Inday TrendingInday Trending
Kinaiinisan ng Pasikat na Artista ang Kababatang Tawag nang Tawag sa Kaniya; Bandang Huli’y Panghihinayangan Niya Ito

Kinaiinisan ng Pasikat na Artista ang Kababatang Tawag nang Tawag sa Kaniya; Bandang Huli’y Panghihinayangan Niya Ito

Nakapikit pa ang mga mata ni Rachel habang dinadama niya nang matindi ang paglalagay ng kolorete sa kaniyang mukha ng isang kilalang make up artist. Sa wakas kasi ay unti-unti na niyang natutupad ang mga pangarap niya na maging isang ganap na artista. Hindi man kalakihan ang ginampanan niya sa naturang teleserye at iilan lang ang kaniyang eksena ay alam niyang simula na ito ng magandang hinaharap niya sa pinilakang tabing.

Habang nangangarap si Rachel ay patuloy ang pagtunog ng kaniyang selpon. Hindi na nakatiis pa ang make up artist kaya magalang niyang sinabihan ang dalaga.

“Hija, baka gusto mong tingnan ang selpon mo. Baka mamaya ay may importanteng mensahe sa iyo,” saad ng make up artist.

“Ay, opo. Pasensya na po kung naabala kayo sa ginagawa n’yo. Sandali lang po at kukunin ko lang ang telepono ko,” saad naman ni Rachel.

Nagmamadaling kinuha ng dalaga ang kaniyang selpon. Laking dismaya niya nang makita ang mensahe ng kababata at dating matalik na kaibigang si Editha. Imbes na sagutin niya ang mga mensahe nito ay sinara na lang niya ang kaniyang selpon.

“Ayos na ba? Maaari ko na bang ituloy ang ginagawa ko? Baka mamaya kasi ay kunan na ang eksena mo. Ayaw pa naman ni direk na hindi maganda ang rehistro sa kamera,” saad pa ng make up artist.

“Opo, ayos na. Hindi naman masyadong importante ‘yung mga text sa akin. P’wede na po nating ituloy,” saad pa ng dalaga.

Kahit na naiinis si Rachel sa panay na mensahe ng kababata ay nairaos pa rin niya ang araw nang may ngiti sa kaniyang mukha. Talagang abot kamay na niya ang kaniyang mga pangarap. Nagalingan sa kaniya ang direktor at bibigyan pa raw siya ng maraming eksena.

Pag-uwi sa bahay ay agad niyang tinawagan ang kaniyang nobyo upang ikwento ang lahat ng nangyari.

“Ang galing-galing ko raw sabi ni direk! Tuwang-tuwa silang lahat sa akin kanina. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na magiging permanente na ang karakter ko sa serye!” kinikilig na wika ni Rachel.

“Pero muntik nang masira ang araw ko kanina dahil na naman kay Editha! Natatandaan mo ‘yung kapitbahay namin noon na ikinuwento ko sa iyo? Siguro ay nakita niyang artista na ako ngayon kaya panay ang kulit sa akin. Padala nang padala ng text at tawag nang tawag. Nakakaistorbo na!” dagdag pa ng dalaga.

“Bakit kasi hindi mo na lang sinagot para malaman mo kung ano ba talaga ang kailangan niya? Baka mamaya ay nais ka lang talagang kumustahin o ‘di naman kaya ay batiin dahil sa iyong tagumpay,” saad naman ng nobyo.

“Imposibleng kukumustahin lang ako no’n! Siguro ay gusto niya akong utangan o kaya ay hingan ng tulong. Napakahirap ng buhay ng pamilya ng babaeng ‘yun noong araw. Malamang ko ay lalapit lang sa akin para makahuthot ng kahit magkano. Ibahin niya ako, alam ko na ang mga galawang ganyan!” muling sambit ni Rachel.

Kinabukasan ay tumatawag na naman si Editha kay Rachel. Kahit wala naman siyang trabaho ay hindi pa rin niya ito sinagot.

