Bunga ang Babae ng Pananamantala Kung Kaya’t Galit sa Kaniya ang Ina; Sa Kaniyang Pagtanda, Paano Kaya Siya Magmamahal Kung Walang Nagturo Nito?
“Anong oras na, Jemma!” malakas na sigaw ni Del sa kaniyang anak nang makita itong lumagpas ng sampung minuto sa kaniyang oras ng pag-uwi.
“Nagpatulong po kasi si Aling Pilar, ‘nay…” mahinang tugon ng dalaga. Subalit hindi siya pinakinggan ng ina na walang tigil siyang pinaghahampas ng walis tambong hawak nito.
Sa edad na labing walo, sanay na sa pisikal na palo at pananakit si Jemma. Simula pa lang kasi noong siya ay bata pa, malamig na ang pakikitungo sa kaniya ng ina dahil bunga raw siya ng madilim na nakaraan nito. May pagkakataon din na tinanong niya ang ina subalit lalo lamang itong nagalit sa kaniya at pinagmumura siya. Lumaki si Jemma na ang tingin sa sarili ay walang ina at amang nag-aruga.
Nang tumuntong si Jemma sa kolehiyo, matiyaga niyang sinusulit ang mga oras na pwede siyang makalabas. Pinasok niya ang paghuhugas ng plato, pagiging tindera pati na pagpapabayad sa tuwing sasagutan niya ang mga pagsusulit ng kaniyang mga kaklase. Lahat ng mga ito ay ginagawa niya lingid sa kaalaman ng kaniyang ama’t ina na walang pakialam sa kaniya.
Isang gabi, habang nagpapahinga si Jemma sa kaniyang silid matapos ang tambak na nilabhan niya, malakas na kalabog ang siyang bumukas sa kaniyang pinto na kaniyang ikinagulat. Naroon ang kaniyang ina na galit na galit.
“Hoy, ikaw babae ka! May pera ka? May pera ka, ano?! Sinabi sa akin ni Aling Pilar na marami kang raket! Amina ‘yan lahat! Lahat! Wala ka na ngang kwenta hindi ka pa namimigay ng pera mo. Napakasalot mo talagang malas ka!” kinuha ng kaniyang ina ang mga pera na natagpuan nito sa kaniyang wallet at mabilis na lumabas ng silid.
Naiwang luhaan ang dalaga habang nakaupo sa gilid ng kaniyang kama. Kinuha niya ang garapon niya kung saan niya itinatago ang mga iniipon niyang pera. Binilang niya ito at pumatak ito ng ilang libong piso rin. Noong gabing iyon, nagpasiya si Jemma na umalis na dahil sobra na ang natatanggap niyang pananakit mula sa ina’t ama.
Bitbit ang garapon ng pera at isang malaking maleta, lumayas si Jemma sa kanilang bahay habang malalim pa ang gabi. Nagdesisyon siyang magpakalayo-layo kung kaya’t sa malayong bayan siya napadadpad. Naghanap ng mauupahang bahay pati na trabaho ang unang ginawa ni Jemma na agad naman niyang nakuha dahil sa kaniyang talino.
Kumayod si Jemma upang masuportahan ang sarili niyang gastos. Walang araw ang lumipas na hindi napaluha si Jemma dahil nasasabik siyang makita muli ang ina. Kahit na hindi niya naramdaman ang pagmamahal nito, sa kailaliman ng kaniyang puso, mahal na mahal niya ang ina.
Pagkalipas ng mahigit isang taon, sanay na sa buhay mag-isa si Jemma. Dahil sa labis na kasipagan, naging regular siya sa opisina na kaniyang pinapasukan. Subalit kahit na matagal na siya roon, wala siyang malapit na kaibigan.
Hanggang isang araw, nakilala ni Jemma si Paul na siyang unang nagpakilig sa kaniya. Gamit lamang ang mga rosas at tsokolate, tuluyan na nga silang naging magkasintahan. Bawat araw ay ramdam ni Jemma ang pagmamahal na hindi niya naramdaman noon.
