Hinuthutan na Nga, Nilason pa ng Lalaki ang Matandang Australyana; Kalaboso Tuloy ang Kinahantungan Niya
Limang taon nang nagsasama sina Roldan at Winona. Hindi pa sila kasal, mayroon silang dalawang anak na apat na taon at limang taong gulang. Walang trabaho si Roldan at ganoon din si Winona pero nabibili nila ang lahat ng gustuhin nila.
Bagong lipat sila sa isang subdivision at kasalukuyang nakatira sa magandang bahay doon. Kung dati ay nakatira sila sa iskwater, ngayon ay bonggang-bongga ang bahay nila na mayroon pang mamahaling mga appliances. Ang lahat ng iyon ay dahil kay Roldan. May ka-chat kasi siyang matandang Australyana, dalawang na taon na rin niya itong nobya at nagpapadala rin ito sa kaniya ng pera buwan-buwan.
“Yes, darling, I want the…” wika ni Roldan sa videocall, saglit pa siyang sumulyap kay Winona.
Bumulong naman at sumenyas ang asawa,” Brand new cellphone,” sabi nito.
“Ah, I want brand new cellphone. I want to take pictures for you and I’ll send it to you. My n*de and s*xy pictures,” malambing at nakangising sabi niya sa Australyana.
Hindi lihim kay Winona ang pakikipagrelasyon niya sa iba, magkakuntsaba pa nga sila sa panloloko sa matandang banyaga. Ang mahalaga sa babae ay nagagatasan nila ang mayamang Australyana at hindi nila kailangang magtrabaho, gaganda pa ang buhay nilang mag-asawa.
“Okay, I can send money asap. O, darling, I wouldn’t be able to visit Philippines anytime soon,” tugon naman ni Caroline, ang matandang Australyana na ka-chat ni Roldan.
“O, I’m very sad, darling, but how about I visit you? If only I have money I will visit you darling. I’ll make love to you everyday and I will live there with you and take care of you,” wika ni Roldan na nagpanggap pang nalulungkot sa kausap.
“That’s a good idea, darling! Go ahead and fix your papers, I’ll send extra money for it,” sambit ng Australyana.
Napabungisngis naman si Roldan, akalain mong cellphone lang ang hinihiling niya ay makakarating pa siya sa Australia. Ilang minuto lang ang nakalipas ay natapos na rin ang pag-uusap nila. Nagulat pa ang lalaki nang pagsulyap niya sa misis ay nakabunsangot ang mukha nito.
“O, bakit ganyan ang mukha mo?” tanong niya.
“Baka naman mahal mo na ang uto-utong matandang iyon? Bakit ba kailangan pang pumunta ka pa sa Australia? Siguradong atat na atat na iyan sa iyo, excited na ang gurang na iyon na matikman ang kakisigan at kaguwapuhan mo,” inis na sabi ni Winona.
Napailing si Roldan.
“Tingnan mo itong g*gang ito. ‘Di ka nag-iisip eh, ano naman kung may mangyari sa amin ng Australyanang iyon? Kapag natikman niya ang alindog ko, lalong mahuhulog iyon sa akin, papakasalan ako ng matandang iyon tapos ‘pag citizen na ako doon, kukunin ko kayo ng mga anak natin,” sagot niya sa asawa.
Mabilis talagang gumana ang isip ni Roldan, hindi nga naman sila kasal ni Winona kaya walang magiging problema.
“Paano mo kami kukunin, aber? E ‘di mabubuking tayo?” nakasimangot pa ring tanong ni Winona.
“Hindi ka talaga nag-iisip, ano? E ‘di sasabihin ko kapatid kita, tayong dalawa na lang ang magkasama sa buhay, sasabihin natin na ang mga anak natin ay mga anak mo sa yumao mong asawa. Kapag namat*y ang matanda, sa akin mapupunta lahat ng pera niya, kapag nangyari iyon ay doon tayo magpapakasal. Maniwala ka sa akin, malapit nang mawala sa mundo ang gurang na iyon, itsura pa lang, eh, mukhang sakitin,” nakangisi niyang sabi.
Napangiti na rin si Winona, aprubado sa kaniya ang planong iyon ng mister niya.