“O, bakit nakabusangot ang mukha mo riyan? Hindi ba’t dapat ay masaya ka dahil babalik ka ulit sa taping?” tanong ng ina ni Rachel.

“Natatandaan mo po ba si Editha? ‘Yung kapitbahay natin noon sa may La Loma. Heto at panay ang text at tawag sa akin. Hindi ko nga alam kung paano nito nalaman ang numero ko. Kapag hindi talaga ako nakapagtimpi ay makakarinig sa akin nang hindi maganda ‘to, e! Alam ko namang may kailangan lang ito sa akin kaya tawag nang tawag!” inis na inis na wika ni Rachel.

“I-block mo na lang kung talagang naiinis ka. Huwag mo nang pansinin at baka mamaya ay makapagsalita ka pa ng masakit. Kumalat pa iyan! Ngayon pa nga lang gumaganda ang karera mo sa pag-aartista,” payo naman ng ina.

Ang akala ni Rachel ay tatantanan na siya ni Editha kapag hindi na niya pinansin pa ang mga tawag at texts nito. Pero nagpadala naman ito ng mensahe sa kaniyang social media account.

“May iaalok siya sa aking deal? At sino naman siya para kausapin ako tungkol sa isang deal. Hindi naman niya kayang magbayad! Sinabi ko na nga ba at may kailangan lang sa akin ang babaeng ito. Baka nais niyang magsimula ng isang pipitsuging negosyo at ako pa ang gagawing model. Tapos ay hindi pa ako babayaran! Kapal talaga ng mukha ng mga oportunista!” sambit ng dalaga sa kaniyang sarili nang mabasa niya ang mensahe ng dating kaibigan.

Maya-maya ay tumawag naman ang manager ni Rachel.

“May maganda akong balita sa iyo. May kumukuhang malaking kompanya sa iyo bilang isang endorser. Napakalaki ng offer. Hindi mo talaga mahihindian! Pero ang maganda pa doon kahit na hindi malaki ang perang ibibigay nila ay panalo ka na kasi malaki at kilalang-kilalang kompanya ito!” masayang-masayang wika ng manager.

“Mabuti naman at may magandang balita! Muntik na naman kasing masira ang araw ko. Kailan daw po ang contract signing? Hindi na ako makapaghintay na makita ang mukha ko sa mga billboard sa EDSA!” sambit naman ni Rachel.

“Bukas na bukas daw. Kaya magpahinga ka at magpaganda! Kailangan ay ma-impress ulit natin sila nang sa gayon ay tuloy-tuloy na ang pag-asenso nating dalawa!” wika pa ng manager.

Halos hindi makatulog si Rachel sa labis na pagkasabik.

Kinabukasan ay nagtungo sila ng kaniyang manager sa tanggapan ng kompanya para sa pumirma ng kontrata.

“Napakalaking kompanya nga nito. Sana’y isa lang ito sa maraming proyekto na pagsasamahan namin!” wika ni Rachel.

“Kaya galingan mo! Kailangan ay mapahanga mo silang lahat! Ngayon pa lang ay binabati na kita dahil sigurado na ang pagsikat mo!” saad naman ng manager.

Habang papasok sa gusali ay narinig ni Rachel na may tumatawag sa kaniya. Paglingon niya ay nakita niya si Editha.

“Bakit hindi mo naman sinasagot ang mga tawag ko? Pasensya ka na kung nakukulitan ka sa akin. Gusto lang talaga kitang makausap kasi may inihanda nga akong –” hindi pa man tapos sa pagsasalita si Editha ay pinutol na siya ni Rachel.

“Wala akong panahon sa iyo, Editha. Hindi ka ba nakakahalata? Hindi ko na nga sinasagot ang mga tawag mo, ‘di ba? Bakit panay pa rin ang tawag mo sa akin? Nakakaistorbo ka na!” sambit ni Rachel.

