Inday TrendingInday Trending
Sinabihan ng Mister na ‘Tamad’ ang Misis Niyang Maselan ang Pagbubuntis; Wala Tuloy Itong Nagawa Kundi ang Tumulong sa Gawaing-Bahay

Sinabihan ng Mister na ‘Tamad’ ang Misis Niyang Maselan ang Pagbubuntis; Wala Tuloy Itong Nagawa Kundi ang Tumulong sa Gawaing-Bahay

Hindi napigilan ni Emmanuel ang makaramdam ng matinding iritasyon sa sandaling pumasok siya sa loob ng bahay.

Nakapakakalat at napakarumi roon. Tila hindi man lang nadaanan ng walis ang sahig, habang ang mga pinggan sa lababo ay hindi man lang yata nagalaw maghapon.

“Hon, nandyan ka na pala!” bati ng asawa niya, ni hindi man lang maalis ang mata nito mula sa TV.

Naiiling na dumiretso siya sa kusina, naghahanap ng makakakain.

Ngunit dumoble ang inis niya nang wala siyang naabutan. Ni kaning lamig ay wala.

“Wala ba tayong pagkain man lang?” hindi niya napigilang itanong sa asawa.

“Naku, hindi ako nakapagluto. Ang sakit kasi ng mga kasukasuan ko kapag gumagalaw. Ang lakas sumipa ni baby. Hinihintay nga kitang dumating kasi kailangan ko ng hilot. Naninigas kasi ang mga binti ko,” anito habang hawak ang tiyan na malaki na ang umbok.

Imbes na unawain ang paliwanag nito, mas namayani ang pinipigil niyang inis.

Galing siya sa maghapong trabaho kaya pagod na pagod siya.

Magmula kasi nang mabuntis ang asawa ay hindi na siya tumigil sa pagkayod para maghanda sa gastusin.

“Hindi naman sa hindi kita iniintindi. Pero sana hindi ganito ang daratnan ko. Pagod na ako’t lahat sa trabaho, pag-uwi ko, ako pa rin ang inaasahan mong mag-aasikaso ng lahat?” bahagyang sermon niya sa asawa.

Kita niya ang gulat sa mukha ng asawa. Iyon kasi ang unang beses na kinompronta niya ito.

“Pasensya ka na. Hindi ko naman ginusto ‘to. Kung kaya ko lang, bakit hindi? Hindi naman sa nagdadahilan lang ako pero mahirap talaga ang sitwasyon ko,” naiiyak na himutok nito.

Isang malamig na tingin ang iginawad niya sa asawa.

“Ginagawa ko ang lahat para sa atin kaya sana ikaw rin. Hindi pwedeng patamad-tamad ka, dapat tulungan tayo,” dagdag pa niya.

“Hayaan mo, babawi na lang ako sa’yo,” pangako nito.

Naiiling na iniwan niya ang asawa sa sala upang umpisahan ang gabundok na hugasin. Hindi niya rin kasi matiis ang makalat.

Hanggang kinabukasan, nanatili ang malamig niyang trato sa asawa. Gusto niyang iparamdam dito na totoo ang inis niya sa ginagawa ng asawa.

Ngunit habang nasa trabaho ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang ina, bagay na bihirang mangyari simula noong nag-asawa na siya.

“’Nay?” takang sagot niya.

“Emmanuel! Kailangan mong pumunta dito ngayon din! Sinugod namin ang asawa mo rito!” tarantang bulalas nito, bahagya pang nangangatal.

Nanlaki ang mata niya sa narinig, at agad gumapang ang kaba sa kaniyang dibdib. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at dali-daling sumugod sa ospital kung saan ito dinala.

Sinalubong siya ng ina.

“’Nay, ano pong nangyari sa asawa ko?” nag-aalalang usisa niya.

“Mabuti naman at nandito ka na! Naku, dinugo ang asawa mo at hinim*tay. Mabuti na lang at agad naagapan kundi baka kung ano nang nangyari!” sagot nito.

Tila may sumipa sa dibdib niya.

“Ang baby po namin?” kabado niyang tanong.

“’Wag kang mag-alala. Ligtas silang pareho! Ang sabi ng kapitbahay na nagdala sa kaniya rito, mukhang napagod siya nang husto sa gawaing bahay. Bakit ba naman kasi siya gagawa ng gawaing bahay sa kondisyon niyang ‘yan?” nakukunsuming kwento ng kaniyang ina.

Natigilan siya sa narinig. Sinilip niya ang silid kung saan naroon ang asawa. Alam na alam niya ang sagot sa tanong ng kaniyang ina.

“Dahil po sa akin,” sagot niya.

Ikinuwento niya rito ang nangyari noong nakaraang gabi at ang mga salitang binitiwan niya sa asawa.

“Hay, naku, anak! Bakit mo naman sinabi sa kaniya ‘yun? Akala mo ba napakadali lang mabuntis? Hindi, anak. Napakahirap. Gustuhin mo mang kumilos at tumulong, hindi pwede dahil parati mong iisipin ang kapakanan ng baby. Kailangan niyang mag-ingat lagi dahil sa kaniya nakasalalay ang buhay ng bata!” inis na sermon ng kaniyang ina.

Napayuko siya habang pisil-pisil ang palad ng walang malay na asawa. Balot siya ng matinding pagsisisi dahil sa nangyari.

Maya-maya pa ay nagkaroon din ng malay ang asawa. Sa utal-utal nitong boses ay agad nitong inalam ang lagay ng bata sa sinapupunan nito. Napaiyak ito sa pasasalamat nang malaman na ligtas naman ang bata.

“Sorry. Kasalanan ko. Nilagay ko sa kapahamakan ang anak nating dalawa. Gusto ko lang na gampanan ang pagiging asawa ko,” anito.

Muli ay binalot siya ng pagsisisi at hiya sa ina ng kaniyang anak.

“Hindi. Kung mayroon mang dapat sisihin dito, ako ‘yun. Nagkulang ako sa simpatya at pag-intindi sa’yo. Hindi ko dapat sinabi ang mga iyon. Magmula ngayon, mas magiging mabuti ako sa inyo. Aalagaan ko kayo nang husto,” pangako niya.

Ngayon ay alam niya na na hindi biro ang pagbubuntis. Nahihirapan man siya sa sitwasyon ngayon, hinding-hindi niya mapapantayan ang sakripisyo ng kaniyang asawa.

Niyakap niya nang mahigpit ang asawa.

Malaki ang pasasalamat ni Emmanuel sa Diyos dahil hindi Nito hinayaan na mapahamak ang mag-ina niya.

Kaya naman nangako siya na hindi na mauulit pa ang malaki niyang pagkakamali, at aalagaan niya ang kaniyang mag-ina sa abot ng kaniyang makakaya.

Advertisement