Inday TrendingInday Trending
Kinompronta ng Dalaga ang Ama Tungkol sa Pagtataksil Nito sa Kaniyang Ina; Ikagugulat Niya ang Itinatago Nitong Katotohanan

Kinompronta ng Dalaga ang Ama Tungkol sa Pagtataksil Nito sa Kaniyang Ina; Ikagugulat Niya ang Itinatago Nitong Katotohanan

Isang gabi ay palihim na sinundan ni Sarah ang amang si Damian. Matagal na kasi siyang naghihinala na may kakaiba itong ginagawa kaya nang mga oras na iyon ay mangiyak-ngiyak siya sa natuklasan. Kitang-kita niya ang tagpong halos magpasikip sa dibdib niya.

“Diyos ko, nagtataksil si papa kay mama! Kailangang malaman ni mama ito,” gulat niyang sabi sa isip.

Hindi siya maaaring magkamali, ang nakikita niya ay ang kaniyang ama na pumunta sa isang bahay at sinalubong ito ng isang may edad na babae at isang dalaga na yumakap at humalik pa sa pisngi nito.

“Kanina ka pa hinihintay niyan, Damian. Akala’y ‘di ka na darating. Nagsisimangot na nga,” wika ng babae.

“Maaari ba iyon, eh linggo ngayon,” sagot ng tatay niya.

“Kasi naman po alas otso na’y wala ka pa. Gusto ko’y magkakasalo tayo sa hapunan, papa,” sabad ng dalaga.

“O, kita mo na? Ayaw pa ngang kumain niyan at hinihintay ka pa,” saad pa ng babae.

“‘Di bale, narito na ako. Sabay-sabay tayong kakain ng hapunan,” tugon ni Damian sa dalawang kausap.

Sapat na ang nakita ni Sarah para tuluyan nang lisanin ang lugar na iyon. Pumara siya ng taxi at agad na sumakay.

“Matagal na palang pinagtataksilan ni papa si mama. Humanda kayo, malalaman na ni mama ang lahat,” sambit niya sa sarili.

Pag-uwi sa bahay ay hinintay ni Sarah na dumating ang tatay niya bago magkabulgaran. ‘Di naman siya naghintay nang matagal dahil saktong alas onse ng gabi ay bumalik na sa kanila ang ama.

“Sorry, medyo ginabi ako ng kaunti ngayon, Remy,” sabi ni Damian sa babae.

“Ayos lang. Magpalit ka na ng damit habang naghahain ako ng pagkain,” wika ni Remy.

“Sige, pagkakain ay saka ako magpapalit ng damit. Si Sarah…kumain na ba?” tanong ng lalaki.

“Ayaw kumain, kanina pa ‘yon sa kaniyang kuwarto, eh. Parang galit,” sagot ng babae.

Nang biglang lumabas ng kuwarto si Sarah…

“O, gising ka pa pala, Sarah,” wika ni Damian sa anak.

“Talagang hinihintay ko ang pagdating mo, papa…para malaman ni mama na nagtataksil ka sa kaniya!” diretsong sabi ng dalaga.

Nanlaki ang mga mata ni Damian sa tinuran ng anak.

“N-nagtataksil?”

“Oo, papa! Kanina ay sinundan kita doon sa apartment ng babaeng kinahuhumalingan mo!” pasigaw na sabi ni Sarah.

“Sarah! Huwag mong sisigawan ang papa mo,” saway ng ina.

“Tama lang iyan sa kaniya, mama! Kung ‘di dahil sa isa kong kaklase ay ‘di ko matutuklasan na matagal ka na palang pinagtataksilan ni papa,” hirit pa ng dalaga.

Bumuntung-hininga muna si Damian bago nagsalita.

“Dinaramdam kong natuklasan mo ang aking lihim, Sarah. Dapat na ngang malaman ng anak natin ang buong katotohanan, Remy. Alam mong kahit kailan ay hindi ako nagtaksil,” mahinahong sabi ng lalaki.

“Alam ko iyon, Damian, alam ko,” sagot ni Remy na nangingilid na ang luha.

“T-teka, m-mama? Ano’ng ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ni Sarah.

Nagsimula nang magkuwento si Damian.

“Labing pitong taon na ang nakakalipas, isa akong manager sa kumpanya ng iyong mama. Naging malapit kami noon.”

Bumalik sa alaala ng lalaki ang nakaraan.

“Akala ko’y ‘di mo na ako pauunlakan, eh,” wika ni Remy nang magkita sila sa isang restawran.

“Maaari ko bang biguin ang may-ari ng kumpanyang aking pinaglilingkuran?” sagot niya.

Mula noon ay palagi na silang magkasamang lumalabas para mamasyal o magliwaliw kapag natatapos ang mga gawain nila sa opisina.

“Nagiging madalas na ang paggu-goodtime nating ito, Remy,” aniya.

“Wala kang dapat na ipag-alala,” tugon ng babae.

“Buhat nang makasama kita, natutuhan kong uminom ng alak.”

“Kailangan, Damian…dahil isang paraan iyan upang malimutan mo ang anumang problema.”

Nang biglang…

“Bigla akong nahilo, Remy…nagdidilim ang paningin ko,” wika ni Damian na napahawak na sa kaniyang ulo.

