Inday TrendingInday Trending
Hindi Karapat-Dapat ang Lalaki sa Puso ng Dalaga Pero Mahal na Mahal Niya Ito; Hanggang Saan ang Kaya Niyang Gawin Para sa Taong Pinakaiibig Niya?

Hindi Karapat-Dapat ang Lalaki sa Puso ng Dalaga Pero Mahal na Mahal Niya Ito; Hanggang Saan ang Kaya Niyang Gawin Para sa Taong Pinakaiibig Niya?

Kapag mahal mo ang isang tao, hinding-hindi mo siya iiwan at hinding-hindi mo siya pababayaan. Iyan ang paniniwala ni Klarisse, ngunit hindi niya napigilan ang sarili na magmahal sa isang lalaking hindi karapat-dapat mahalin.

Isang araw, maagang pumunta sI Klarisse kina Aling Chayong.

“Tao po, tao po!” sabi niya sa malakas na boses habang kumakatok sa pinto.

Maya maya ay may nagbukas niyon.

“Magangang umaga po, Aling Chayong!” magalang niyang sabi.

“Naku, ikaw pala Klarisse. Tuloy ka…naroon si Axel sa kuwarto niya. Puntahan mo na lang,” tugon ng mabait na ginang.

“Salamat po! Pagpasensiyahan niyo na lamang po itong menudong niluto ko,” aniya sabay abot ng mangkok sa kausap.

“Ikaw naman, hija, nag-abala ka pa.”

Magkababata sila ng binatang si Axel, at ito rin ang lalaking pinakamamamal niya. Bata pa lang sila ay may pagtingin na siya rito.

Pagpasok niya sa kuwarto ay muntik na siyang atakehin a puso nang maabutan niya ang binata na nakahubad at tanging salawal lang ang suot.

Kahit ang lalaki ay nagulat din sa basta na lang niyang pagpasok sa kuwarto nito.

“Ops, ano ka ba? Sana ay kumatok ka na muna,” wika ni Axel na nagmamadaling nagsuot ng T-shirt at pantalon.

Sa sobrang hiya ay tumalikod si Klarisse.

“S-sabi kasi ng nanay mo, puntahan daw kita rito, eh,” aniya na hindi napigilang kiligin sa nakita.

Nang makapagbihis na ay saka siya hinarap ng binata.

“Bihis na ako. Bakit ka ba narito?” nakasimangot na tanong sa kaniya ng kababata.

“Suplado! Nagdala lang po ako ng ulam dito,” sagot niya.

“Tama siya, anak. Dinalhan tayo nitong si Klarisse ng menudo. Tinikman ko at ang sarap! Mananghalian ka na muna bago ka umalis,” wika ni Aling Chayong na bigla na lamang sumulpot.

“Oo nga, Axel. Tikman mo ‘yung luto ko,” sabad niya.

Ngunit tuluy-tuloy lang na lumabas ang lalaki at hindi pinansin ang dala niyang pagkain.

“Huwag na! Nagmamadali na ako!” nakasimangot pa ring sabi ng binata saka umalis na.

Hindi niya inasahan na ganoon kalamig ang pakikitungo nito sa kanila.

“Pasensya ka na sa kaniya, hija,” malungkot na wika ni Aling Chayong na hinawakan pa siya sa balikat.

“Ayos lang po iyon,” aniya.

Ewan kung bakit sa dinami-rami ng mga lalaki sa lugar nila ay kay Axel pa siya na-in-love. Si Axel na hayskul lang ang natapos. Walang direksyon ang buhay. Barkada, babae, sugal at alak ang inaatupag kaya hanggang ngayo’y wala pa rin itong nararating, wala pang napatutunayan.

“Hoy, ‘tol, late ka na naman sa usapan ng tropa, a!” wika ng isa sa mga kabarkada niyang mabisyo rin.

“Nasarapan siguro sa katabing tsikabeb kaya napuyat,” natatawa namang sabad ng isa pa.

“Mga g*go! Mamayang gabi pa ako may makakatabing tsikabeb,” sagot ng binata sa mga kasama at masayang nakipag-inuman sa mga ito.

Iyon ang maghapong gawain ni Axel, ang sumama sa mga kabarkada, uminom at magliwaliw.

Ang lahat ng iyon ay hindi lingid kay Klarisse ngunit para sa dalaga ay wala nang kailangan pang marating o mapatunayan pa ang binata basta’t mahal niya ito.

“Aalis na po ako, inay,” paalam niya sa ina. Hahanapin niya si Axel para yayain itong mamasyal.

“Mag-iingat ka, anak ha? P-pero sandali, hija…namumugto ang iyong mga mata. Umiyak ka ba?” tanong nito.

Tama ang nanay niya, umiyak nga siya. Ang totoo’y sumama ng kaunti ang loob niya noong nakaraang araw dahil sa hindi pagpansin ni Axel sa niluto niyang menudo.

“W-wala po ito, inay.”

“Huwag ka nang magkaila…si Axel, ano? Sinaktan na naman niya ang damdamin mo, ano?” tanong ng ina.

Hindi na niya napigilan ang sarili at muling napaluha.

