Inday TrendingInday Trending
Labis ang Ligaya ng Mag-Asawa nang Malamang Magkakaanak na Sila; Magbabago Ito nang Makita Nila ang Sanggol

Labis ang Ligaya ng Mag-Asawa nang Malamang Magkakaanak na Sila; Magbabago Ito nang Makita Nila ang Sanggol

Magkahalong kaba at kilig ang nararamdaman ni Lucille habang hinihintay niya ang resulta ng kaniyang pregnancy test. Isang linggo na rin siyang hindi dinadatnan at sa pagkakataong ito ay malakas ang kaniyang kutob na may laman na ang kaniyang sinapupunan.

Ilang taon na rin kasi silang sumusubok na magkaroon ng anak ng asawa niyang si Bert. Alam niya rin kung gaano ang pagnanais nito na makabuo na ng isang pamilya.

Pinintahan ni Lucille ang pagtingin sa kaniyang pregnancy test. Napalitan ang ngiti sa kaniyang mga mukha nang makita niyang iisa lamang ang guhit. Napabuntong hininga na lang siya at nalumbay. Mabibigo na naman ang kaniyang asawa.

Paglabas niya ng banyo ay naghihintay si Bert.

“Ano ang resulta? Buntis ka na ba?” sabik na ang mister na malaman ang kasagutan.

“Pasensya ka na, mahal. Mali ang akala ko. H-hindi pa rin ako buntis, e. Nawawalan na ako ng pag-asa na magkakaroon pa tayo ng anak. Patawarin mo ako kung may malaki akong pagkukulang sa iyo. Hindi ko man lang magawa ang tungkulin ko bilang misis mo,” naiiyak na sambit naman ng ginang.

“Huwag kang mag-alala, Lucille. Hindi naman magbabago ang pagtingin ko sa iyo, e. Kung hindi man tayo magkakaanak ay ayos lang sa akin. Ang mahalaga ay magkasama tayo. Ibibigay rin ng Diyos ang anak natin sa tamang pagkakataon,” wika naman ni Bert.

Niyakap na lang ng ginoo ang kaniyang asawa upang kalamayin ang kalooban nito. Ngunit simula nang araw na iyon ay nag-iba na si Lucille. Palagi itong matamlay at malungkot.

“Mahal, huwag mo nang dibdibin ang nangyari. Ayos lang talaga sa akin kung hindi tayo magkakaanak. Mahal naman kita kahit ano’ng mangyari. Huwag ka nang malungkot at makakasama pa ‘yan sa kalusugan mo, e,” wika ni Bert sa kaniyang asawa.

“Pasensya ka na sa akin, mahal. Pero parang ang bigat kasi talaga ng katawan ko. Naiisip ko na parang wala akong silbi dahil hindi kita mabigyan ng anak. Anim na taon na tayong sumusubok pero hanggang ngayon ay wala pa rin. Hindi ko alam kung bakit napakalakas ng kutob ko na magkakaanak na tayo. Siguro ay sobra na kasi akong umaasa na makabuo tayo ng pamilya,” naluluhang wika naman ni Lucille.

“May anak man o wala ay pamilya pa rin tayo, Lucille. Bumangon ka na riyan at huwag ka nang malumbay. Naghanda ako ng paborito mong pasta. Tara at sasabayan kitang kumain para naman bumuti na ang pakiramdam mo,” pahayag muli ng ginoo.

Ngunit wala talagang ganang kumain itong si Lucille. Isang subo pa lamang ay nasusuka na siya agad gayong paborito niya ang pagkain.

“Gusto ko lang munang matulog, mahal. Masama talaga ang pakiramdam ko. Parang nahihilo rin ako at masakit ang aking ulo,” saad muli ng ginang.

Kinabukasan ay nagising itong si Lucille nang masama muli ang pakiramdam. Diretso siya sa palikuran upang sumuka.

“Ayos ka lang ba, mahal? Gusto mo bang dalhin kita sa ospital upang masuri. Napapadalas ang pagsama ng pakiramdam mo, a,” pag-aalala ni Bert.Dahil hindi na nga makayanan ni Lucille ang pagsusuka at labis na hilo ay agad siyang nagpadala sa ospital.

“Binabati namin kayong mag-asawa. Magkakaroon na po kayo ng anak. Buntis po si misis!” masayang saad ng doktor.

Hindi makapaniwala ang mag-asawa dahil sa tagal ng kanilang paghihintay ay nawawalan na sila ng pag-asa, ngunit ngayon pa nila nalaman na natupad na ang kanilang hiling.

“Totoo po ba ito? Ngunit paano pong nangyari? Nag-pregnancy test po ako noong isang araw ngunit negatibo naman ang lumabas,” pagtataka ni Lucille.

“Marahil ay masyado pang maaga. Mahina pa ang hormones mo kaya hindi pa makumpirma ng pregnancy test. Pero sigurado ako na buntis ka ngayon! Binabati ko kayo!” sagot pa ng doktora.

Walang pagsidlan ang kaligayahan ng mag-asawa. Hindi na sila makapaghintay na tuluyang makita ang kanilang anak.

“Ano ba ang gusto mong panganay? Lalaki o babae? Sana ay lalaki para isusunod ko sa kaniya ang aking pangalan,” wika ni Bert.

