Hindi Naniniwala ang Doktor sa Diyos; Kapangyarihan ng Panalangin ang Magdadala sa Kaniya sa Mas Malaking Tagumpay
Abala sa pag-iimpake ang batikang doktor na si Henry. Sa hindi na kasi mabilang na pagkakataon ay bibigyan na naman siya ng parangal. Ngunit mas espesyal ang parangal na ito dahil gaganapin ito sa ibang bansa at isa ito sa pinakamataas na pagkilala sa larangan ng medisina. Malaki kasi ang naging kontribusyon niya upang masugpo ang isang uri ng sakit.
“Ang galing talaga ng Diyos, anak, at Siya ang naging daan sa parangal na ito. Binigyan Ka niya ng talino at kalakasan. Kaya huwag mong kalilimutan ang magdasal palagi,” saad ng ina ng doktor.
“‘Ma, alam n’yo naman kung ano ang posisyon ko sa tungkol sa Diyos at relihiyon. Para sa akin ay hindi totoo ang lahat ng iyan. Ang lahat ng ito ay hindi ko nakamit nang dahil lang sa mga panalangin. Pinagsikapan ko ang lahat ng ito. Binuhos ko ang lahat ng oras ko rito kaya huwag n’yong sabihin na Diyos ang may gawa nito,” saad pa ni Henry.
“Anak, huwag kang magsalita ng ganiyan. Lahat ng nangyayari sa buhay natin ay inadya ng Panginoon. Kahit hindi ka naniniwala ay parati ko pa ring ipagdarasal ang iyong kaligtasan,” dagdag pa ng matandang ina.
Handa na sana ang lahat sa pag-alis ni Henry ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng isang matinding bagyo.
“Ngayon pa talaga bumagyo kung kailan may nakatakda akong alis!” naiinis na wika ng doktor.
“Ang sabi sa telebisyon ay kinansela na raw ang lahat ng byahe sa mga paliparan. Anak, huwag ka nang tumuloy. Baka hindi rin tuloy ang pagtitipon na dadaluhan mo,” wika ng ina.
“Hindi maaari ‘ma! Malaking bagay ito para sa akin. At tutuloy ang parangal kahit wala ako. Isang beses lang sa buhay ko ito mangyayari. Gagawa ako ng paraan para makaalis!” dagdag pa ng ginoo.
Kahit masama ang panahon ay nagpumilit pa rin si Dok Henry na umalis. Hindi nga naman niya kayang palagpasin ang pagkakataon na mabigyan siya ng isang prestihiyosong parangal.
Pagdating niya sa paliparan ay nagkakagulo ang lahat dahil sa mga kanseladong flight.
Alam ni Henry na mag-aaksaya lang siya ng oras kung makikipagtalo pa siya.
“May iba bang daan para makarating ako sa aking pupuntahan?” tanong ni Henry.
“Maaari po kayong sumakay ng bus patungo sa paliparan sa norte kung saan walang bagyo. Pagkatapos po ay doon na lang kayo bumili ng tiket papunta sa bansang nais niyong puntahan. Baka kasi abutin pa ng tatlong araw ang bagyo. Wala po tayong magagawa kung hindi ihinto ang lahat ng lipad ng eroplano rito,” saad naman ng isang empleyado.
Gamit ang kaniyang sasakyan ay nagmaneho si Doc Henry patungong norte. Aabutin rin siya ng labindalawang oras na byahe pero ayos na iyon dahil aabot siya sa dadaluhan niyang parangal.
Mag-isang binagtas ni Dok Henry ang daan patungong Norte. Malakas pa rin ang hangin at ulan. Sa tindi ng bagyo ay wala na siyang makita pa. Inabutan na siya ng hatinggabi sa daan at wala pang signal ang kaniyang telepono.
Inis na inis ang doktor sa panghihinayang na baka hindi na siya makapunta pa sa pagtitipon.
“Dahil ba hindi ako naniniwala sa Iyo ay ganito na ang gagawin mo sa akin? Anong klaseng Diyos ka? Bakit hindi Mo na lang ako hayaan sa paniniwala ko? Sumasagip rin naman ako ng buhay ng mga tao!” sambit ni Henry habang nakatingin sa langit.
Sa hindi kalayuan ay nakakita siya ng liwanag. Tinunton niya iyon at doon nga ay nakakita siya ng isang bahay.
Dali-dali siyang lumabas ng sasakyan upang puntahan ang naturang bahay upang magtanong. Ilang sandali rin siyang kumatok sa pinto saka siya pinagbuksan ng isang ginang.
“Paumanhin pero maaari mo bang sabihin sa akin ang tamang daan papunta sa norte? Sa tingin ko kasi ay nawawala ako. Wala pang signal ang aking telepono,” bungad ng doktor.
“Pumasok muna po kayo upang hindi kayo mabasa ng ulan,” saad pa ng ginang.
