Kabaliwan at Pag-aaksaya raw ng Talino ang Ginagawa Niyang Pagtuturo sa mga Katutubo; Tagumpay pala ang Maibubunga Nito
Maraming natatawa sa pagkakawanggawang ginagawa ni Maricar. Kahit mga kaanak man niya o kaibigan, hindi naniniwalang may patutunguhan ang ginagawa niyang paghihirap para sa mga katutubong tinuturuan niya sa bundok.
Isa kasi siyang lisensyadong guro sa hayskul. Dahil sa angking niyang talino at galing niya sa pagtuturo, maraming paaralan sa kanilang lugar ang nag-aagawan sa kaniya. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya tinanggap dahil alam niyang uhaw sa edukasyon ang mga katutubong nakatira sa bundok.
Una niyang nakilala ang mga katutubong iyon nang may gawin silang dokumentaryo bilang proyekto noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang at agad na nadurog ang puso niya nang makita niya ang sitwasyon ng mga bata roon na hindi man lang marunong magsulat at magbasa.
Sa katunayan, may paaralan naman talaga sa maliit na baryong iyon sa bundok kaya lang, wala pa sa lima ang gurong matiyagang umaakyat doon upang magturo. Rito na niya pinangako sa sariling kapag nakakuha na siya ng lisensya, ito ang unang baryong tutulungan niya.
Kaya ngayong natupad na niya ang pangarap na maging isang lisensyadong guro, agad siyang nakipagsapalaran sa pag-akyat ng bundok araw-araw sa ngalan ng edukasyon na para sa iba ay isang kabaliwan.
“Kung ako sa’yo, Maricar, tatanggapin ko na ‘yong alok ng isang kilalang paaralan sa Maynila! Malaki na ang sweldo ko, maaari pa akong maging punongguro kapag pinagpatuloy ko ang pag-aaral! Wala ka ring utak, eh, maaari ka nang maging milyonaryo, puso pa rin ang ginagamit mo!” pangaral ng kaniyang kaibigan na isa namang guro sa bayan.
“Alam mo, hindi ko naman kailangan ang pera, eh. Ang kailangan ko, matulungan ang mga bata roon na napag-iiwanan na ng panahon!” sagot niya rito.
“Maricar, alam mo naman sigurong kapag naturuan mo na ang mga batang iyon, makakalimutan ka na nila, hindi ba? Para saan pa ang ginagawa mo kung sa huli, ikaw naman ang mapag-iiwanan nila?” wika pa nito na nakapagpaisip sa kaniya.
“Hindi na iyon importante sa akin, ang mahalaga, maging tulay ako para lumago ang buhay nila!” giit niya na ikinainis na nito.
“Aba, bayani ka talaga! Bahala ka na sa buhay mo!” sigaw nito saka na siya iniwan.
Habang naglalakad patungong bundok, hindi niya maialis sa isip ang takot na baka nga walang patutunguhan ang gawain niyang ito at siya’y makalimutan na lang ng mga batang tunutulungan niya katulad ng pangkaraniwang nararanasan ng mga guro.
“Hindi bale na, ang gusto ko lang naman, matuto sila,” pangungumbinsi niya sa sarili.
Tinuloy niya nga ang pagtuturo sa mga katutubong iyon. Araw-araw siyang umaakyat-baba sa bundok at nagtuturo sa sandamakmak na batang katutubo kapalit ang napakababang sahod.
Pagkalipas ng ilang taon, katulad ng sinabi ng kaniyang kaibigan, nang may mga makapasa sa mga tinuturuan niya sa pagsusulit upang makatungtong na ang mga ito sa kolehiyo na sasagutin ng gobyerno, roon na unti-unting nabawasan ang kaniyang mga estudyante.
Naramdaman niya ang pangungulila sa ingay, pagod, at pagkapos na naririnig at nararanasan niya noon ngunit kahit pa ganoon, siya’y nagpatuloy sa pagtuturo hanggang sa panibagong henerasyon na ng mga bata ang kaniyang tinuturuan.
“Anak, pareho na tayong tumatanda pero hanggang ngayon, hindi pa umaangat ang buhay mo. Hindi habang-buhay nasa tabi mo kami ng tatay mo para sagutin ang mga pangangailangan mo. Ano nang balak mo? Hanggang kailan ka magtuturo sa mga katutubo?” sunod-sunod na tanong ng kaniyang ina na nakapagbigay sa kaniya nang pag-aalinlangan.
“Hayaan niyo po, magbubunga ang mga sakripisyong ginagawa ko. Hindi man po ako magkaroon nang marangyang buhay, alam kong nabigyan ko nang kulay ang buhay ng mga batang katutubong tinuring ko ng mga anak,” sagot niya sa ina saka na siya muling nagpunta sa bundok.
Pagdating niya roon, halos mapaupo siya nang makitang naka-disenteng damit na ang mga batang katutubo noon na una niyang tinuruan. Ang isa ay nakapang-flight attendant na damit, ang isa ay seaman, ang isa ay pulis, habang ang nakararami ay guro katulad niya.
“Totoo bang iyan na ang mga propesyon niyo?” mangiyakngiyak niyang tanong.
“Opo, teacher, at nandito kami ngayon upang ikaw naman ang aming bigyan ng tulong! Halos buong buhay mo, tinaya mo alang-alang sa amin, ngayon po, hayaan mo kaming bumawi sa’yo! Ikaw ang naging tulay para maabot namin ang mga pangarap naming ito!” sabi ng isa sa mga katutubo saka iniabot sa kaniya ang isang bag na punong-puno ng pera.
“Teka, hindi ko ito matatanggap!” sigaw niya, ngunit imbes na pakinggan ng mga ito, inabutan pa siya ng isa sa mga ito ng isang susi saka tinuro sa kaniya ang isang bahay na pinagawa ng mga ito para sa kaniya sa tabi ng paaralan.
“Kulang pa po ‘yan, teacher, sa lahat ng ginawa mo para sa amin!” masayang sigaw ng mga ito na labis niyang ikinaiyak.
Doon niya labis na napagtantong nakagawa nga siya nang magandang pagbabago sa buhay ng mga ito.
“Kahit walang ganitong kapalit, nagtagumpay na rin ako sa pamamagitan lang ng pagkakaroon niyo ng magandang trabaho!” iyak niya pa na ikinatuwa ng mga ito.
Nang mabalitaan ito ng kaniyang mga kaanak, kaibigan, at mga magulang dahil umingay ang balitang iyon sa social media at marami ang humanga sa kaniya, roon na siya pinapurihan ng mga ito.
“Ngayon, napatunayan kong hindi kabaliwan ang ginawa kong pagtuturo sa mga katutubo,” nakangiti niyang sabi habang binabasa ang mga magagandang komento para sa kaniya.