Inday TrendingInday Trending
Buong Akala ng Babae ay Walang Hanggang Pag-ibig na ang Mayroon Sila ng Lalaking Minamahal; Hanggang sa Makita Niya ang Totoong Hirap ng Buhay

Buong Akala ng Babae ay Walang Hanggang Pag-ibig na ang Mayroon Sila ng Lalaking Minamahal; Hanggang sa Makita Niya ang Totoong Hirap ng Buhay

Dumaan na naman ang buong araw sa buhay ng dalagitang si Paula na sumasakit ang ulo dahil sa sobrang dami ng sinagutang modyul. Kailangan na kasing ipasa ang mga ito kinabukasan kung kaya’t pilit niyang tinapos ang tambak na mga gawain. Samantala, suportado naman siya ng kaniyang mga magulang na abala sa pagtatrabaho. Nang gabi ring iyon, maaga siyang nagpahinga dahil maaga niyang ipapasa ang kaniyang mga modyul sa iskul.

Kinaumagahan, hindi pa man putok ang araw, mabilis na naligo’t nagpaganda si Paula. Suot niya’y maikling palda at kamiseta na kakapadala lamang galing sa isang online na tindahan. Matapos ang pag-aayos, kinuha niya ang perang ibinigay ng kaniyang ama bilang premyo sa kaniyang kasipagan.

Pagkalipas ng isang oras, nakipagkita si Paula sa kaniyang kaibigan upang ito na raw ang magpasa ng kaniyang mga modyul dahil may iba pa siyang lakad.

“Oy, sis, ikaw na ang bahala diyan! Ipasa mo ‘yan kay mam ha?” huling sambit nito at pagkatapos ay sumakay muli ng pampasaherong bus.

Tumigil ang bus sa isang malaking mall, pagkababa mula sa sasakyan, tinanaw ni Paula ang mga taong nasa harapan ng mall. Nang mapansin na naroon na si Raul, kaagad siyang ngumiti at tumakbo papalapit sa lalaking mahigit dalawampung taong gulang na.

“Namiss kita nang sobra, sobra, sobra!” aniya sa nobyo.

“Ako rin naman, halika nga dito at payakap ako!” tugon naman nito.

Buong araw ang inilaan ni Paula upang makasama lamang ang kaniyang nobyo na abala sa pagtatrabaho. Isang taon mahigit na rin niya itong ginagawa at sanay na ang kaniyang mga magulang na gumagala siya paminsan minsan. Iyon nga lamang, dahil ang alam ng mga ito ay namamasyal siya sa mall kasama ang mga kaklase.

Matapos nilang kumain ng tanghalian, agad silang pupunta sa nirerentahang bahay ni Raul at doon magpapalipas ng oras. Sa araw na iyon, umulan nang malakas kung kaya’t kahit gustong umuwi ni Paula, hindi niya magawa-gawa ng baha sa kalsada. Ang isa pa, delikado na rin sa labas.

“’Ma, hindi muna po ako uuwi, kasama ko dito si Cassandra. Dito muna po ako, ang lakas kasi ng ulan,” paalam ng dalagita sa kaniyang ina na pumayag naman.

“Ayos lang ba sa nanay niya? Sige anak, mag-iingat ka, bukas ka na umuwi para ligtas kang makabiyahe,” tugon naman nito habang nag-aalala sa anak.

Laking tuwa naman ni Paula dahil makakasama pa niya nang mas matagal si Raul. Halos hindi natulog ang dalawa at magdamag na nanood ng mga pelikula’t nagkwentuhan. Ganito ang buhay na nais mangyari ni Paula sa kanilang hinaharap, at hindi na siya makapaghintay pa sa panahong iyon.

Kinabukasan, dahil malinaw na ang kalangitan at hupa na ang baha, bumiyahe pabalik ng kanilang bahay si Paula. Sa kanilang tahanan, para bang walang nangyari sa kaniya at nagkunwari pang busog dahil marami raw pinakain sa kaniya ang mga magulang ni Cassandra na kaniyang kaklase.