“Sumobra yata ang nainom mo. Mahiga ka muna kaya? O, aalalayan kita,” sambit ng babae.

Kinaumagahan ay nagulat si Damian dahil…

“Ano ito, Remy? Bakit ako narito sa kuwarto mo?” malakas na tanong ng lalaki na nakitang naroon siya sa kama ng babae at wala siyang suot na anumang damit sa katawan.

“Sumobra ang nainom mo kagabi kaya diyan na kita pinatulog…katabi ko at may nangyari sa ating dalawa,” sagot ni Remy na nagsusuot na ng damit dahil wala rin itong saplot nang magising.

“Ano? Katabi mo? ‘Di dapat nangyari ito, Remy!” halos pasigaw na sabi ng lalaki.

“Anong masama? Puwede naman tayong pakasal, eh,” tugon ng kausap.

“Hindi tayo maaaring magpakasal, Remy dahil ako’y may asawa na,” mariing wika ni Damian.

“Kung gayon, puwede tayong magsama kahit hindi kasal,” hirit ni Remy.

Nang malaman ng kaniyang asawang si Gilda ang namagitan sa kanila ni Remy, sa una ay nagalit ito at nagdamdam sa naging kahinaan niya, pero nagawa pa ring magpatawad ng babae dahil mahal na mahal siya nito.

“P-paano ako ngayon, Damian? Nagdadalantao rin ako,” nag-aalalang sabi ng kaniyang asawa.

“Kailangang sundin ko si Remy, Gilda. May banta siyang magpapakam*t*y kapag nilayuan ko siya. May pananagutan din ako sa kaniya dahil dinadala rin niya ang aming anak, pero nangangako ako sa iyo, nagkaganito man tayo ay hindi kita pababayaan, pati ang ating anak na isisilang mo. Patawarin mo ako, mahal ko,” wika niya sabay yakap nang mahigpit kay Gilda.

Walang nagawa si Damian kundi ang panagutan din ang nangyari sa kanila ni Remy. Gaya ni Gilda ay mahal na mahal din siya ng babae, noon pa man ay malaki na ang pagkahumaling nito sa kaniya na kayang gawin ang lahat para makuha ang gusto nito.

Dahil labis ang pagmamahal ni Gilda sa asawa ay nagawa niya itong patawarin sa naging karupukan nito at tanggapin ang pananagutan nito kay Remy. Masakit man sa kaniya ay pumayag siyang magkaroon ng kahati sa puso ng kaniyang mister. Martin na kung martir, ang mahalaga ay mahal niya si Damian at ayaw niyang masira ang kanilang pamilya.

At muling nagbalik ang gunita ni Damian sa kasalukuyan.

“At nang isilang ka ng iyong mama, Sarah…natutuhan ko na ring mahalin ang mama mo. Pati ikaw ay minahal ko rin dahil anak din kita,” wika niya.

“Pinakamamahal ko kasi ang papa mo, anak kung kaya nagawa ko siyang agawin noon. Patawarin mo ako, anak. Sinikap kong maging maunawain kung kaya ang lihim ng iyong papa ay hindi lingid sa akin,” lumuluhang sabi ni Remy. “At sinikap ko namang gampanan ang tungkulin ko sa inyo ng mama mo. Pati na rin kina Gilda at Melody, ang kapatid mo…sa tulong na rin ng iyong mama,” saad pa ni Damian.

Napahagulgol na rin si Sarah sa katotohanang nalaman niya. Niyakap niya ang ama at humingi ng tawad.

“O, papa! Sorry, hindi ko alam na ganoon pala ang nangyari,” sinserong sambit ni Sarah.

“Karapatan mo iyon dahil mahal mo ang iyong mama,” tugon ng ama.

“Papa, gusto kong makita at makausap ang aking kapatid,” hiling ng dalaga.

“Oo, Sarah. Tiyak na matutuwa siyang makita ka, anak.”

“Salamat…wala na ang bigat na nakapataw sa aming dibdib. Panahon na para ipagkaloob ko na sa kanila ang kaligayahang nararapat sa kanila,” bulong ni Remy sa isip.

At ipinakilala nga ni Damian si Sarah kina Gilda at Melody. Tuwang-tuwa naman ang mga ito na tinanggap ang dalaga sa bahay ng mga ito. Nagturingan ang dalawa niyang anak na magkapatid at tinuring na rin ng asawa niyang si Gilda na tunay na anak ang anak niya kay Remy.

“Lubos na ang aking kaligayahan ngayong ganap ka nang ipinagpaubaya sa akin ni Remy, Damian,” wika ni Gilda.

“Salamat at naging maunawain siya. Ngayon, hindi na maghihirap ang ating kalooban,” tugon ni Damian na niyakap ang kaniyang asawa.

Tuluyan nang ibinalik ni Remy si Damian kay Gilda. Napagtanto ng babae na gawin na ang tama na dapat noon pa niya ginawa, ang isauli ang lalaki sa tunay nitong asawa. Ngayon ay masaya nang kasama ni Damian ang kaniyang mag-ina pero hindi pa rin niya siyempre kinakalimutan ang responsibilidad sa anak nila ni Remdios na naging parte na rin ng kanilang pamilya.

Advertisement