Inday TrendingInday Trending
Nagbigay ng Kaniyang Mensahe sa Eulogy ng Sumakabilang-Buhay na Ina ang Pinakapasaway na Anak; Bakit Kaya Naiyak ang Lahat?

Nagbigay ng Kaniyang Mensahe sa Eulogy ng Sumakabilang-Buhay na Ina ang Pinakapasaway na Anak; Bakit Kaya Naiyak ang Lahat?

Eulogy para kay Divina Costoles.

Hindi inaasahan ng lahat na tatayo sa harapan ang itinuturing na ‘black sheep’ ng pamilya na si Geraldine upang magbigay ng kaniyang pamamaalam sa kanilang Mama.

“Ano’ng ginagawa niya diyan…”

“Hayaan mo na… huwag tayong gumawa ng eskandalo, nakakahiya sa mga panauhin,” pigil ni Miranda, ang panganay, sa kaniyang kapatid na si Antonio.

Kinuha na ni Geraldine ang mikropono. Nakatuon ang mata ng lahat sa kaniya. Huminga siya nang malalim. Wala siyang pakialam kung nakikita niya sa sulok ng kaniyang mga mata na tila tumututol ang kaniyang mga kapatid na magsalita siya at bigyang-pugay ang kanilang sumakabilang-buhay na Mama, gayong ni hindi nga siya nakapunta sa ospital noong nag-aagaw-buhay ito.

Nawala ang kaniyang Mama na may sama umano ng loob sa kaniya. Hanggang sa kahuli-hulihan daw ay naging pasaway siya.

“M-Magandang araw ho sa inyong lahat. Ako ho si Geraldine, ang bunsong anak ni Mama. Kung narinig na po ninyo mula sa iba, tama po kayo… ako po ang black sheep ng pamilya. Simula pagkabata ho, ako na ang laging pinapagalitan ni Mama at Papa. Pilya raw ako… malikot… lagi kong inaagawan ng laruan si Jennifer, yung kapatid ho namin na sinundan ko. Lagi kong inaaway si Kuya Antonio, at hindi ko sinusunod ang mga utos ni Ate Miranda,” panimula ni Geraldine.

Tahimik ang lahat, lalo na ang magkakapatid na Miranda, Antonio, at Jennifer.

“Aminado ako, Mama, na ako ang pinakapasaway sa mga anak mo… pero maniwala ka sa akin na mahal na mahal kita! Siguro mas naghanap lang ako ng sarili kong identidad nang sa gayon ay maipagmalaki mo ako. Sinubukan kong umalis sa anino ng mga kapatid ko nang sa ganoon ay magkaroon naman ako ng sariling maipagmamalaking nagawa ko sa sarili ko. Si Ate Miranda, isang matagumpay na surgeon. Si Kuya Antonio, isang magaling na physician. Si Ate Jennifer, malapit nang maging dentista at kumukuha ng masteral studies sa ibang bansa. Ako lang talaga ang walang alam sa Science dito. Kaya sa tuwing nag-uusap-usap kayo tungkol sa propesyon ninyo, hindi ako makasabay.”

“Kaya naman, ginawa ko ang lahat na alam ko para maipagmalaki ninyo ako sa bagay na alam kong gawin. Kaya lang, wala eh… puro palpak talaga eh. Hindi kasi ako kasintalino nina Ate at Kuya. Kaya nahiya na akong magpakita sa kanila. Kaya pinili ko na lang lumayo, para sa pagbabalik ko, kapag nakaharap na nila ako, isa na akong matagumpay na musikero. Isa na akong matagumpay na mang-aawit. Kaya lang heto na nga… wala na si Mama. Hindi ako nakapunta sa mga huling sandali niya dahil nasa ibang bansa ako, kumakanta, nagpapasaya ng ibang taong malungkot… kahit ako sa sarili ko, durog na durog ang puso ko,” at hindi na napigilan ni Geraldine ang pagbuhos ng kaniyang emosyon.

“Alam kong huli na para sabihin sa inyo, pero mahal na mahal ko po kayo, ‘Ma. Gusto ko lang po sanang maging proud kayo sa akin. Kaya tiniis kong malayo sa pamilya nang sa gayon, maipagmalaki ninyo ako. Mahal na mahal po namin kayo, ‘Ma… sana ipinagmamalaki mo ako diyan sa langit…”

Pagkatapos ng makabagbag-damdaming eulogy na iyon ay aalis na sana si Geraldine, ngunit ipinatawag siya ng tatlong kapatid.

“Bakit po mga ate, kuya?” nahihiyang tanong ni Geraldine.

“Siguro panahon na upang magkaayos-ayos na tayo, Geraldine. Alang-alang kay Mama. Iisang pamilya tayo, hindi dapat tayo nagkakawatak-watak. Kapatid ka namin at tanggap ka namin. Wala namang kumpetisyon sa pamilyang ito. magsimula ulit tayo,” wika ni Miranda.

“Bumalik ka na sa bahay. Tiyak na matutuwa si Mama kapag nakita niyang magkakasama na naman tayo, gaya ng dati,” panghihikayat naman ni Antonio.

“Namiss ka na namin…” sabi naman ni Jennifer.

At nagyakap-yakap na ang apat na magkakapatid. Sa isang iglap ay nabura na ang mga hidwaang hindi napag-usapan, hindi nasolusyunan, at dulot lamang ng mga maling akala.

Sa araw ng paghahatid sa huling hantungan sa kanilang ina, si Geraldine ang naghandog ng isang makabagbag-damdaming awitin, bago tuluyang ibaon sa lupa ang kabaong.

Simula noon ay masaya nang nagsama-sama ang apat na magkakapatid.

Nakatutuwa na kung kailan pa nawala ang kanilang ina, saka naman sila nakompleto at nagsama-sama. Naisip nila, hanggang sa huli ay kapakanan pa rin nila ang naisip ni Aling Divina, dahil nagawa niyang pagsama-samahin ang mga anak na nagkawatak-watak—sa huling sandali ng kaniyang buhay sa mundong ibabaw.

Advertisement