Tila Walang Takot ang Bagong Uupa sa Nakakakilabot na Kwarto; May Kababalaghan Pala Itong Matutuklasan Niya
“Sheena, totoo bang may nakatira na sa dulong unit? May kumuha na noon?” tanong ni Dina, kumare at nangungupahan din sa babae.
“Oo, buti nga at may kumuha na ulit. Hindi ko na alam anong klaseng pagpapabasbas pa ang gagawin ko sa unit na ‘yun para lang mawala ‘yung multo!” mabilis na sagot nito habang abala siya sa pagbibilang ng pera.
“Malas talaga kapag may nagpapak#m@t@y sa mga unit, buti nga natigil na ‘yung pagkalabog kalabog dun sa kwarto na ‘yun dahil kaunti na lang ay magiging haunted na itong paupahan mo!” natatawang sagot muli ni Dina sa kaniya.
“Alam ba naman niyang bagong lipat ang nangyari sa unit na ‘yun? Baka mamaya lugi ka na naman at bigla na namang umalis ‘yan,” pahayag muli ng babae.
“Ayos lang daw sa kanya, wala naman akong pakialam basta ba magbayad sila at may pera ako ay ayos na,” sagot ni Sheena rito.
Halos dalawang taon na ang nakararaan mula nang magpak@m@t#y ang dating nangungupahan kay Sheena dahil raw sa depresyon. Mula noon ay naapektuhan ang negosyo niyang ito. Dahil bukod sa napakaraming umaalis dahil ‘di umano sa multo ay wala na ring umupa sa unit na iyon. Hanggang sa dumating ang babaeng buong pusong tinanggap ang kwartong paupahan na iyon.
“Wala ka bang ibang gamit? Bakit napapansin kong hindi ka lagi umuuwi?” natatawang tanong ni Sheena kay Monica, ang bagong nangungupahan.
“Wala,” maiksi nitong sagot sabay diretso sa dulong unit. Ayaw na sanang pakialaman ni Sheena ito ngunit may kung anong kaba siyang nararamdaman sa babae. Tatlong beses lang ito kung matulog sa inuupahang kwarto, kandilang pula rin ang gamit nito sa gabi na siyang lalo pang nakapagbigay ng kilabot sa kwartong pinagdadasal niyang gumaaan na sana ang presensya ngunit mas lalong lumala pa.
“Monica, pwede bang huwag ka nang gumamit ng kandila? Kasi ano, baka magkasunog,” balisang habol na sabi niya sa babae.
“Huwag po kayong mag-alala, maingat ako,” maiksing sagot nito sa kaniya at tinitigan siya nang malalim ng babae. Mas lalo pang nanindig ang balahibo nito.
“Dina, Dina, tulungan mo nga ako. Paalisin na natin ‘yung bagong lipat. Parang mangkukulam na aswang na hindi ko maintindihan!” aniya sa babae.
“O, paalisin na natin basta ba maibabalik mo ‘yung dineposito niya. Saka teka nga, kailan ka pa nagkaroon ng pakialam sa mga nangungupahan sa’yo? Hindi ba’t upa lang ang habol natin?” birong sagot sa kaniya ng babae.
“Hindi ako nagbibiro, Dina, ilang linggo ko na siyang inoobserbahan at parang may kung anong ritwal siyang ginagawa sa kwarto na iyon! Halika, samahan mo ako para makita mo!” hila ni Sheena rito at dahan-dahan silang naglakad patungo sa harap na pinto ni Monica. Kaagad nilang napansin ang sindi ng kandila at may ‘di maintindihang tunog na naririnig ang dalawa.
“Sabi ko sa’yo!” hampas ni Sheena sa kumare.
“Monica, buksan mo nga itong pinto!” kabado ngunit utos niya sa babae nang katukin niya ito ng malakas.
“Bakit?” sagot ni Monica sa kanila at hindi pa rin pinagbubuksan ang dalawa.
“Tigilan mo na ‘yang kababalaghan mo riyan. Umalis ka na rito! Hindi ka namin kailangan! Masamang espiritu! In Jesus Name! Umalis ka na rito!” mas tinapangan pa lalo ni Dina ang kaniyang boses.
“Buksan mo itong pinto o sisirain namin!” dagdga ni Sheena na nasa likod lamang ng kaniyang kumare.
Mabilis na binuksan ni Monica ang pinto at sinalubong niyang taas kilay ang mga ito.
“Anong kalokohan ba ‘to? Mga istorbo kayo!” baling ng babae. Hindi naman nagsalita ang dalawa at mabilis na pinasok ang inuupahang bahay ni Monica.
“Kung may lahi ka mang aswang o multo ay umalis ka na lang dito. Ayaw namin ng gulo, umalis ka na,” sabi ni Dina muli sa babae.
Kalmado at naupo lamang si Monica sa harap ng dalawa at nagsindi pa ito ng sigarilyo saka pinaandar ang ilaw. Hindi nagsalita ang babae at hinayaan niya lamang ang mga ito na titigan ang mga gamit niyang nakabulatlat sa sahig.
“Ano’ng ginagawa mo?” nanguguluhang tanong ni Sheena sa kaniya.
“Nagtatrabaho,” matabang na sagot ng babae sabay buga ng usok ng sigarilyo at buntong hininga pa nito.
“Isa akong manunulat, mga kwentong kababalaghan, multo o kahit anong nakakatakot ang sinusulat ko. Para magawa ko iyon, naghahanap ako ng mga ganitong lugar kung saan may ‘di umanong kababalaghan upang maramdaman ko ito. Mas nakakapagsulat kasi ako ng nakakatakot kapag ganoon,” naiiritang paliwanag muli ni Monica sa dalawa.
“Isa pa, sabi nung babaeng nakatira rito noon na tumapos ng buhay niya, wala naman daw kayong pakialam sa mga nangungupahan sa inyo. Kung baka kinausap niyo lang sana siya ay baka buhay pa siya ngayon,” dagdag pang muli ni Monica sa babae.
Dali-daling lumabas ang dalawa at halatang namumutla ang mga ito lalo na si Sheena. Aminado ang babae na hindi niya pinapakialaman ang mga taong nangungupahan sa kaniya, basta may pera na dadaloy sa kaniyang palad ay ayos na ang babae. Kaya naman may kung anong kirot sa puso niya nang maalala ang dalagang tinutukoy ni Monica. Dahil ilang beses itong tila gustong makipagkwentuhan sa kanya noon ngunit hindi niya binibigyan ng pansin at kinakatok lamang ang babae para maningil ng renta rito. Hanggang sa naabutan na nga lang niyang nakasabit na ang katawan nito noon.
Ilang buwan pa ang nakalipas ay umalis na si Monica nang matapos na nito ang libro niya at napatahimik na rin daw ng babae ang kaluluwa ng dalagang yumao. Mula noon ay nagsimula nang mangumusta si Sheena ng mga nangungupahan sa kaniya. Laking pasasalamat din niya na natahimik na nga ang kwartong iyon mula nang umalis si Monica at bukod pa rito ay sumikat din ang lugar niya nang itampok ito ng babae sa kaniyang libro.