
Panata na ng Binata ang Magbahagi ng Biyayang Kaniyang Natatamasa; ‘Di Niya Inasahang Iyon din ang Magbibigay sa Kanila ng Ginhawa
Isang mabuting anak, kapatid at kapitbahay… diyan kilala ang padyak drayber na si Merwin, ang dalawampu’t isang taong gulang na panganay ni Aling Winona, sa apat niyang anak.
Masipag si Merwin. Bukod doon ay napakamatulungin din ng binata. Dahil doon, halos lahat yata ng nakatira sa ‘looban’ ay kasundo niya. Paano’y madali kasi siyang lapitan, lalo na kapag tunay ang pangangailangan, kahit pa nga kulang na kulang din ang kinikita niya sa araw-araw. Hindi kasi siya nakatapos man lang ng highschool, dahil buhat nang mawala ang kaniyang ama ay siya na ang pumasan sa obligasyon nito sa kanilang pamilya.
“Mamang, nakaisang libo ako buong maghapon, o!” masiglang balita ni Merwin nang siya’y umuwi ng bahay matapos niyang bumiyahe, sabay aboy ng pera sa ina. Malakas kasi ang ulan ngayon kaya tambak ang pasahero.
“Naku, anak! Bakit naman basang-basa ka? Baka magkasakit ka!” tarantang sabi naman ng kaniyang ina na puno ng pag-aalala, at tila hindi napansin kung magkano ang perang naiuwi niya ngayong araw.
“Mamang, ayos lang ho ako. Katunayan ay babalik pa ho ako sa pila. Napakarami pa hong pasahero, e, sayang naman. Umuwi lang ho talaga ako para ibigay sa inyo ’yan,” malumanay namang paliwanag ni Merwin at tumayo na kaagad sa kaniyang kinauupuan.
Matapos ang pag-uusap nila ng kaniyang ina ay nagsimula nang pumasadang muli si Merwin… nang libre.
Sa tuwing kikita kasi siya nang malaki, nagiging panata na ni Merwin na mag-alay ng libreng pasada sa iba, upang ibalik ang grasyang natanggap niya, ’tulad ng turo ng kaniyang yumaong ama. Kaya nga maraming natutuwa kay Merwin.
“Inang, sakay na ho. Anong kanto ho ba kayo?” tanong ni Merwin sa isang matandang nadaanan niyang naglalakad sa kalsada habang hawak ang sirang payong. Marumi at maputik ang suot nitong damit, na sayang naman dahil mukha pa namang bago.
“Pero, wala kasi akong dalang pera, hijo. Ang totoo ay hindi naman ako tagarito. May nakapagsabi kasi sa akin na dito raw nakatira sa subdibisyong ito, ang pamilya ng anak kong matagal ko nang hindi nakikita. Kaya lang ay naiwala ko yata ang pitaka ko,” sagot naman ng mukhang kaawa-awang matanda.
“Huwag na ho ninyong intindihin ʼyon, Inang. Halina ho kayo at baka lagnatin pa kayo. Mas mahirap ho ’yon,” nakangiti pang sabi ni Merwin, kahit pa medyo pagod na siya sa halos maghapon na niyang pagpadyak.
“Hijo, napakabait mo. Sana ay katulad mo ang apo ko kung sakaling makikita ko na siya,” komento naman ng matanda pagkasakay nito sa kaniyang pedicab. “Sana lang ay matanggap niya ako, kahit pa noon ay itinakwil ko sila, kasama ang aking anak, dahil lang ayaw ko sa kaniyang ina,” bulong pa ng matanda na pinili ni Merwin na huwag na lang pansinin upang hindi ito malungkot.
“Oo nga po pala, ano po ang pangalan ng anak na hinahanap n’yo? Marami ho akong kilalang tagarito, e,” pag-iiba na lang ni Merwin sa usapan nila ng matanda.
“Elmer, hijo. Elmer Cansicio,” sagot naman ng matanda na ikinagulat naman ni Merwin.
“E, Inang… tatay ko ho ’yon, e!”
Parehong nagkagulatan si Merwin at ang matanda na napag-alaman niyang kaniya palang lola! Dinala niya ito sa kanilang tahanan at maluwag na pinaunlakan ito ng kaniyang ina.
Naging madrama ang kanilang pagtatagpo, dahil hindi pala alam ng kaniyang lola na wala na ang kaniyang ama. Ganoon pa man ay nanghingi ito ng tawad sa kanilang buong pamilya, dahil sa ginawa nitong pagtatakwil sa kanila noon. Agad naman nilang ibinigay ang hinihiling nito. Tutal ay matagal naman nang tapos iyon.
“Ngunit hindi lang ang paghingi ng tawad ang pakay ko kaya ako nagpunta rito. Matanda na ako’t anumang oras ay maaari na akong mawala, kaya’t bago pa mangyari ’yon ay gusto kong ilipat na sa pangalan ng panganay na anak ni Elmer ang lahat ng ari-arian ko, dahil iyon ay para naman talaga sa kaniya,” pagsisiwalat pa ng kaniyang Lola Asuncion na talagang ikinabigla ni Merwin!
Hindi akalain ng binata na dahil lang sa kaniyang panatang pagkakaroon ng libreng sakay, ay magbabago ang kanilang buhay! Ngayon ay hindi na niya kailangang problemahin pa ang pag-aaral ng kaniyang mga kapatid. Bukod doon, maging siya ay maaari na ring bumalik sa pag-aaral!
Ilang taon makalipas ang muling pagkikita ng pamilya nina Merwin at ng kaniyang Lola Asuncion, isa na ngayong matagumpay na business man si Merwin. Ngunit yumaman man ang binata, hindi naman niya nakalimutan ang kaniyang panatang ibalik sa iba ang biyayang kaniyang natatamasa. Dahil doon ay wala nang mahihiling pa ang binata. Masaya na siya sa buhay niya, na binago ng kaniyang panatang libreng sakay.