Nahilig sa Mahjong ang Misis na Ito at Nagkautang sa Kaniyang Kumare; Ginawa Niyang Pambayad ang Kaniyang Mister
“Myrna, hinay-hinay naman sa pagmamahjong. Aba, napapansin ko na lagi ka nang wala rito sa bahay. Noong isang araw, naabutan ko pang hindi pa hugas ang mga pinagkainan ng tanghali. Pinupuntahan na ng mga bubwit.”
Pinagsasabihan ni Mang Lando ang kaniyang misis na si Aling Myrna na maghulos-dili sa kinahihiligan nitong libangan tuwing hapon: ang pagmamahjong. Inaya kasi ito ng amiga nitong si Aling Josa.
“Eh bakit ba at pakialam mo ba? Ito na nga lang ang libangan ko, ipinagkakait mo pa? Napakawalang-puso mo naman sa akin. Bakit ang ibang mga amiga ko, kahit magdamagan sila sa mahjongan eh hindi naman sila pinapakialaman ng mga mister nila. Anong gusto mong gawin ko rito sa bahay, tumunganga?”
Pareho na silang nasa 50 anyos mahigit at ang kani-kanilang mga anak ay may sari-sarili na ring pamilya at nakabukod na. Silang dalawa na lamang mag-asawa. Si Mang Lando ay patuloy pa rin naman sa pagtatrabaho bilang isang manggagawa sa isang pabrika ng mga bakal. Si Aling Myrna naman ay naiiwan sa bahay.
“Ah basta ha, huwag mong sabihin sa akin na hindi kita pinaalalahanan,” huling pahayag ni Mang Lando bago umalis.
Hindi mo naman masisisi si Aling Myrna. Nakakabugnot naman talaga sa kanilang bahay. Nasira kasi ang kanilang telebisyon, at hindi naman mahanapan ng oras ni Mang Lando na maipagawa ito. Hindi naman din mahilig gumamit ng cellphone si Aling Myrna. Isa pa, wala naman silang internet, at hirap na hirap siyang aralin kung paano gumamit ng mga social media platforms.
Kaya nang ayain siya ng amigang si Aling Josa na subukin ang pagmamahjong ay napapayag na rin siya. Sa umpisa lang naman nakakalito, pero kapag nagamay mo na at nasanay ka na sa mga piyesa, tila musika na sa pandinig ang tunog na nalilikha ng pagbabanggaan ng mga piyesa, lalo na kapag nananalo.
Alam ni Mang Lando kung nanalo sa mahjong ang misis. kapag bumili ito ng lechong manok o kaya naman ay liempo, tiyak na nagtagumpay ito. Subalit kapag natalo, nang-aaway ito.
Minsan, kasarapan ng paglalaro ni Aling Myrna nang mapansin niyang ubos na pala ang dala-dala niyang pera dahil sa sunod-sunod na pagkatalo.
“O Myrna, huwag mong sabihing ayawan na? Hindi pa umiinit ang puwet mo, maaga pa,” sita sa kaniya ni Aling Josa.
“Eh… wala na kong pantaya! Ubos na!”
“Sus, akong bahala. Pautangin muna kita,” saad naman ni Aling Josa.
“Sigurado ka?” muling tanong ni Aling Myrna.
“Para ka namang ibang tao! Sige na, huwag ka nang maarte!”
Hindi na nga umaarte-arte pa si Aling Myrna hanggang sa hindi niya namamalayang malaki na pala ang nauutang niya kay Aling Josa. Tumataginting na 5,000 piso!
“Naku magagalit si Lando nito,” saad ni Aling Myrna pagkatapos ng kanilang ‘masayang’ sesyon. “Baka mag-away na naman kami. Kailan ko ito puwedeng bayaran?”
“Ikaw… kapag nakaluwag-luwag ka na,” saad naman ni Aling Josa.
Subalit lumipas ang isang buwan hanggang tatlong buwan na hindi makabayad si Aling Myrna sa kaniyang utang kay Aling Josa. Sinisingil na siya.
“Kung hindi ka makakabayad sa akin, may naisip akong paraan para makabayad ka na, may sukli pa,” tila nakakaloko ang ngiti ni Aling Josa.
“Paano?”
Ngumising-aso si Aling Josa. Lumapit kay Aling Myrna at may ibinulong dito…
Kinagabihan, matapos makapaligo ni Mang Lando mula sa trabaho, tila ba’y nag-init ang kaniyang katawan at nais niyang makaiskor sa misis.
Pagpasok sa loob ng kuwarto, agad siyang dumaluhong sa kama at niyakap ang kaniyang misis, na noon ay nakahiga sa kanilang kama. Nakatagilid ito kaya hinalik-halikan niya ang batok nito.
“Parang ang bango-bango yata ng misis ko ngayon ah, hindi ka ba natalo ngayon sa mad..”
Subalit hindi na natapos ni Mang Lando ang kaniyang mga sasabihin. Napalundag siya sa kama. Hindi si Aling Myrna ang kaniyang katabi.
“J-Josa? A-Anong ginagawa mo rito sa kuwarto namin ni Myrna?” gulat na gulat na tanong ni Mang Lando. Agad namang bumaba ng kama si Aling Josa.
“Hindi ba nasabi ni Myrna, may malaki siyang pagkakautang sa akin. Hindi siya makabayad. Sabi niya, ikaw na lang ang pambayad niya. Isang gabi lang, Lando. Alam mo namang kung wala lang ang mister ko noon, sumalangit nawa ang kaluluwa, gustong-gusto kita…”
“Teka muna Josa, mali ito. Maling-mali. Babayaran ko na lamang ang halaga ng utang ko sa iyo, pero kasalanan itong naisip ninyo ni Myrna.”
Saka naman pumasok sa loob ng kuwarto si Myrna. Pinapasok niya pala ang amiga sa loob ng kanilang bahay, at inutusan itong magtungo na sa kuwarto nila, habang naliligo ang mister.
“P-Patawarin mo ako, Lando. Si Josa naman talaga ang nakaisip niyan eh, nagpatianod lang ako,” hiyang-hiyang pag-amin ni Aling Myrna.
Binayaran ni Mang Lando ang pagkakautang ng misis kay Aling Josa. Labis-labis naman ang paghingi ng tawad ni Aling Myrna sa kaniyang mister, sa kung bakit siya napapayag sa kakatwang ideya ng kaniyang amiga. Pinatawad naman ni Mang Lando ang kaniyang misis.
“Matatanda na tayo para magtampo-tampohan, Myrna. Matatanda na tayo para mag-asal at mag-isip-bata. Huwag na sanang maulit ito. Hindi ako laruang ipamimigay mo, o pagkain na ipapatikim mo sa iba dahil wala kang pambayad sa utang. Tao ako. Asawa mo ako,” pahayag ni Mang Lando.
Magmula noon ay tumigil na si Aling Myrna sa kaniyang pagsusugal. Nagpokus na lamang siya sa pag-aasikaso ng mga gawaing-bahay.