Inis Siya sa Nobya ng Kaniyang Kuya, May Maganda Naman Pala Itong Intensyon sa Kaniya

Inis Siya sa Nobya ng Kaniyang Kuya, May Maganda Naman Pala Itong Intensyon sa Kaniya

FamilyInspiringStories

Nang ipakilala pa lang ng kaniyang kuya sa kanilang pamilya ang nobya nito, agad nang nagtaray ang bunsong si Giena. Wala siyang ibang ginawa noong gabing nagpunta ito sa kanilang bahay kung hindi magtanong ng kung anu-ano tungkol sa personal nitong buhay habang kumakain sila ng hapunan.

“May naging nobyo ka na ba bukod sa kuya ko?”

“Ilang lalaki na ang nakasama mo sa kama?”

“Mayaman ba ang pamilya mo?”

At marami pang nakakainis na tanong ang binabato niya rito na labis nang ikinahihiya ng kaniyang kuya lalo na ng kanilang mga magulang.

Kahit anong saway sa kaniya ng ama niya noon, panay pa rin ang pagpapahiya niya rito upang umalis na ito sa kanilang bahay at huwag nang bumalik pa.

Unang kita niya palang kasi rito, pakiramdam niya’y aagawin nito ang atensyon ng lahat ng tao sa kanilang bahay. Maganda kasi ito, maihahambing sa gatas ang kulay ng balat, at lalo’t higit, napakahinhin nito na tila ba hindi gagawa ng kahit anong kalokohan. Habang siya, mukha nang tambay sa kanto dahil sa tikas niyang gumalaw, pasmado pa ang kaniyang bibig.

Ngunit kahit anong pagpapahiya ang ginawa niya rito noong gabing iyon, patuloy pa rin itong dumalaw sa kanilang bahay. May pagkakataon pa ngang namalagi ito ng tatlong araw sa kanilang bahay na labis niyang ikinainis dahil katulad ng kinakatakutan niya, mapa-lolo at lola niya, tiyahin, magulang, at kahit mga pamangkin niyang dati ay siya ang sinasanto, ito na ngayon ang palaging dinidikitan at kinakausap.

Siya ay tila ba hindi na napansin simula nang dumating ito. Kaya naman, kahit ano pang gawin nito sa kaniya upang makuha ang loob niya, panay ang pag-iwas at patuloy niyang pamamahiya rito. 

Sa katunayan, hinalukay niya pa ang buong pagkatao nito para lang makakuha ng impormasyong makakasira rito at laking tuwa niya nang may matagpuan siyang baho nito. 

“Hihintayin ko na lang ang tamang panahon kung kailan ko isisiwalat ang baho mo. Sa araw na ‘yon, aayawan ka na ng pamilya ko!” sabi niya pa.

Hanggang sa dumating ang araw ng kaniyang kapanganakan. Intensyonal niya itong hindi inimbita upang siya ang bigyang pansin ng lahat ng taong dadalo sa kaarawan niya. Kaya lang, ang magaling niyang kuya, pinapunta pa rin ito kaya ganoon na lang nasira ang araw niya noon.

Lalo pa nang bigyan ito ng bulaklak ng kapatid niya sa harap ng kanilang mga kaanak. Ang spotlight na dapat ay sa kaniya, napunta na rito na labis niyang ikinainis dahilan para rito na siya makapagpasiyang isiwalat ang baho nitong nalaman niya upang maagaw ang pansin ng iba.

“Hangang-hanga kayo sa babaeng ‘yan, hindi niyo ba alam na dati ‘yang bayaran?” sabi niya na ikinatigil ng lahat.

“Giena! Ayan ka na naman sa mga walang kwenta mong salita!” saway ng kaniyang ama.

“Totoo naman, eh, gusto niyo bang makita ang bidyo niya habang nasa kama kasama ang isa kong kaibigan? Hindi ka ba nadidiri, kuya?” wika niya pa sabay tingin sa dalagang hinang-hina.

“Tama na!” sigaw nito, “Oo, totoo lahat ‘yon. Desperada na akong magkapera upang maipaopera ang nanay ko noong mga panahong iyon kaya ko iyon nagawa. Pero nang maoperahan na ang nanay ko, agad ko nang tinigil iyon at alam ‘yan ng kuya mo! Siya ang nagbukas ng mga mata ko na marami pang ibang paraan upang kumita ng pera!” pagtatapat nito saka iniabot sa kaniya ang isang paper.

Bago niya pa iyon buksan, nakita niyang tumakbo palayo ang dalaga habang hinahabol ng kaniyang kapatid na labis niyang ikinangisi.

“Ano kayang regalo sa akin no’n?” patawa-tawa niya pang sabi ngunit pagbukas niya, siya’y nagulat nang makitang mukha niyang ginuhit nito ang tumambad sa kaniya.

Lalo pa siyang nagulat nang basahin niya ang sulat na nakapaloob dito.

“Giena, alam mo ba, katulad mo, nag-iisa lang din akong babae sa magkakapatid. Bata palang ako, gusto ko nang magkaroon ng kapatid na babae kaso hindi talaga pinalad ang mga magulang ko. Kaya ngayong may maituturing na akong kapatid na babae, pangako, magiging kakampi mo ako kahit pa hindi mo ako gusto para sa kuya mo. Ngayon din ang unang pagkakataon na nakaguhit ako ng mukha ng tao, sana magustuhan mo, bunso!” sabi nito na nakapagpapatak na lang ng luha niya.

“Humingi ka na ng tawad, anak, hindi pa huli ang lahat,” bulong ng kaniyang ama dahilan para siya’y agad na mapatakbo upang habulin ang dalaga.

Naabutan niyang nakaupo ang kuya niya at ang nobya nito sa isang waiting shed. Umiiyak pa rin ang dalaga habang umiiling-iling sa kaniya ang kapatid niya. Nahihiya man, nilakasan na niya ang loob niya at lumuhod sa harapan nito upang humingi ng tawad.

Sa kabutihang palad, natural ang taglay na kabaitan ng dalaga at siya’y agad nitong niyakap.

“Pasensya ka na, alam kong naiinis ka sa’kin pero wala akong ibang hangad kung hindi ang maging kadikit ka dahil matagal ko nang pangarap magkaroon ng kapatid na babae,” sabi pa nito na ikinaiyak niya na lang.

Bumalik silang magkakasama sa kanilang bahay. Humingi rin siya ng tawad sa kaniyang mga bisita at pinagpatuloy ang selebrasyon sa mas masayang paraan.

Simula noon, nawala na nang kusa ang inis niya rito bagkus, ito pa ang halos araw-araw niyang kasama sa pamamalengke, pagpupunta sa salon, pagpapalinis ng kuko, at sa marami pang aktibidad na pangbabae na talagang ikinatuwa niya at ng kaniyang mga magulang.

“Huwag na kayong maghihiwalay ni kuya, ha, dapat habambuhay, magkasama tayo!” sabi niya pa rito na ikinatawa na lang nilang dalawa.

More Stories