Inday TrendingInday Trending
Todo ang Paghihirap na Dinanas ng Babaeng Ito Para sa Kaniyang Pamilya; Paano Kung Bigla na Lamang Siyang Mawala?

Todo ang Paghihirap na Dinanas ng Babaeng Ito Para sa Kaniyang Pamilya; Paano Kung Bigla na Lamang Siyang Mawala?

Mahirap ang buhay ng pamilya ni Pearl. Sa araw-araw niyang pagtitinda ng gulay ay hindi pa rin ito naging sapat lalo’t si Mike na asawa niya ay isang lasingero at hindi sinusuportahan ang pangangailangan ng kanilang tatlong anak.

Si Paul, ang panganay na anak ni Pearl, ay isang bulakbol na estudyante, labing anim na taong gulang na ito ngunit hindi pa rin ito nakaka-graduate ng elementarya. Si Lobelyn na pangalawa sa magkakapatid ay mayroon nang anak sa edad na labing apat na taong gulang pa lang. Ang bunsong anak naman ni Mike at Pearl ay nasa edad na walong taong gulang at hindi pa rin ito marunong magbasa.

Nasangkot sa isang away si Paul. Malala ang mga natamong sugat nito, kaya isinugod ito sa isang ospital. Hindi naman alam ni Pearl kung siya kukuha ng pera pambayad.

“Mike, paano naman natin babayaran ang bill sa ospital? E, kulang na kulang pa sa pang-araw-araw ang kinikita ko!” Inihilamos ni Pearl ang kaniyang palad sa sariling mukha.

“Hayaan mo na ’yang anak mo. Siya naman ang may kasalanan n’yan,” tila walang halong pag-aalalang sagot naman ni Mike sa kaniya.

Hindi na natiis ni Pearl ang kaniyang asawa dahil dati pa man ay wala na itong pakialam sa kaniyang anak. Binigyan ni Pearl si Mike ng isang malakas na sampal.

“Walang hiya ka! Anak mo rin ’yan! Kailan ka ba magkakaroon ng pakialam sa amin?” galit na galit na sabi ni Pearl.

Matapos iyon ay halos hindi na magpansinan ang mag-asawa. Nagsumikap si Pearl na makahanap ng maganda-gandang trabaho, at hindi naman ito nabigo na gawin iyon. Paunti-unti nitong binayaran ang bill sa ospital hangang sa matapos nilang bayaran ito.

Si Mike naman ay tuluyan nang iniwan ang kaniyang pamilya. Ang huling balita dito ni Pearl ay mayroon na itong bagong kinakasama. Sa kaniyang pagtratrabaho ay nakakilala niya naman si Armando. Naging magkaibigan si Pearl at Armando hanggang sa naging magkasintahan ang mga ito.

Naging maayos ang pamumuhay ni Pearl, ngunit nabalitaan niyang inatake ng stroke ang kaniyang asawang si Mike. Dahil hindi hiwalay sa papel ay itinuturing pa rin ng batas na legal na asawa ni Mike si Pearl, kaya si Pearl ang nag-asikaso ng pambayad nito sa ospital.

“Pearl, salamat at nariyan ka pa rin kahit marami akong naging kasalanan sa ’yo.” Tumulo naman ang luha ni Pearl dahil sa sinabi ni Mike. Iyon ang unang beses na nagpakumbaba ang dating asawa na talaga namang ikinagulat niya.

Kinabukasan, nang dadalawing muli sana ni Pearl ang dating asawa’y doon niya nabalitaang tuluyan na itong bumigay. Siya at si Armando ang nag-asikaso ng bill sa ospital ni Mike.

Patuloy pa rin si Paul sa paggawa ng kalokohan. Iniisip at umaasa na lamang si Pearl na magbabago rin ito pagdating ng panahon. Maraming problema ang hinaharap ni Pearl, ngunit hindi siya sumusuko dahil patuloy siyang nabubuhay para sa kaniyang mga anak. Ngunit habang patuloy iyong ginagawa ni Pearl ay lalo lamang nasisira ang buhay ng kaniyang mga anak. Lalong dumidepende sa kaniya ang mga ito.

Noong minsan ay nasa trabaho si Pearl at nakaramdam siya ng sakit sa kaniyang dibdib at nawalan siya ng malay. Dinala si Pearl sa ospital at napag-alaman na siya at may sakit sa kaniyang dibdib at malala na ang kaniyang lagay.

Hindi alam ni Pearl kung ano’ng nagawa niyang mali, para maranasan ang lahat ng ito. Nalaman ni Armando ang sitwasyon ni Pearl at labis ang naramdamang awa nito sapagkat alam niyang marami na itong mga napagdaanan.

“Tutulungan kitang magpagamot,” pamimilit ni Armando sa kinakasama.

“Gabayan mo na lang ang mga anak ko’t ayos na ako roon, Armando,” ngunit sagot naman ni Pearl.

“Huwag kang magsalita na parang mawawala ka na. Huwag kang ganiyan.” Hindi gusto ni Armando ang mga naririnig mula sa kaniya.

“Tanggapin na lang natin ang katotohanan, Armando.” Niyakap ni Pearl si Armando at doon bumuhos ang luha ng dalawa.

Nag-ipon si Armando at Pearl para sa kaniyang mga anak kung sakaling siya ay mawawala. Hindi na sinubukan pa ni Pearl na magpagamot dahil malala na ang kaniyang sakit at sa tingin niya ay masasayang lamang ang perang kaniyang gagamitin sa pagpapagamot.

Makalipas ang isang taon ay tuluyan nang iniwan ni Pearl si Armando at ang mga anak nito. Pinag-aral ni Armando ang bunsong anak ni Pearl gamit ang perang inipon nito at patuloy na sinuportahan ang dalawa pang anak nitong ngayon ay labis ang pagsisisi, dahil sa naging paghihirap ng kanilang ina. Ang magagawa na lang nila ngayon ay ayusin ang kanilang buhay at tuparin ang kagustuhan ng kanilang ina para sa kanila, sa tulong ni Armando.

Advertisement