Inday TrendingInday Trending
Binalewala ng Babae ang Pag-Ibig ng Kaniyang Kababata; Pagdudusahan Niya ang Ginawa Niya

Binalewala ng Babae ang Pag-Ibig ng Kaniyang Kababata; Pagdudusahan Niya ang Ginawa Niya

Kung may bahagi ng buhay si Monica na ayaw na niyang ipagpatuloy pa, iyon ay ang pagsama niya at pakikipags*ping sa iba’t ibang lalaki. Dahil lumaki siya sa hirap ay nagawa niyang ilako ang sarili para kumita ng pera. Ang totoo’y may pagka-ambisyosa siya na nanganagarap na mabilis na makaahon sa impyernong kinasasadlakan niya.

Mayroon siyang kababata na matagal nang may pagtingin sa kaniya. Ang lalaki ay walang ibang kundi si Osvaldo. Mabait, masipag, guwapo ito. Kung tutuusin ay wala na siyang hahanapin pa rito dahil lahat ng magagandang katangian ay nasa binata na pero hindi ang tulad ni Osvaldo ang gugustuhin niyang maging asawa dahil mahirap lang din itong gaya niya. Pagsasaka lang sa maliit na lupa sa kanilang lugar ang pinagkakaabalahan ng binata, sa liit ng kinikita ay hindi nito maibibigay sa kaniya ang marangyang buhay na pinapangarap niya. Pagsasaka rin naman ang trabaho niya, kaya lang sawa na siya sa pagtatanim ng palay kaya pinasok niya ang pr*stitusyon pero ngayon ay gusto na niyang kumawala roon, kaya isang plano ang nabuo sa isip ni Monica at iyon ay ang pakikipagsapalaran sa ibang bansa para mabilis na umasenso at para talikuran na ang pagiging babaeng bayaran.

“Ano? Pupunta ka sa Japan?” gulat na tanong ni Osvaldo.

“Oo, tuloy na ang pagpunta ko roon. Sayang naman kasi ang pagkakataon kung hindi ko gagawin,” sagot ng dalaga.

Tutol ang binata sa binabalak niyang iyon. Bukod sa ayaw nitong umalis siya dahil mawawalay ito sa kaniya ay kinakabahan din ito sa maaaring mangyari sa kaniya sa banyagang bansa.

“Huwag ka nang tumuloy doon, Monica. Baka magkaloko-loko lang ang buhay mo doon,” payo ng kababata.

“Kung si Nelia na anak ni Aling Meding hindi nagkaloko-loko, ako pa? Walang mangyayaring masama sa akin doon. Kaya ko ang sarili ko, natitiyak kong magtatagumpay ako doon,” tugon niya.

Mula nang pumanaw ang mga magulang ni Monica, ipinangako na niya sa sarili na makakaahon siya sa putik na kinalulubugan niya. Isinusumpa niya ang pagiging mahirap kaya gagawin niya ang lahat para umangat sa buhay. Nakahanda na niyang talikuran ang madilim niyang nakaraan bilang babaeng mababa ang lipad at magbagong buhay sa Japan. Kapag naroon na siya, sisiguraduhin niya na aasenso talaga siya ng bongga at magkakaroon ng maraming pera. Hindi na niya mararanasan ang pagbebenta ng aliw sa mga lalaking uhaw sa kaligayahan.

“Imagine, sa Japan, sasayaw lang ako, malaking halaga na agad ang kikitain ko. Eh dito? Paltos-paltos na ang kamay ko sa pagsasaka, ang kita ko’y kulang pa sa pambayad ko ng renta sa bahay,” aniya. Pagiging dancer sa isang club ang inaplayan niya roon. Pinangakuan siya ng employer ng malaking sahod kaya kinagat niya iyon agad.

Napabuntong-hininga si Osvaldo.

“P-paano ako? Ang pag-ibig ko sa iyo?” tanong ng binata.

Sa sinabing iyon ni Osvaldo ay matagal na pumako ang mata ni Monica sa pawisan at putikang kabuuan nito.

“Pagbalik ko rito galing sa Japan, tiyak na mayaman na ako…alangan na sa akin ang hitsurang ito ni Osvaldo. Kahit alam kong may pagtingin ang lalaking ito sa akin, hindi ko hahayaan na maging kami sa oras na matagumpay na ako,” sambit niya sa isip.

“Mahal kita, Monica. Handa kong pagsikapan ang buhay na pangarap mo kung bibigyan mo lang ako ng pagkakataon d’yan sa puso mo,” sinserong sabi ni Osvaldo.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Monica, tinapat na niya ang binata na wala itong aasahan sa kaniya. Ang gusto niya sa lalaking mapapangasawa niya ay kaniyang maipagmamalaki at hindi iyon si Osvaldo.

“Mabuti pang kalimutan mo na ako,” sagot niya.

“P-pero, M-Monica…”

Pagkatapos ng pag-uusap nila ni Osvaldo ay hindi na siya muling nakipagkita pa rito. Tuluyan na niyang tinalikuran at kinalimutan ang kaniyang kababata at binalewala ang nararamdaman nito. Hindi niya kailangan ang pag-ibig nito.