“H-hindi mo naiintindihan, Rachel, may nais lang sana akong –” patuloy sa pagpapaliwanag si Editha pero ayaw siyang pakinggan ng dating kaibigan.

“Tumigil ka na, Editha. Kilala ko ang mga gaya mo! Gusto mo lang namang masabi na may kaibigan kang artista. Gusto mong gamitin ang kasikatan ko! Oportunista ka! Tigilan mo na ako at wala kang mapapala sa akin! Saka kahit kailan naman ay hindi kita tinuring na kaibigan. Ikaw lang naman itong nagpipilit na matalik tayong magkaibigan! Umalis ka na at may meeting pa kami sa gusaling ito!” pananaboy pa ng dalaga.

Nalungkot si Editha sa mga sinabing ito ni Rachel.

Maya-maya ay may isang babaeng nagmamadali patungo kina Rachel at kaniyang manager. Buong akala nila ay sila ang sinasalubong nito. Nagulat sila nang lapitan ng babae si Editha.

“Madam, pasensya na po at hindi pa rin nakikita kung sino ang nagpark sa espasyo na para sa inyo. Halina po at nasa conference room na ang ibang mga managers,” sambit ng babae.

Nagtaka nang husto si Rachel sa sinabi ng babae.

“B-bakit ka tinatawag na ma’am ng babaeng ito? A-ano ka ba rito, Editha?” tanong ni Rachel.

Sasagot na sana si Editha nang ang assistant na niya ang sumagot para sa kaniya.

“Magkakilala po ba kayo ni Madam? Siya po ang may-ari ng kompanyang ito. Sila po ng asawa niya,” tugon ng assistant.

“Ngayon po ay nauunawaan ko na kung bakit pinipilit n’yong si Rachel ang kunin nating model kahit na hindi pa naman siya sikat. Siya pala ang kinukwento n’yo sa aking matalik na kaibigan ninyo,” dagdag pa nito.

Nanlaki ang mga mata ni Rachel. Hindi niya akalain na si Editha pala ang may kagagawan ng lahat ng ito kaya siya ang napiling modelo ng naturang kompanya.

“Pakisabi sa mga managers na hindi na tuloy ang contract signing. Nagkamali ako ng Rachel na natawag. Ihingi mo rin ako ng pasensya sa kanila kung nilaban ko masyado ang proyektong ito kahit ayaw nila sa artistang ito. Pakisabi rin sa kanila na tama ang kanilang naging desisyon. Parang mag-uubos nga lang ang kompanya ng pera kung siya ang kukuning modelo. Pakitawagan mo na lang si ulit ang manager ni Maricar Chavez. Siya na muli ang mag-e-endorso ng mga bago nating produkto,” utos pa ni Editha sa kaniyang assistant.

Nakikipag-areglo ang manager kay Editha ngunit narinig na niya ang lahat ng kailangan niyang marinig.

“Sayang lang, Rachel, dahil wala naman akong hangad kung hindi makatulong lang sa iyong karera bilang artista. Alam ko kasing maraming artista at modelo ang nagkakandarapa makuha lang namin sila. Ginagawa ko ito dahil ang turing ko sa iyo ay isang matalik na kaibigan. Mabuti na lang at pinakita mo sa akin ang tunay mong anyo. Good luck na lang sa iyong career,” saad muli ni Editha at tuluyan na niyang tinalikuran ang dalawa.

Labis na panghihinayang ang nararamdaman ni Rachel lalo na ng kaniyang manager.

Ang masaklap pa doon ay mabilis na kumalat ang balitang ito dahil marami ang nakarinig ng pang-aalipustang ginawa nito kay Editha.

Dahil dito ay maraming kompanya ang ayaw siyang kunin. Natapos na rin ang kaniyang mga eksena sa teleserye.

Sa isang iglap ay bigla na lang naglaho ang karera ni Rachel sa pag-aartista. Iyon ay dahil mabilis na lumaki ang kaniyang ulo at mabilis siyang nanghusga sa kaniyang kapwa.

Advertisement