“Kailan kaya niya ako iibigin, inay? Mahal ko po siya, pero bakit ako lang ang nagmamahal?” tugon niya na napahugulgol na.

“Marami pang lalaki na magmamahal sa iyo. Huwag mo ngang sayangin ang luha mo para lang sa Axel na ‘yan. Tahan na! Wala namang kuwentang tao ang lalaking iyon,” sambit ng ina.

“P-pero mahal ko po siya.”

“Kalimutan mo na nga ‘yang mahal, mahal! Tumahan ka na.”

Kaya ganoon na lamang ang pagka-ayaw ng nanay niya sa binata ay dahil masama ang reputasyon ni Axel sa kanilang lugar. Kapag may kaguluhan, tiyak na lagi itong kasangkot doon.

At isang araw, may mga pulis na nagtungo sa bahay nina Axel. Ikinagulat ni Aling Chayong ang natuklasan.

“Misis, sangkot po ang anak niyo sa dr*g tr*fficking, kaya ilabas niyo na siya,” wika ng isa sa mga pulis.

“Ano? Ang anak ko?! P-pero w-wala po siya rito, sir. Kung sino man ang unang taong magdadala sa kaniya sa inyo ay ako ‘yon! Hindi ko kinukunsinti ang anak, sir. Kagabi pa siya hindi umuuwi. Wala po akong balak na itago siya sa inyo at kung totoo ang ibinibintang ninyo sa anak ko ay ako mismo ang magpapakulong sa kaniya. Hindi ako kunsintidorang ina,” tugon ni Aling Chayong.

Dahil sa hindi mahagilap ng mga awtoridad ang binata ay nagdesisyon na ang mga ito na umalis na ngunit…

“Sige po misis, mauuna na po kami. Pero tandaan niyo na wanted ang anak niyong si Axel. Sana’y maging totoo kayo sa sinabi niyo kung ayaw niyong makasuhan din kayo,” paalala ng pulis.

Ang totoo’y sa bahay nina Klarisse nagtago si Axel. Nakahanap ng pagkakataon ang dalaga na matulungan ang kababata habang wala ang ina sa bahay dahil bumisita ito sa mga kamag-anak nila sa probinsya.

“Paalis na sila, Axel,” aniya.

“Mabuti naman,” tanging tugon ng binata.

“Ano na naman bang kalokohan ang ginawa mo?” tanong niya.

“Wala ka na ro’n! Salamat na lang sa pagtatago mo sa akin.”

“Mabuti sigurong sumuko ka na lang para ‘di na lumaki pa ang kaso mo,” payo niya.

“Ano ako, tanga? Sige na, bye!” sagot sa kaniya ng binata saka nagmamadaling umalis.

Maya maya ay lumabas naman ang pinsan niyang Faye, nakita nito ang ginawa niyang pagtatago kay Axel.

“Huwag mo na siyang pigilan pa at baka pati ikaw ay madamay pa sa problema niya, pinsan,” anito.

“Baka mapahamak siya, Faye.”

“Ang hirap naman sa iyo, eh pagdating sa Axel na iyon ay napakarupok mo. Ganoon ba ang klase ng lalaking gusto mong mapangasawa? Anong ipapakain niya sa iyo? Sh*bu? Bulag ka na sa pag-ibig mo sa kaniya, pinsan,” wika pa ng babae.

“Magbabago siya, Faye. Alam kong magbabago pa siya,” tugon niya.

‘Di nagtagal ay napag-alaman ni Klarisse na totoo ang mga alegasyon laan kay Axel, na totoong dr*g p*sher ang binata. Pero kahit nalaman niya ang tungkol doon ay hindi pa rin nagbabago ang pagtingin niya rito, mahal pa rin niya si Axel.

Nang puntahan niya ang ina nitong si Aling Chayong ay sinalubong siya ng umiiyak na ginang.

“Klarisse, baka may alam ka kung saan matatagpuan si Axel? Hindi na siya nagpapakita sa akin,” humihikbing sabi ng ale.

“Pinuntahan ko na po ang lahat ng kaibigan niya pero lahat sila’y walang nalalaman. Pero huwag po kayong mag-alala, magpapakita rin siguro si Axel sa atin kapag malamig na ang sitwasyon,” sagot niya.

Sa sinabi niya ay mas lalong humagulgol ang ina ng binata.

“Klarisse, may pagkukulang ba ako kaya nagkaganoon ang anak ko? Kahit naman ulila na siya sa ama’y nagagampanan ko pa rin ang tungkulin ko sa kaniya bilang ina–minahal ko siya nang lubos,” sabi ni Aling Chayong.

“Wala po sa inyo ang problema, Aling Chayong, si Axel po ang may malaking problema. Hindi po siya marunong magpahalaga sa pagmamahal sa kaniya ng mga tao sa paligid niya. Manhid po si Axel,” tugon niya saka pilit na pinakalma ang ginang.

“Magtulungan tayo na maituwid ang landas ni Axel, hija,” sambit ni Aling Chayong.