Pagkaraan ng halos anim na buwan, nagpasiya nang magsama ni Jemma at Paul dahil pareho naman ang kumpanya na kanilang pinapasukan. Naging maayos ang kanilang pagsasama. Marami silang naipundar na mga gamit sa bahay hanggang sa lumipat sila sa mas maayos at mas malawak na bahay.
Ilang buwan pa ang nagdaan, isang gabi, umuwing lasing na lasing si Paul na labis na ikinagalit ni Jemma.
“Ano ba naman ‘yang ginagawa mo sa buhay mo, Paul? Ano ba’ng problema mo at ayaw mo man lang sabihin sa akin?” aniya sa kinakasama.
“Ikaw, ikaw lang naman problema ko! Hindi ko man lang maramdaman na mahal mo talaga ako! Ang lamig mo lagi makitungo sa akin. Kulang ba ako? Kulang ba?!” umiiyak na sagot naman ni Paul sa kaniya. Hindi na nakasagot si Jemma dahil sa kaniyang mga narinig.
Kinabukasan, hindi mapigilan ni Jemma ang isipin ang mga salitang binanggit sa kaniya ng kaniyang kinakasama. Doon siya napaisip kung totoo nga bang mahal niya si Paul o sadyang gusto lamang niya itong kasama dahil siya ay mag-isa sa buhay?
Patuloy na nagsama ang dalawa subalit sa pagkakataong ito, mas naramdaman ni Jemma na hindi nga pagmamahal ang kaniyang nararamdaman para sa kasintahan. Hindi rin nagtagal, inamin niya ito kay Paul na tinanggap naman ang desisyon niyang maghiwalay na sila.
Muling nabuhay na mag-isa si Jemma na walang kasama sa kaniyang buhay. Nabalitaan niyang sumampa na ng barko si Paul na ikinasaya naman niya. Ngunit naiwan siyang mag-isa na hindi alam ang gagawin sa buhay.
Pagkalipas ng tatlong buwan, natagpuang walang malay si Jemma sa kaniyang opisina. Nang siya ay magkaroon ng malay, doon niya narinig ang balitang makapagpapabago sa kaniyang buhay.
“Buntis ka ho, congratulations!” masayang bati sa kaniya ng doktor sa kanilang kompanya.
Tila ba nanatali ang mga salitang iyon sa isip ni Jemma at hindi niya namalayan na siya ay lumuluha na. Matapos niyang madala sa ospital, umuwi rin kaagad siya upang makapagpahinga. Humiga si Jemma sa kaniyang kama at ipinikit ang kaniyang mata sabay hawak sa kaniyang tiyan. Doon niya muling nakita kung paano siya tinrato na mas masahol pa sa aso ng kaniyang ina. At iyon ang ayaw niyang maramdaman ng kaniyang magiging anak.
Kinabukasan, agad na nagmaneho patungo sa bahay ng kaniyang ina si Jemma. Bungad pa lamang, kahit na malayo na ang itsura niya ngayon, agad siyang nakilala ng kaniyang inang nakaupo sa isang malaking upuan. Mahina na ito ngunit tumayo pa upang tingnan siya nang malapitan. Nagulat na lamang si Jemma nang yakapin siya nito nang napakahigpit at bumulong.
“Patawarin mo si nanay, Jemma. Hindi ko man naparamdam sa’yo noon, pero mahal kita…” ang mga salitang ito ang siyang nagtulak kay Jemma para humagulgol sa bisig ng kaniyang ina.
Sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang pagmamahal ng isang ina kahit pa kaunti na lamang ang nalalabing panahon nito dahil sa sakit. Araw-araw na pumupunta si Jemma sa bahay nina Del upang makasama lamang ang inang nakakalimot na dahil sa sakit.
Mabuti na lamang at hindi pa huli ang lahat upang maramdaman ni Jemma kung ano nga ba ang pakiramdam ng mahalin at magmahal. Ito ang tila ba nagpuno sa puwang sa kaniyang puso. Ngayon, pakiramdam niya’y kaya na niyang magmahal… Marunong na siya.