Takaw Tukso ang Dalaga Dahil sa Malaki at Makapal Niyang Labi; Ito Pala ang Magbibigay sa Kaniya ng Magandang Bukas
Bata pa lang si Marimar ay kinatatakutan na niya ang pagpasok sa eskwela. Puro kasi pambubuska at panlalait ang natatanggap niya sa sa mga kaklase niya. Palaging tinutukso ng mga kaklase niya ang kaniyang malaki at makapal na labi. Namana niya ang makapal niyang labi sa kaniyang yumaong ama na isang Jordanian. Hindi naman siya gaanong maitim pero ang labi niya talaga ay takaw pansin sa sobrang laki at kapal.
Kahit nang tumuntong siya sa kolehiyo ay hindi pa rin nawala ang mga nanunukso sa kaniya, mas lalo pa ngang dumami kaya nga lumaki siyang walang kumpiyansa sa sarili.
“Aba, eto na pala si Marimar na maga nguso! Dapat d’yan sa nguso mo ginagamit na panlampaso sa sahig eh,” bulyaw ni Ericka, kaklase niyang wala nang ibang alam na tuksuhin kundi siya. Naghagalpakan naman ng tawa ang iba niyang kaklase na nakarinig noon.
“Uy, Ericka, bakit ka ganyan kay Marimar? Hindi mo ba nakikita, kamukha niya si Angelina Jolie sa laki at kapal ng labi niya,” nakangising sabi naman ng isa pa.
“What? Angelina Jolie? Oo nga, ano? Kamukha niya si Angelina pero ‘yung nguso eh namaga,” wika ni Ericka saka humagalpak ng tawa.
Maya maya ay napasigaw si Marimar.
“T-teka? Aray ko!” sabi ng dalaga dahil bigla siyang hinawakan ng isang kaklaseng sinenyasan pala ni Ericka. Hindi siya nakapiglas dahil hawak nito ang daalwa niyang kamay.
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang may hawak na masking tape si Ericka.
“Naaalibadbaran ako sa nguso mo eh, kaya tatakpan ko na lang ha?” anito saka tinambakan ng masking tape ang bibig niya.
Hindi pa nakuntento ang babae, kumuha pa ito ng gunting sa bag at pinaggugupit ang makapal niyang buhok.
“Huwag!” sigaw niya.
Ngunit walang nagawa ang pagpupumiglas at sigaw niya.
“Ayan, e ‘di mas kamukha mo na si Angelina Jolie!” wika ni Ericka, ang lakas ng tawa nito. Natigil lang ang lahat nang dumating ang kanilang guro. Palihim na lamang siyang umiyak.
Dahil sa kalupitan ng mga tao sa paligid niya ay natuto siyang itatak sa utak niya ang mga iyon. Sa bawat panunukso at panghahamak sa kaniya ay unti-unti siyang nagkaroon ng tapang at tiwala sa sarili. Dinaan niya sa pagpapaganda ang sama ng loob niya sa mga taong umaabuso sa kaniya.
“Hindi na ako papayag na maapakan pa ng kahit na sino,” bulong niya sa sarili.
Nahilig siya sa panonood ng mga tutorial video tungkol sa paglalagay ng lipstick, pagme-make up at iba. Nakasanayan din niya na gumawa ng sarili niyang video at ipino-post niya iyon sa social media. ‘Di niya alam kung saan nanggaling ang lakas ng loob niyang iyon na ipangalandakan ang ginawa niyang pagpapaganda sa sarili. Sa mga oras na iyon ay baka makita ng mga kaklase niyang mapanghusga ang mga post niya pero wala na siyang pakialam.
Makalipas ang ilang araw, ganoon na lamang ang gulat ni Marimar nang makitang umabot na sa mahigit 1 million views ang mga pinost niyang video. Nanlaki rin ang mga mata niya nang mabasa ang mga magagandang komento na naroon. Pati mga sikat na artista at personalidad ay nagkoment din doon.
“Wow, pati ang idol kong artista ay nagkoment din sa mga video ko!” tuwang-tuwa niyng sabi.
Dahil tagumpay ang mga post niya ay mas lalong lumakas ang loob niya at kumpiyansa sa sarili. Sabi kasi sa mga komento na napakaganda raw ng labi niya, bumagay raw iyon sa kaniyang magandang hugis ng kaniyang mukha at kulay ng kaniyang balat. May nakapagsabi pa nga na puwede siyang maging international model. Nakatanggap din siya ng mga tawag at text mula sa mga kaibigan niya, kino-congratulate siya ng mga ito dahil sikat na raw siya sa social media.
