Tinulungan ng Batang Babaeng Naglalako ng mga Pagkain ang Matandang Babaeng Ninanakawan ng Kapwa Batang Lansangan; Ito na Pala ang Babago sa Buhay Niya
Kagaya ng tipikal na oras ng kaniyang paggising, nakahanda na ang batang si Angelita, 10 taong gulang, upang magtungo sa kaniyang among si Aling Constancia na may-ari ng isang karinderya.
Hindi siya nagtatrabaho sa karinderya nito bilang isang tagahugas ng mga pinagkainan o kaya ay serbidora. Isa siya sa mga kinuha nitong batang kalye na tagapaglako ng mga paninda nitong pagkain.
Tuwing umaga, inilalako niya ang mga pang-almusal na paninda nito gaya ng lugaw, champorado, at lomi na nakaplastik na. Sa bawat nakaplastik na panindang maibebenta niya ay may makukuha siyang 10 piso.
Sa tanghalian naman, kadalasang inilalako niya ang mga ulam gaya ng pakbet, adobo, dinuguan, sinigang, nilaga, at iba pa. 15 piso naman ang makukuha niya sa bawat panindang maibebenta niya.
Sa hapon, mga pangmeryenda naman gaya ng turon, babana cue, lumpiang toge, maruya, carioca, at iba pa ang itinitinda niya sa kung saan-saang mga eskinita. Mapalad naman na marami siyang suki na naaawa rin naman sa kaniya, kaya bumibili sa kaniya.
Ulilang-lubos na siya at wala siyang kilalang kamag-anak. Wala siyang ibang aasahan kundi ang sarili niya.
Naisip niya, mas mabuti na iyon kaysa magnakaw o gumawa nang masama. Matagal na rin siyang inaawitan ni Beejay, isa sa mga kinatatakutang batang lansangan, na umanib sa kanilang pangkat upang magnakaw o gumawa ng kalokohan. Ilang beses na rin siyang tumanggi.
“Hindi tayo makakakain kung ganyan ka. Ano, maglalako-lako ka na lang? Kung sasama tayo sa mga sindikato, siguradong hindi na kailangan pang maghirap,” sabi sa kaniya ni Beejay.
Gayunman, hindi pa rin talaga sumama si Angelita sa grupong iyon. Sa murang edad, alam niyang masama ang ginagawa nina Beejay at ayaw naman niyang mapahamak.
Hanggang sa isang araw, sa kaniyang paglalako ay naabutan niya ang isang batang lansangang inaagawan ng shoulder bag ang isang matandang babae. Alam niya na miyembro ito ng grupo nina Beejay.
“Hoy tigilan mo ‘yan!” matapang na sabi ni Angelita.
Hindi nagdalawang-isip si Angelita na ipukpok sa mga braso ng batang lansangan ang tray na kinalalagyan ng kaniyang mga inilalakong paninda. Sumabog ang mga paninda niyang ulam.
Nagtatatakbo naman ang batang lansangan at hindi naisakatuparan ang balak na pang-aagaw.
“Maraming salamat, ineng. Anong pangalan mo?” halos maiyak na tanong sa kaniya ng matandang babae. Mukha itong may kaya sa buhay.
“Angelita po. Nasaktan po ba kayo? Ayos lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong ni Angelita.
“Oo, ayos na ayos lang naman ako. Bagay na bagay sa iyo ang pangalan mo dahil mistula kang anghel na aking tagapagligtas. Ako nga pala si Ms. Choi,” pagpapakilala ng babae.
“Wala po ‘yun, mag-iingat po kayo, Ma’am,” sabi ni Angelita, ngunit napatingin siya sa mga ulam na nakasabog na sa lupa. Dumating ang mga aso at pusang kalye at pinagkakain ang mga iyon.
“Naku, lagot ako kay Aling Constancia…” at bumadha sa mukha ni Angelita ang pag-aalala.
Inilabas ni Ms. Choi ang kaniyang pitaka. Naglabas ng isang libong piso.
“Babayaran ko na lamang ang lahat ng ulam na iyan, at ang sukli ay itago mo na para sa iyo. Pasasalamat ko iyan dahil sa pagliligtas mo sa akin. At hindi lamang iyan, nais kitang imbitahang kumain, Angelita. Nais pa kitang makilala nang lubusan.”
Namilog ang mga mata ni Angelita nang makita niya ang isang libong pisong iniabot ng matanda. Ngayon lamang siya nagkaroon ng ganoong kalaking halaga ng pera.
Nagpaunlak din siyang sumama kay Ms. Choi sa isang fast food chain na sikat na sikat sa mga bata. Halos mabilaukan siya sa masarap na spaghetti, fried chicken, hamburger, at ice cream na inorder sa kaniya ng matandang babae habang tinatanong nito ang mga bagay-bagay tungkol sa kaniya.
“Angelita, kung papayag ka… sana ay sumama ka na sa akin. Nais kitang ampunin at pag-aralin. Wala akong kasama sa buhay dahil matandang dalaga ako. Wala na rin akong mga kaanak. Kung papayag ako, ako na ang magiging nanay mo,” alok sa kaniya ni Ms. Choi.
At pumayag nga si Angelita na sumama kay Ms. Choi.
Ibinigay ni Ms. Choi ang lahat ng pagmamahal, pag-aaruga, at pangangailangan ni Angelita. Itinuring niya itong tunay na anak. Sinuklian din naman ito ng pagmamahal at paggalang ni Angelita.
Sinamantala niya ang pagkakataon upang makapagtapos ng pag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo.
Nang makatapos ng kursong Business Administration, siya na ang namahala sa mga naiwang negosyo ni Ms. Choi. Sa kaniya rin iniwan ang malaking bahay nito maging ang iba pang mga ari-arian.
Nagsilbing-inspirasyon si Ms. Choi para kay Angelita upang magtayo ng Ms. Elvira Choi Foundation na naglalayong tulungan ang mga batang lansangan at mga batang may kapasidad na mag-aral subalit nagiging hadlang ang kahirapan upang gawin ito.
Ito na ang panahon upang maging anghel sa iba pang mga batang lansangang kagaya niya ay may mga pangarap din.