Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya Niya ang Amain at Ipinaparamdam Dito na Hindi Niya Ito Tanggap Bilang Asawa ng Ina; May Pag-Asa pa Kayang Magbago ang Lahat?

Ikinahihiya Niya ang Amain at Ipinaparamdam Dito na Hindi Niya Ito Tanggap Bilang Asawa ng Ina; May Pag-Asa pa Kayang Magbago ang Lahat?

“Uy! Vickie, nand’yan pala ang papa mo oh,” ani Laura, ang kaniyang kaklase sabay turo sa kaniyang amain na si Carlito.

Ngunit imbes na sumagot ay inismiran lamang iyon ni Vickie at patuloy na naglakad na parang walang nakita at narinig. Araw-araw ay naghahatid ang kaniyang ina at amain sa eskwelahan nila ng paninda nilang biko, kaya hindi kataka-takang magkukrus palagi ang landas nila ng amain na siyang naghahatid sa biko.

“Galit ka pa rin ba sa papa mo?” usisa pa rin ng kaibigan.

“Hindi ko nga siya papa, ang kulit naman nito,” inis niyang wika.

“Papa mo na rin siya kasi asawa siya ng mama mo. At saka ang tagal na nila ng mama mo, hanggang ngayon pa rin ba’y hindi mo pa rin matanggap na siya na ang bago mong papa?” ani Laura.

Nilingon ni Vickie ang kaibigan at inirapan ito. “Manahimik ka na, pwede?”

“Grade 3 pa lang tayo noong nam*tay ang papa mo. Grade 6 ka noong muling nagpakasal ang mama mo kay Tiyo Carlito, ngayon ay graduating na tayo sa senior high school, hindi mo pa rin matanggap na siya na ang pumalit sa pwesto ng papa m—”

“Manahimik ka ma nga, Laura!” singhal niya sa kaibigan at iniwan ito.

Ayaw niyang pinangungunahan nito ang damdamin niya. Siya ang nakakaalam ng totoong dahilan at ayaw niyang pinapakialaman ng ibang tao iyon.

“‘Ma, bukas na ang graduation ko. Aakyat nga pala ako sa stage ‘ma, kasi may nakuha akong awards. Sana makapunta kayo,” ani Vickie at agad na tumalikod.

Abala ang dalawa sa pagluluto ng biko kaya hindi masyadong naging klaro sa ina ang ibig niyang sabihin. Klinaro nito kung tama ba ang rinig nito na dalawa silang pupunta. Isang nakasimangot na tango lamang ang kaniyang itinugon.

Kinabukasan ay nasa hilera na si Vickie ng mga may honor, hinahanap ng kaniyang mga mata ang presensya ng kaniyang mama at amain, ngunit hindi man lang niya nakita ang anino ng mga ito. Malapit na silang tawagin, bakit hanggang ngayon ay wala pa rin ang dalawa? Sinabi naman niya kaninang dapat alas-nuwebe pa lang ay naroon na ang dalawa upang masaksihan nito ang pag-akyat niya sa entablado. Madidismaya na sana siya nang biglang nagsalita si Laura.

“Vickie, nand’yan na ang mama at papa mo,” tukso nito sa kaniya.

Pakiramdam ni Vickie ay nabuhay ang kaniyang dugo nang malamang nand’yan na ang dalawang taong mahalaga sa buhay niya. Agad niyang nilingon ang inang mangiyakngiyak habang nakatingin sa kaniya.

“Vickie, congatulations, umakyat ka na sa stage, aming Magna Cum Laude!” masayang wika ni Laura, habang pumapalakpak.

Hindi napansin ni Vickie na tinawag na pala ng host ang kaniyang pangalan. Tumayo siya at agad na pumunta sa entablado upang magbigay ng kaniyang talumpati.

“Hello, mic test,” natatawa niyang testing sa mikropono. Pati ang mga taong nanonood ay natawa sa kaniyang ginawa. “Salamat po sa parangal na natanggap ko ngayong araw, at labis akong nagpapasalamat sa lahat ng gurong nagturo at nagbigay gabay sa’kin, at pati na rin kay Papa God,” aniya sabay turo sa itaas at saka hinanap ng kaniyang mga mata ang pwesto ng kaniyang amain at mama.

“Ngapapasalamat rin ako kay mama, kasi kahit alam kong nahihirapan na siyang itaguyod ang pag-aaral ko’y hindi siya sumuko. I love you ‘ma,” aniya. “At higit sa lahat… nagpapasalamat ako kay Papa Carlito,” humihibi niyang wika.

Ito ang unang beses na tinawag niya itong Papa Carlito, simula noong ikasal ang ina sa kaniyang amain ay hindi niya ito tinawag ng kahit ano, animo’y isa siyang pipi kapag kaharap niya ito.

“Salamat dahil minahal mo si mama, at salamat dahil isinali mo ako. Salamat sa lahat ng kabutihang ipinakita mo sa’ming mag-ina. Salamat Papa Carlito dahil hindi mo ako sinukuan.” Hindi niya mapigilan ang luhang nais umalpas sa labis na emosyon.

Nang matapos ang kaniyang talumpati ay bumaba siya ng entablado at dire-diretsong naglakad patungo sa pwesto ng kaniyang Papa Carlito at agad na niyakap ito nang mahigpit.

“Akala ko hindi na kayo pupunta,” aniya.

“Pwede ba naman iyon? Syempre, ito ang pinakamahalagang okasyon ng buhay mo at hindi pwedeng wala kami ng mama mo,” ani Carlito.

“Mahal ko ang totoo kong papa, at gaya ng pagmamahal ko sa kaniya, mahal din kita Papa Carlito, salamat at pasensya na kayo sa’kin,” aniya saka umiyak.

Matagal na niyang gustong sabihin iyon ngunit nauunahan siya ng kaniyang hiya. Kaya imbes na pansinin ito ay mas pinipili na lamang niyang dedmahin ang amain at huwag nang kausapin. Ngunit ngayon ay handa na siya… handa na siyang magpaka-anak dito.

“Ako ang dapat na magpasalamat sa’yo, anak,” mangiyak-ngiyak na wika ni Carlito. “Salamat at sa wakas tinanggap mo na rin ako sa buhay niyo.”

Hindi na sumagot si Vickie, niyakap lamang niya ito nang mahigpit. Nakapaloob sa yakap na iyon ang lahat ng nais niyang sabihin. Walang ipinakitang hindi maganda si Papa Carlito sa kaniya o kahit sa kaniyang ina. Kaya nararapat lamang na ibigay niya rito ang buong pagtanggap at labis na pasasalamat dahil dumating ito sa buhay nilang mag-ina. Pakiramdam ni Vickie, ito ang pinakamasayang araw ng kaniyang buhay, dahil ito ang araw na muling nabuo ang kaniyang pamilya.

Advertisement