Tumuloy si Henry sa barung-barong ng ginang. Doon ay nakita niya ang isang batang nakahiga sa papag.
Ipinaghanda naman ng ginang itong si Henry ng mainit na tsaa.
“Sa tingin ko po ay kailangan n’yo nang pagpaumaga rito. Ilang saglit na lang naman ay huhupa na rin ang bagyo. Delikado po kung ipipilit n’yo pa ang pagbiyahe dahil madilim ang daan,” dagdag pa ng ginang.
“Ginoo, sandali lamang at ipaghahanda kita ng makakain. Ngunit kailangan ko munang tapusin ang aking pagdarasal. Kung gusto mo ay samahan mo akong manalangin,” wika pa ng babae.
Hindi na pinaunlakan ni Henry ang paanyaya ng ginang na manalangin. Hinintay na lang niya ito matapos habang pilit niyang hinahanapan ng signal ang kaniyang telepono.
“Sa tingin ko po ay may importante kayong lakad. Hindi naman kayo susuong sa bagyong ito kung hindi importante,” wika ng ginang.
“Oo, may importante nga akong lakad. Siya nga pala, anak mo ba ang batang iyan? Maaari ko bang malaman kung ano ang mga ibinibulong mo sa kaniya. Huwag mong masamain at medyo kinikilabutan lang kasi ako,” deretsahang sambit ni Henry.
“Opo, anak ko po ang batang iyan. May malubha kasi siyang karamdaman. Ibinubulong ko rin sa kaniya ang panalangin ko sa Diyos. Dahil sa kahirapan ay hindi ko man lamang siya magawang ipasuri at ipagamot. Ang sabi noon sa akin ng mga doktor ay may malubha siyang karamdaman. At tanging ang isang batikang doktor lamang ang makakapagpagaling sa kaniya. Ang sabi nila ay ito raw ang dalubhasa sa ganitong sakit. Pero paano ko naman magagawang makalapit sa isang batikang doktor? Ni hindi nga kami makaalis sa bahay na ito dahil salat kami sa buhay!” naiiyak na pahayag ng ginang.
“Maaari ko bang malaman kung ano ang pangalan ng batikang doktor na nais mong makausap?” usisa pa ni Henry.
“Dok Henry Martinez po ang pangalan niya. Kilala siyang doktor dahil siya ang nakatuklas ng gamot para sa sakit ng aking anak. Matagal ko nang hinihiling sa Diyos na sana’y isang araw ay bigyan naman Niya kami ng pagkakataon kahit man lang makausap ko ang doktor na ‘yun. Nang sa gayon ay kahit kapiranggot na pag-asa ay mabigyan ako upang dugtungan ang buhay ng aking anak,” hindi na naiwasan pa ng ginang ang maluha.
Napailing na lang si Henry. Kahit siya ay hindi makapaniwala sa pangyayaring ito. Inadya nga kaya ng Diyos ang pagkakataong ito nang sa gayon ay makadaupang palad niya ang mag-inang ito?
“Ginang, huwag ka nang mag-alala pa. Dininig na ng Diyos ang iyong dalangin. Ako si Dok Henry Martinez. Papunta sana ako sa norte upang doon sumakay ng eroplano papuntang ibang bansa kung saan ako’y tatanggap ng isang parangal para sa pag-aaral ng isang malubhang karamdaman. Bukas na bukas ay dadalhin natin ang anak mo sa ospital upang masuri ko siya nang maigi. Huwag kang mag-aalala at gagawin ko ang lahat upang madugtungan ang kaniyang buhay,” wika pa ng doktor.
Napaluhod na lang sa labis na pasasalamat ang ginang.
“Maraming salamat sa Diyos! Maraming salamat po!” patuloy na sambit ng babae.
Kinabukasan ay agad na tinupad ni Henry ang kaniyang pangako sa mag-ina. Pumunta sila ng ospital upang masuri niya ang bata. Tinulungan niya ito para sa agaran nitong pagpapagaling.
Hindi na nakadalo pa si Henry sa naturang pagtitipon kung saan siya paparangalan. Ngunit nang malaman ng lahat ng doktor ang nangyari ay lalo pa siyang hinangaan. Dahil dito ay mas maraming parangal pa ang ibinigay sa kaniya.
“Dati ay hindi ako naniniwala sa Diyos at pagdarasal. Pero sa tingin ko ay tama ang aking ina. Ang Diyos ang nagbigay sa akin ng kakahayang ito upang manggamot ng mga tao. At ibinabalik ko sa Kaniya ang lahat ng papuri at pagpapasalamat,” wika ni Henry sa talumpati nang siya ay tumanggap ng parangal.
Simula noon ay nagbago na ang pananaw ni Henry. Sa paglapit niya sa Diyos ay mas marami pa siyang taong natulungan at napagaling.