
Iniwan ng Nanay na Ito ang Kaniyang Kambal na Anak sa Harapan ng Isang Kainan; Magsisi Kaya Siya sa Kaniyang Ginawa?
“Mga anak, dito lang kayo ha. May bibilhin lang ako sa palengke. Kailangang-kailangan lang talaga.”
Tila may bara sa kaniyang lalamunan nang sabihin ng inang si Luisa ang mga pahayag na iyon sa kaniyang kambal na anak na sina Tonton at Tenten. Magkahawig na magkahawig ang dalawa, parehong anim na taong gulang. Nasa tapat sila ng isang sikat na fast food chain.
Kung titingnan ang kanilang mga pananamit at hitsura, mahihinuhang sila ay mahirap lamang. Si Luisa ay naglalako ng mga kakanin sa mga bahay-bahay. 27 taong gulang pa lamang siya subalit mukha na siyang nasa 40 anyos.
“Nanay, sama na lang po kami ni Tenten,” inosenteng giit ni Tonton sa kanilang ina.
“Oo nga po Nanay. Titingin po kami ni Tonton ng laruan,” segunda naman ni Tenten.
“H-Hindi puwede mga anak eh. Kailangan ninyong maiwan dito. Baka kasi siksikan ang mga tao at mahilo pa kayo. Dito lang kayo. Huwag kayong aalis dito, maliwanag ba?”
“Sige na nga po, Nanay. Basta pagbalik po ninyo, kain tayo sa loob…” saad ni Tonton sabay lingon sa kaniyang likuran. Natakam siya sa mga kinakaing pagkain ng mga kostumer sa nasabing fast food chain.
“Huwag kayong aalis dito, mga anak,” nangingilid ang mga luhang muling bilin ni Luisa sa kaniyang kambal. “Halina nga kayo at yayakapin ko kayo!”
Sanay naman sina Tonton at Tenten na niyayakap ng kanilang ina, subalit kakatwa ang mga kilos ni Luisa nang mga sandaling iyon. Nangingilid ang kaniyang mga luha. Tumatagaktak ang kaniyang mga gamunggong pawis. Tila mabilis ang kaniyang paghinga.
“Tatandaan ninyo mga anak, mahal na mahal kayo ni Nanay!” huling pahayag ni Luisa bago tuluyang umalis. Walang lingon-likod.
Samantala, kagaya ng bilin ng kanilang nanay, nanatili ngang nakatayo ang magkapatid sa harapan ng fast food chain. Paminsan, pinapanood nilang kumain ang mga nasa loob. Kapag nagsawa naman, naglalaro sila ng ‘Langit-Lupa,’ o kaya naman ay binibilang nila ang mga nagdaraang nakasuot ng pula, asul, dilaw, itim, o puting damit.
“Tagal naman ni Nanay,” bulong ni Tenten.
“Darating din ‘yon. Baka marami siyang bibilhin para sa mga paninda,” sansala naman ni Tonton.
At lumipas ang isa, dalawa, tatlo, apat na oras. Alas 12:00 na ng tanghali subalit hindi pa rin bumabalik ang kanilang nanay.
“Gutom na ‘ko,” naiiyak na si Tenten.
“Ako rin…” saad din ni Tonton.
“Saan ba nagpunta si Nanay? Babalik pa ba siya?”
“Bakit naman hindi babalik si Nanay?”
Iyan ay balidong tanong. Babalik pa ba si Luisa?
Malayo na ang nalakad ni Luisa. Malungkot na malungkot ang kaniyang pakiramdam. Laging ganoon ang lumulukob sa kaniyang pagkatao. Hirap na hirap na siya sa buhay niya. Palagay niya, hindi niya na kayang buhayin ang kaniyang mga anak, kaya kailangan niyang gawin iyon.
Kailangan niyang iwanan ang kaniyang mga anak.
Bahala na kung sino ang pupulot sa kanila.
May kung ilang araw nang sumasagi sa isipan ni Luisa ang planong pag-abandona sa kaniyang kambal. At ngayon ang tamang araw nang pagsasaktuparan nito. Gulong-gulo na ang kaniyang isipan sa kung ano ba ang dapat gawin.
Iniwanan siya ng kaniyang mister na isang sugarol at babaero. Mag-isa niyang itinaguyod ang kaniyang kambal. Subalit tao lang din naman siya. Nakararamdam din ng pagsuko. Alam niyang mali ang ginawa niyang pag-iwan sa mga anak subalit ayaw naman niyang mawala sila nang sabay-sabay sa gutom.
Tila nahimasmasan naman si Luisa nang makita niya ang isang batang babaeng naghahanap ng kaniyang nawawalang alagang pusa. Kung tutuusin, mas mahalaga ang tao kaysa sa pusa o iba pang mga hayop subalit hinahanap pa rin ito kapag nawawala. Tao pa kaya?
“A-Anong nagawa ko? Anong ginawa ko sa kambal ko? Nababaliw ka na ba, Luisa?!” tila bigkas ng sariling utak ni Luisa sa kaniyang sarili.
Sukat niyon ay tila nagbalik sa reyalidad si Luisa. Agad niyang binalikan ang kaniyang mga anak. Alas 3:00 nang hapon. Tiyak na gutom na gutom na ang mga iyon.
Subalit pagbalik niya, walang Tonton at Tenten sa harapan ng fast food chain na pinag-iwanan niya sa dalawa.
“Tonton… Tenten… mga anak ko… nasaan na kayo… mga anak!” napaiyak na lamang si Luisa. Naagaw naman niya ang pansin ng mga taong nagdaraan.
“Misis, kayo ho ba ang magulang ng dalawang batang nakatambay rito kanina?” tanong ng guwardiya ng fast food chain.
“Oho, ako nga ho… umalis lang ho ako saglit…”
“Nasa loob ho sila, kumakain.”
Mabilis pa sa kidlat na pumasok sa loob nito si Luisa, at nakahinga siya nang maluwag nang makitang sarap na sarap sa pagkain ang kambal. Naawa pala sa kanila ang mga service crew na nakapansin sa kanilang dalawa, kaya nilibre nila ng pagkain ang dalawa.
Nanlaki naman ang mga mata nina Tonton at Tenten nang masilayan si Luisa. Agad silang nagtatakbo palapit sa kaniya, niyakap siya nang mahigpit.
“Tagal-tagal mo naman po ‘Nay! Nasaan po ang binili ninyo?” usisa ni Tonton.
“Buti na lang ‘Nay mababait sila, pinakain po kami. Spaghetti saka fried chicken.”
Hindi na sumagot pa si Luisa. Niyakap niya nang napakahigpit ang kaniyang kambal, ang kaniyang kayamanan.
“Pasensya na mga anak. Pagpasensyahan na ninyo ang Nanay. Pangako, hinding-hindi ko na ulit kayo iiwan. Hindi na,” pangako ni Luisa sa kambal. Takang-taka naman ang kambal kung bakit todo ang iyak ng kanilang nanay. Inialok na lamang nila sa kaniya ang ilan pang mga pagkaing hindi pa nila nalalantakan.
Hindi malaman ni Luisa ngayon kung sinong dem*nyo ang bumulong sa kaniya upang gawin ang kaniyang ginawa, subalit ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi na mauulit iyon.