak na si Henry na magpakatotoo sa kanyang tunay na kasarian. Binigyang-pansin na lamang ni Tonio ang pagnenegosyo upang makalimutan ang lahat ng mga nangyari.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement