Nakikitira Lang Sila sa Kaniyang Biyenan; May Lola Pala Siyang Milyonaryang Nagbigay Liwanag sa Buhay Niya
Isang normal na araw ng Linggo noon para sa ginang na si Aliah. Maaga niyang ginising ang kaniyang dalawang anak upang isama sa pagsamba nila ng kaniyang biyenan.
Lantang gulay pa man ang kaniyang mga anak at walang ganang kumilos kahit tumayo sa higaan, pilit niyang binihisan ang mga ito upang hindi sila mahuli sa misa.
“Mama, ayaw ko po magsimba ngayon, antok na antok pa po ako!” singhal ng bunso niyang anak.
“Ay, naku, hindi pwede, walang magbabantay sa’yo kapag nagpaiwan ka. Kasama ko rin si lola mo sa pagsisimba!” tugon niya rito saka niya ito pilit na binihisan ng bestida.
“Huwag ka na po munang magsimba, mama, antok na antok pa po talaga kami,” reklamo pa ng kaniyang panganay na nakahiga pa rin sa kanilang banig.
“Anak, alam mo naman kung gaano kahirap ang buhay natin ngayon, hindi ba? Nakikitira lang tayo sa bahay ng lola mo, wala tayong sapat na pera pangbili ng mga kailangan niyo, tapos malayo pa sa atin si papa niyo dahil sa trabaho niya sa Maynila, sapat nang rason lahat nang iyon upang magsimba tayo at humingi ng gabay sa Panginoon,” paliwanag niya rito dahilan para ito’y kumilos na at engganyuhin ang bunso na magpabihis na rin sa kaniya.
Matapos nilang magbihis, agad na rin silang naglakad patungong simbahan kasama ang biyenan niyang babae. Wala na siyang sinayang na oras pagkarating nila ng simbahan at siya’y agad nang lumuhod habang tanaw-tanaw ang altar.
“Patuloy po akong maniniwala sa Iyo, Panginoon ko. Tanging hiling ko lang po ay paalwanin mo ang buhay ng pamilya ko. Hindi ko man po alam kung paano, pero magtitiwala po ako sa Inyo,” taimtim niyang dasal.
Uupo na sana siya sa tabi ng kaniyang mga anak nang mapansin niyang may isang matandang titig na titig sa kaniya.
“May dumi po ba sa mukha ko, lola?” tanong niya rito.
“Anong pangalan mo, hija?” tanong din nito na ikinapagtaka niya.
“Ako po si Aliah, bakit niyo po natanong?” tanong niyang muli.
“Sinasabi ko na nga ba, ikaw ‘yan, Aliah, apo ko!” sigaw nito na ikinagulat niya.
“Teka po, baka nagkakamali po kayo. Wala na po akong kaanak dito sa Pilipinas. Lahat po ay nasa Amerika na,” kwento niya rito, “Lahat po sila, nakalimutan na po ako,” dagdag niya pa.
“Hinding-hindi ko makakalimutan ang nag-iisa kong apo sa paborito kong anak! Ako ang nanay ng tatay mo, hija. Bago mawala ang mga magulang mo, ako ang nag-alaga sa’yo simula noong limang taong gulang ka. Kaso sa pagiging gamahan ng ilan kong anak, inilayo ka nila sa akin at pinaiwan dito sa Pilipinas,” kwento nito na labis niyang ikinabigla.
Habang nagkukwentuhan sila ng matandang iyon, doon niya na tuluyang naalala ang mukha nito. May mga ikinuwento pa itong tugma sa mga alaalang natatandaan niya noong bata pa siya dahilan para siya’y maiyak na lang sa harapan nito.
“Oras na para bumawi ako sa’yo,” sambit nito saka sila agad na isinama sa isang mall upang bilhan ng mga gamit na labis niyang ikinatuwa pati ng kaniyang biyenan at mga anak.
Napadalas ang pagkikita nilang mag-lola simula noon. Lagi siya nitong binilhan ng mga gamit, nililibre sa mga masasarap na restawran at sinasama kung saan-saang lugar na talagang nakapagbigay sa kaniya ng dahilan para masabi niyang nasagot na ng Panginoon ang kaniyang dalangin.
Kaya lang, sa araw ng kaarawan niya, sa dinami-dami ng binigay nitong regalo sa kaniya na nakalagay sa isang malaking kahon, nakuha ng isang lumang pitaka ang atensyon niya at pagkabukas niya nito, naglalaman ito ng halos isang daang libong piso.
Sa labis na pagkagulat, agad niya itong sinabi sa kaniyang biyenan at inabutan niya ito ng bentemil bilang parte nito.
“Teka, Aliah, hindi ba parang hindi naman ito tama? Baka hindi niya sadyang naisama sa kahon ang wallet niya,” pag-aalinlangan ng kaniyang biyenan.
“Naku, mama, akin na ‘to! Hindi ko na ito isasauli pa! Baka grasya na, maging bato pa!” giit niya habang binibilang ang perang hawak.
“Aliah, hindi gan’yan ang pagkakakilala ko sa’yo. Baka mamaya, sinusubok ka lang niya kung mapagkakatiwalaan ka talaga niya,” sagot nito na napagbigay sa kaniya ng pangongonsenya.
Oramismo, tinawagan niya ang matanda upang sabihin ang tungkol sa naturang wallet at halos manghina ang dalawang tuhod niya sa sinabi nito, “Tama nga ang desisyon kong ikaw ang pamanahan ng mga ari-arian ko rito at sa Amerika, Aliah. Mapagkakatiwalaan ka talaga! Puntahan nito ako ng biyenan mo sa address na ipapadala ko sa’yo, may regalong naghihintay para sa mabubuting taong katulad niyo!” na ikinatalon na lang nilang mag-biyenan dahil sa tuwa.
Doon na nagsimulang umayos hindi lang ang buhay ng kaniyang pamilya pati na ang tapat at mabait niyang biyenan.
Hindi na nagtrabaho sa Maynila ang kaniyang asawa at silang lahat ay pinadala ng matanda sa Amerika upang doon mabuhay nang masagana sa pamamagitan ng mga negosyo at ari-arian nito roon.