Sa napag-usapan nila ng ina ng binata ay muling nagkalakas ng loob si Klarisse. Walang patid ang kaniyang panalangin sa Panginoon na nawa’y ituro kay Axel ang kaliwanagan.

“Lord, huwag Niyo pong pababayaan si Axel. Magpakita na po sana siya sa amin,” dalangin niya.

Ngunit inabot na ng buwan at taon ang paghihintay niya kay Axel pero hindi pa rin ito nagpapakita. Ang ina nitong si Aling Chayong ay nagkasakit na sa labis na pag-aalala.

Isang araw nang dumalaw siya sa ginang…

“Ano na ba ang nangyari sa anak kong si Axel? Bakit ‘di man lang niya ako dinadalaw?” mahinang tanong ng matanda.

“Alam niyo po, may magandang balita ako sa inyo. Nagsalita na po ang isa sa mga kaibigan ni Axel tungkol sa kinaroroonan niya. Sa Davao po nagtatago ang anak niyo. Kaya bukas na bukas din po’y magtutungo ako roon,” wika niya.

“Salamat sa Diyos…nagkaroon ako ng pag-asa,” masayang tugon ni Aling Chayong.

Baon ang pag-asang muling makikita si Axel ay agad siyang nagtungo sa Davao. Naglakas loob siyang nakipagsapalaran doon dahil ang taong hinahanap niya ay mahalaga sa kaniyang puso.

Sa address na ibinigay sa kaniya ng kaibigan ni Axel…

“Kaibigan po ako ni Axel..” aniya sa matabang babae na kaharap niya ngayon.

“Naku, miss…nahuli ka na ng dating. Kahapon ay may taga-NBI na pumarito’t inaresto siya,” sagot ng ale.

“Ho?!”

“Hindi na niya nagawang makatakas dahil nang mga oras na iyo’y bangag siya. Dinala agad siya sa Maynila,” saad pa nito.

Napapikit na lamang siya sa labis na kabiguan.

“Diyos ko, kaawa-awa naman siya,” sambit niya habang ‘di na napigil ang luhang pumatak sa mga mata.

Pagbalik niya sa Maynila ay agad siyang pumunta sa NBI ngunit mas ikagugulat niya ang susunod niyang malalaman.

“Ms. Cristoval, ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na wala na rito ang hinahanap mong si Axel De Guzman. We’d just turned him over to the mental hospital,” wika ng hepe.

“Ano? Bakit po?”

“Hindi lang pala siya dr*g p*sher…kundi user din. Umakyat na sa utak niya ang masamang elemento ng droga at ito ang ikinasira ng kaniyang bait,” saad pa ng kausap.

Gumuho ang mundo ni Klarisse nang araw na iyon. Hindi na halos tumigil ang pagpatak ng luha sa mga mata niya. Lalong hindi siya nakatulog at makakain nang umuwi siya sa bahay nila. Lalong nadagdagan ang bigat ng krus niyang pinapasan.

“Anak, baka magkasakit ka na niyan. Kumain ka naman. Huwag mong sirain ang buhay mo. Ngayon, batid kong mahal na mahal mo pala talaga si Axel. Napatunayan ko na ibang klase kang magmahal dahil sa kabila ng kapintasan at kahinaan ni Axel ay hayan ka’t lalo siyang minahal at inunawa. Mapalad si Axel sa iyo, anak,” wika ng nanay niya.

Nang sumunod na araw ay nagdesisyon siya na puntahan na si Axel sa mental kasama si Aling Chayong. Naabutan niya roon ang lalaki na tahimik, wala sa sarili, mahaba ang buhok, may bigote na at balbas.

Umiiyak na niyakap ni Aling Chayong ang anak.

“Anak… ano’ng nangyari sa iyo? Mabuti na lamang at maayos ka.”

Taimtim namang nagdasal si Klarisse.

“Salamat po, Diyos ko…salamat po.”

Sa ngayon ay patuloy na naka-confine si Axel sa mental hospital at wala siyang palya sa pagdalaw sa lalaking kahit kailan ay hindi niya pagsasawaang mahalin. Gusto niya na sa ganoong pagkakataon niya maipadama kay Axel ang labis na pagmamahal niya rito.

“Malapit ka nang lumabas dito, Axel, basta’t magpalakas ka lang ha? Saka magbagong buhay ka na para sa mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa iyo,” aniya.

Tumango naman ang binata at ngumiti sa kaniya. Tanda na naiintindihan nito ang sinabi niya.

Makalipas ang ilang buwan ay nakalabas na si Axel sa ospital. Pinagbayaran na rin niya ang nagawang kasalanan sa batas. Sa kaniyang paglaya ay ibang tao na siya, isa nang mabuting tao na bukas na sa pagbabago. Nagkamabutihan na rin sila ni Klarisse. Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral at ‘di nagtagal ay nakagradweyt sa kolehiyo at nagkaroon ng maayos na trabaho. Ilang taon pa at nagpakasal na sila ni Klarisse at bumuo ng sariling pamilya.

Ipinakita sa kuwento na kapag tunay na nasa puso mo ang isang tao, kapag siya’y nawala ay hahanapin at hahanapin mo pa rin siya kahit ano pa ang mangyari.

Advertisement