Dahil maraming pera ay mabilis na nalakad ng lalaki ang mga papeles niya at ilang buwan lang ang hinintay ay nasa Australia na siya. Ang sumundo pa nga sa kaniya sa airport ay mga anak ni Caroline na may mga edad na rin. Mababait ang mga ito. Pagdating niya sa bahay nina Caroline ay napangiti pa siya sa sitwasyon ng matanda. Hindi na ito makabangon sa kama, hinang-hina na at mukhang malapit nang mamat*y.
“Hello, my darling Roldan, it’s nice to see you,” mahinang sabi nito.
“Hello, darling,” malambing naman na tugon ni Roldan.
Sa pagtira niya roon ay naging mabait sa kaniya ang pamilya ni Caroline. Binibigyan pa rin siya ng pera ng matanda kahit pa kasama na siya nito sa bahay. Perang hinahati niya sa pagpapadala sa kaniyang mag-iina sa Pilipinas at perang gagamitin niya sa kaniyang maitim na plano.
Walang kaalam-alam si Caroline at ang mga anak nito na unti-unti niyang nilalason ang matanda. Bumili siya ng pinakamabisang lason para tapusin ang buhay nito. Inihahalo niya iyon sa pagkain ni Caroline para unti-unti itong manghina at malagutan ng hininga.
Ilang araw lang ay mukhang epektibo naman ang ginagawa niya. Lalo na ngang bumagsak ang katawan ng matanda.
“My darling Caroline, I want to marry you. I want to prove how much I love you my dear,” wika niya rito. Tumango naman ang matanda, bagamat hinang-hina na ay naiintindihan nito ang sinasabi niya.
Ngunit ang balak niyang pagpapakasal sa matanda ay naudlot dahil bago pa sila maikasal ay pumanaw na si Caroline. Napag-alaman niya na may taning na pala ang buhay nito dahil sa k*nser sa obaryo kaya hindi na niya natuloy iyon. Nang gabing iyon agad siyang nakipagvideocall sa asawang si Winona, ang kapal pa ng mukha niya dahil gamit pa niya ang mamahaling cellphone ni Caroline.
“Hi babe, I think you should practice English already because you and our children are coming here in Australia,” sabi niya sa babae.
“Aba, ginagalingan mo ang pag-e-English huh! Sige, sige mag-e-English din ako. Uhmm…W-why? I thought she de*d? Does she, does she marry you?” nakangising sabi ni Winona na hindi alam kung tama o mali ang mga pinagsasasabi.
“No, that old witch was not able to marry me, but it is okay. I have enough money. I will steal her belongings in the house, her children wouldn’t notice me. They did not notice that I poisoned their mother,” natatawa niyang sabi habang nag-e-English pa.
Pero laking gulat niya nang may biglang nagsalita sa kaniyang likuran.
“W-what? You k*ll*d our mother?” galit na galit na tanong ng panganay na anak ni Caroline na si Lauren.
Nanlaki ang mga mata ni Roldan, halos hindi siya nakagalaw sa kinatatayuan. Nabitawan din niya ang hawak na selpon sa sobrang pagkagulat.
“L-Lauren,” kinakabahan niyang sabi. Bakas sa mukha ng babae na narinig siya nito dahil sa matinding galit sa mga mata nito na pinipigil din ang pag-iyak.
“You lied, you’re a bad person. You k*ll*d our mother! Don’t move! Don’t you dare move! I’m calling the police,” wika ng babae.
Maya maya pa ay dumating na ang mga awtoridad at inaresto si Roldan. Lingid pa sa kaalaman niya ay malakas ang ebidensiya laban sa kaniya dahil kitang-kita sa CCTV ang ginawa niyang paglalagay ng lason sa pagkain ni Caroline. Puno pala ng CCTV ang bahay nito.
Magsisi man siya ay huli na, nakapiit siya ngayon sa Australia at malabo na siyang makalaya pa dahil sa ginawa niya. Halos manlupaypay din ang asawa niyang si Winona nang malamang nakakulong siya roon. Hindi malaman ng babae kung paano bubuhayin ang dalawa nilang anak, eh wala itong trabaho. Mas lalong nanlumo si Roldan nang malaman niyang balak pala siyang bigyan ng malaking halaga ng mga anak ni Caroline dahil iyon ang hiling ng matanda pero dahil sa kabuktutan niya ay naging bato pa ang suwerte na matatanggap sana niya.
May kapalit talagang karma sa taong may masamang tangka. Gagawa at gagawa ng paraan ang tadhana para singilin ang taong gumawa ng mali sa kaniyang kapwa.