“Aanhin ko ang pag-ibig kung kumukulo naman ang sikmura ko,” bulong niya sa sarili habang nakasakay na sa eroplano. Buo na ang desisyon niyang makipagsapalaran sa Japan.

Pagdating niya roon ay naging entertainer nga siya. Ang pagsasayaw ang nagbigay sa kaniya ng pagkakakitaan doon.

“O ‘di ba? Kaunting giling lang at kembot, pera na agad. Walang masamang maging dancer kung limpak-limpak na salapi naman ang mapapasakamay ko,” aniya pa.

Mas lalo siyang na-engganyo nang bigyan siya ng tip ng isa sa mga kasama niyang dancer sa club.

“Para mas lalong lumaki ang kita mo rito, tumeybol ka sa mga kustomer na Hapon,” anito.

Ngunit ‘di niya inasahan na sa pagpayag niya sa simpleng pagteybol, iyon na ang simula ng pagbalik niya sa nakaraan.

“You’re good, you’re so pretty, um,” wika ng lalaking Hapones na kustomer niya pagkatapos ay bigla siyang hinalikan sa labi.

“Nakup…”

Pikit mata niyang tinanggap ang muli niyang pag-aalok sa sarili para kumita ng mas malaki. Subalit anumang laki ng kita niya’y kulang pa rin na pambayad sa taong tumulong sa kaniya para makapunta sa Japan.

“O, kulang pa ito? Iyon pang pambayad ko sa hotel na tinutuluyan mo?” sabi ng isa sa mga kasama niya sa trabaho, ang anak ng kapitbahay niyang si Aling Meding na si Nelia.

“Diyos ko naman, Nelia. Wala na namang natira sa pera ko,” sagot niya.

“Huwag kang magrereklamo ha? Mabuti nga at tinulungan kitang makarating dito sa Japan, eh. Malaki ang utang na loob mo sa akin kaya dapat lang na bayaran mo ako,” sabi sa kaniya ng babae.

Lumipas ang ilang linggo at buwan, ang akala niyang madali at magandang buhay sa Japan ay hindi niya maramdaman. Wala na halos siyang kinikita dahil nauubos lang iyon sa pambayad niya kay Nelia. Dito kasi siya umutang ng pera para makapunta roon. Sa laki ng interes ay wala na siyang naiipon. kaya napagdesisyunan niyang umuwi na lang sa Pilipinas.

“Ayoko na, Nelia. Ang akala ko’y magiging maayos ang buhay ko rito pero ang laki mo kung maningil sa akin kaya wala na akong kinikita, kulang pa nga ang sahod ko sa pambili ng pagkain at iba pang pangangailangan dito. Ang mabuti pa’y pautangin mo na lang ulit ako ng pamasahe pabalik sa Pilipinas,” wika niya sa babae.

Pinamewangan siya ni Nelia at tinaasan pa ng kilay.

“Aba’y hindi puwede! Ito ngang narito ka’t kumikita, hindi mo mababayaran ang utang mo…uuwi ka pa? Kung gusto mo, ipapasa na lang kita sa kaibigan kong Hapon at siya na ang magbabayad sa akin. Mayaman iyon at mabibigyan ka ng trabahong mas malaki ang kita,” tugon ni Nelia sa kaniya.

Dahil tiwala naman siya ay madali siyang napapayag ni Nelia. Dinala siya ng babae sa kakilala nitong Hapon na magbibigay raw sa kaniya ng trabahong mas malaki ang kita pero huli na nang malaman niya ang pagkatao ng lalaking Hapon na umako sa utang niya. Pinuno pala ito ng sindikatong nagbebenta ng mga babae sa kapwa Hapon na mahihilig sa panandaliang aliw. Sa madaling salita, ibinenta siya ni Nelia para maging babaeng bayaran. Ang trabahong tinalikuran niya sa Pilipinas ay muli niya palang babalikan sa bansang pinuntahan niya. Walang kasing saklap!

“You’re so beautipur,” nakangising sabi ng parokyanong Hapon nang makita siya.

“No! Nooo!” sigaw niya.

Nasadlak na naman siya sa kadiliman. Ilang buwan niyang tiniis ang pambababoy sa kaniya hanggang sa nakakuha siya ng pagkakataon para makatakas. Nagtagumpay naman siya na makaalis sa lugar na iyon at nakauwi siya sa Pilipinas. Balak niyang balikan ang kababata niyang si Osvaldo, tatanggapin na niya ang pag-ibig nito pero huli na rin ang lahat. Nabalitaan niya na ikinasal na ito sa ibang babae na nagdadalantao na. Maligaya na ang lalaki sa piling ng asawa nito at magiging anak.

Labis ang pagsisisi ni Monica nang pakawalan niya ang isang tulad ni Osvaldo. Kung hindi niya binalewala ang pag-ibig nitong iniaalay sa kaniya noon, sana ay masaya siya ngayon at hindi lalong napariwara ang buhay niya. Kinarma tuloy siya sa pagiging ambisyosa niya.

Advertisement