“Naku, huwag mo namang pahirapan ang anak natin dahil hindi naman kagandahan ang pangalan mo! Ang gusto ko naman ay babae para malambing at p’wedeng ayusan,” sambit naman ng ginang.

“Biro lang, mahal. Kahit anong kasarian basta malusog. Ano man ang ibigay ng Diyos sa atin ay maluwag kong tatanggapin,” muling saad ng mister.

Sa loob ng ilang buwan ay naging doble ang pag-aalaga ni Bert sa kaniyang misis. Sinisigurado niyang nakakakuha ito ng wastong nutrisyon at hindi ito napapagod sa mga gawaing bahay. Kompleto rin ang check up nito at laging umiinom ng mga bitamina.

Lumipas ang siyam na buwan at malapit nang manganak itong si Lucille.

Isang gabi ay bigla na lang pumutok ang panubigan nito. Dali-daling dinala ni Bert ang asawa sa hospital upang tuluyang makapanganak.

Hindi matigil ang pagdarasal ni Bert habang hinihintay ang asawang nasa silid-paanakan.

“Hintayin n’yo na lang po siya sa silid. Kailangan po siyang operahan dahil hindi po talaga mailabas ang sanggol,” saad ng doktor.

Ilang oras ding naghintay itong si Bert sa silid. Hindi siya mapakali hanggang hindi natatapos ang operasyon.

Samantala, pilit namang nilalabanan ni Lucille ang gamot na pampatulog upang makita niya agad ang anak pagkalabas sa kaniyang sinapupunan.

Ngunit nang ilapit ang sanggol sa kaniya ay napansin niyang may mali sa mga braso nito.

“Dok, bakit ganyan po ang mga braso niya? Bakit hindi po normal tulad ng ibang bata?” pag-aalala ni Lucille.

“Ginang, kailangan pa po naming suriin ang sanggol bago po namin malaman kung ano ba talaga ang dahilan nito. Sa ngayon po ay magpahinga muna kayo. Kami na ang bahala sa kaniya,” pahayag pa ng doktor.

Nawalan na ng malay itong si Lucille sa pagkakataon na iyon. Paggising niya ay nasa silid siya at hawak ng asawa ang kaniyang kamay.

“Kumusta ang pakiramdam mo, mahal? Ayos ka lang ba? Kumusta raw ang anak natin? Nakita mo na ba siya? Kamukha ko ba?” sunod-sunod na tanong ni Bert.

Hindi na napigilan ni Lucille ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Batid niyang mabibigo na naman itong si Bert kapag nakita nito ang kanilang anak na may kapansanan.

Ilang sandali pa ay nariyan na ang mga doktor. Pinilit ni Lucille na bumangon upang ibigay sa kaniya ang sanggol.

“Akin na po ang anak ko, dok. Nais ko pong ako na ang magpakita sa kaniya sa asawa ko,” pakiusap ng ginang.

Pinagbigyan naman siya ng doktor. Maingat na iniabot nito ang sanggol kay Lucille.

Bahagyang idinikit ni Lucille ang kaniyang pisngi sa anak. Napapikit siya at napaluha. Pagkatapos ay dahan-dahan niyang tinanggal ang nakabalot na kumot sa sanggol upang ipakita sa kaniyang asawa.

“Mahal, may kapansanan ang anak natin. Ipapaliwanag na lang raw ng doktor sa atin kung paano ito nangyari,” patuloy sa pag-iyak ang ginang.

Sandaling pinakatitigan ni Bert ang kaniyang anak. Hindi rin niya naiwasan ang maluha nang makita niya ang kalagayan ng sanggol.

“Nagsisisi ka ba, mahal, kung bakit ganito ang kalagayan niya? Patawarin mo ako kung kasalanan ko ang lahat. Ginawa ko naman ang lahat para dalhin siya nang maayos.”

“Huwag kang humingi ng tawad sa akin, mahal. Hindi ko lang alam ang sasabihin ko dahil sobrang ganda niya. Alam talaga ng Diyos kung ano ang ibibigay niya sa atin. Marahil ay sa atin siya ibinigay dahil alam niyang kaya natin siyang alagaan at mahalin sa kabila ng kaniyang kapansanan,” lumuluhang saad ni Bert.

“Anak, hayaan mo at narito lang lagi si papa para sa iyo. Hinding-hindi kita pababayaan at hinding-hindi ko hahayaan na masaktan ka. Kami ni mommy ang bahala sa iyo!” wika ni Bert sa anak habang buhat niya ito.

Sa pagkakataong iyon ay lalong naluha si Lucille. Lalo niyang minahal si Bert dahil sa ginawa nitong pagtanggap sa kanilang anak.

Kahit naman hindi normal ang mga braso ng bata ay malusog pa rin naman ito ayon sa mga doktor. Kailangan lang nitong alalayan sa kaniyang paglaki. May mga therapy naman na maaaring gawin upang makapamuhay ito nang normal.

Ngunit habang bata pa ito ay si Bert at Lucille muna ang magsisilbi niyang lakas. Lalong pinatatag ng kapansanan ng kanilang anak ang pagsasama ng dalawa.

Ngayon ay masaya na ang mag-anak dahil sa wakas ay kumpleto na silang pamilya.

Advertisement