Dali-dali niyang ipinakita sa nanay niya ang mga magagandang komento sa kanya at ‘di ito makapaniwala na sikat na siya.
“Totoo ba iyan, anak? Naku, instant celebrity ka na, anak!” masaya nitong sabi sabay yakap sa kaniya nang mahigpit nang biglang may maalala ito. “Nga pla, anak may mga dumating na sulat para sa iyo, ito o mainit-init pa,” saad ng nanay niya.
“S-sulat? S-sino naman po ang susulat sa akin?” gulat niyang tanong.
Mas lalo siyang nagulat nang mabasa ang nilalaman ng mga liham. Ang unang liham ay isang kilalang kumpanya sa Amerika ang nais siyang maging modelo ng clothing line na pagmamay-ari nito. Ang ikalawang sulat naman ay galing sa isang kilala ring kumpanya sa Pilipinas, nais nitong iendorso niya ang produktong pampaganda ng kumpanya sa kaniyang mga video. Ang dalawang kumpanya ang nakahandang bayaran siya ng malaking halaga.
Dahil sa magandang oportunidad na iyon ay pareho niyang tinanggap ang dalawang offer. Hindi naman nakaabala ang mga trabaho sa pag-aaral niya. Ang pagmomodelo naman niya ay ginagawa niya sa online at ‘di kailangang umalis ng bansa. Malaki ang naitulong ng malaki niyang kita sa kaniyang pag-aaral hanggang sa nakagradweyt na siya sa kolehiyo. Naipagpatayo na rin niya ng malaking bahay at negosyo ang nanay niya. Umunlad talaga ang buhay nila dahil sa paggawa niya ng mga video, pagiging endorser at modelo. Ang lahat ng iyon ay dahil sa malaki at makapal niyang labi, naging asset niya iyon para maging matagumpay. Mula nang sumikat siya ay biglang naging mabait sa kaniya ang mga dati niyang kaklaseng walang ginawa kundi tuksuhin siya noon, ngayon ay maaamong tupa na ang mga ito.
Makalipas ang ilang taon, nasa mall si Marimar, naroon siya bilang VIP guest. Ipino-promote niya ang isang kilalang produkto. Nagulat pa siya nang mahagip ng mata niya ang isang babaeng may karga-kargang sanggol. Kanina pa lumilinga-linga ang babae.
“E-Ericka?” wika niya habang pilit na minumukhaan ito.
Nahihiya naman itong lumapit at hindi makatingin nang diretso sa kaniya. Hindi siya makapaniwala, ito na ba ang kaklase niya noon na nangunguna sa panunukso sa kaniya? Ano’ng nangyari at mukha na itong losyang dahil sa katabaan?
“A-ako nga ito. K-kumusta ka na?” nauutal nitong sabi.
“Ito, malaki at makapal pa rin ang labi,” tugon niya.
“P-patawarin mo ako sa mga nagawa ko sa iyo noon, Marimar, siguro ay ito na ang naging karma ko sa pagiging mapanghusga at mapanukso ko noon. Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral, nabuntis ako at iniwanan lang ng boyfriend ko,” naiiyak na sabi ni Ericka.
Hinawakan ni Marimar ang balikat ng dating kaklase.
“Kalimutan na natin iyon, matagal na iyon, eh. Ang mahalaga ay natuto ka sa iyong pagkakamali. At huwag mong sabihin na karma iyang nangyari sa iyo dahil biyaya iyan mula sa Diyos. Biyaya ang pagkakaroon ng anak. Nagpapasalamat nga ako sa iyo dahil kundi dahil sa panunukso mo noon sa akin ay wala ako sa kinalalagyan ko ngayon,” sagot niya.
Nagkapatawaran na ang dalawa. Niyaya ni Marimar si Ericka na maupo para manood ng event niya pagkatapos ay binigyan din niya ito ng pera para makapagsimula ng maliit na negosyo para mabigyan ng maayos na buhay ang anak nito.
Tama lang na ulanin ng suwerte si Marimar dahil sa kabila ng mga pinagdaanan niya ay nagawa pa rin niyang magpatawad. Ang pagkakaroon ng mabuting kalooban ay mas lalong pinagpapala.