Muling bumalik ang araw-araw na ginagawa ni Paula habang naghihintay ng araw kung kailan niya ulit makakasama si Raul. Siya ang kauna-unahang nobyo ni Paula, kung kaya’t hindi siya papayag na hindi ito ang makatuluyan niya sa hinaharap. Subalit unti-unti niyang naramdaman ang nanlalamig na pakikitungo ng nobyo sa kaniya.

Lumipas ang dalawang buwan, gabi gabing iniiyakan ni Paula ang nobyo para lamang huwag siyang iwan nito. Marami kasi itong mga dinadahilan para lamang maghiwalay sila. Ngunit pilit man niyang ayusin ang kaniyang ugali at pakikitungo sa lalaki, patuloy itong naghahanap ng butas upang mag-away sila. Hanggang sa isang araw na nalaman ni Paula ang kaniyang mas mahirap na sitwasyon.

Dahil ilang araw na rin siyang naduduwal at nahihilo, minabuti niyang suriin ang sarili kung totoo nga ang kaniyang nasa isip. Subalit nagulantang siya nang malaman niyang siya nga ay nagdadalantao. Magkahalong kaba at takot ang unang naramdaman ng disi otso anyos na dalaga. Subalit pagkalipas lamang ng isang araw, naging desidido siyang sumama na lamang kay Raul at magsama na sila bilang mag-asawa.

“Tsk. Sinabi na kasi sa’yo dapat nag-iingat tayo!” galit ang natanggap ni Paula mula sa kaniyang nobyo. Ngunit sa dulo ay inanyayahan nito ang dalaga na sumama sa bahay nito. Doon nila napagkasunduan na magtanan dahil hindi papayag ang mga magulang ni Paula.

Lumipas pa ang ilang linggo at tuluyan na ngang nangyari ang kanilang plano. Bitbit ni Paula ang kaniyang mga damit nang siya ay makikipagkita sa kaniyang nobyo. Malaking ngiti ang kaniyang ipinakita nang makita ang lalaking pinakamamahal na kumakaway sa kabilang dulo ng kalye.

“Hintayin mo ako diyan para ako na ang magdala ng mga gamit mo,” nakangiting sambit nito sa dalagita.

Hindi na makapaghintay pa si Raul at tumakbo ito nang mabilis upang tumawid. Ngunit kitang kita mismo ng dalawang mga mata ni Paula kung paano tumalsik ang katawan ng kaniyang mahal na kasintahan matapos nitong mabangga ng rumaragasang bus.

Agad na itinakbo sa ospital si Raul na idineklara nang nag-aagaw buhay noong ito ay makarating doon. Hindi naman mapatid ang luha ni Paula habang hawak ang kamay ng lalaki. Ilang minuto laamng ang lumipas, ibinalita na ng doktor na wala nang buhay ang lalaki.

Ilang sandali pa, isang babae ang dumating sa ospital at hinahanap ang pangalan ni Raul. Nagtaka si Paula at sinundan ang babae na nagtungo sa silid kung nasaan naroon ang katawang ng lalaki. Laking gulat niya nang tawagin itong asawa ng babaeng iyon.

Hindi makapaniwala si Paula sa lahat ng nangyari sa kaniya. Isang taon na pala siya nitong niloloko at hinayaan niya namang mangyari iyon. Umuwing lumuluha si Paula kung saan nakita niya sa sala, pagkabukas ng pinto, ang kaniyang mga magulang.

Wala siyang masambit ni isang salita at patuloy na lumuha sa bisig ng kaniyang ama’t ina.

“Patawad po, patawad, mama at papa!” paulit ulit na pagsambit niya.

Nagpatuloy si Paula sa pagharap ng kaniyang buhay matapos siyang tanggapin muli ng kaniyang mga magulang. Natutuhan ni Paula na ang pag-ibig na walang basbas ng magulang ay kadalasang hindi totoo – kahit pa nga ito ang kaniyang unang dakilang pag-ibig.

Advertisement