Sa Puntod ng Kaniyang mga Magulang ay may Nakilala Siyang Isang Bagong Kaibigan; Ngunit Bakit Paulit-Ulit na lang ang Suot Nitong Damit?
“Magkano ang bulaklak, ale?” tanong ni Janna sa tindera.
Nang sabihin ng ale ang presyo ng tinitinda nitong bulaklak ay agad iyong binili ni Janna. Bitbit ang biniling bumalaklak ay muli siyang naglakad patungo sa puntod ng kaniyang mga magulang. Tuwing Lunes ay dumadalaw si Janna sa puntod ng kaniyang mama at papa upang lagyan ito ng bulaklak at para malinis na rin ang mga damo sa gilid ng puntod.
Agad siyang nagsindi ng kandila at nagdasal para sa namayapang kaluluwa ng kaniyang mga magulang. Kinse anyos pa lang siya noong parehong namayapa ang kaniyang mama at papa sa hindi inaasahang aksidente sa daan. Parehong nasawi ang dalawa at naiwan silang tatlong magkakapatid.
“Psst!”
Dahan-dahang umangat ang tingin ni Janna sa narinig na sitsit. Lihim na nagtaasan ang kaniyang balahibo. Walang katao-tao sa sementeryo, mayroon man ngunit malayo sa kaniya.
Binilisan niya ang mga kilos, minadali niyang linisin ang mga damo upang makaalis na. Ngayon lang nangyaring may sumitsit sa kaniya.
“Palagi kitang nakikita rito,” anang boses ng lalaki.
Marahas siyang lumingon sa bandang kanan at doon niya nakita ang lalaking halos dalawang dipa ang layo sa kinaroroonan niya.
“Sino iyang binibisita mo?” usisa ng lalaki.
Hindi naman sila magkakilala, pero feeling nito’y magkaibigan sila. Gusto niyang umismid sa naisip ngunit hindi na lamang niya ginawa. Maayos naman siyang kinakausap ng lalaki at mukhang mabait naman ito kaya nararapat lang sigurong maging maayos din ang pakikitungo niya.
“Mga magulang ko,” sagot niya.
Hindi na muling sumagot ang lalaki, ngumiti lang ito habang nakatingin sa ginagawa niya. Maya maya ay muli itong nag-usisa.
“Kailan ka ulit babalik?” tanong nito.
“Sa Lunes ulit. Tuwing Lunes naman akong dumadalaw rito,” aniya.
“Ang tagal naman,” nakangiting wika nito.
Gustong tumaas ng kaniyang kilay sa naging tugon nito, ngunit pinili na lamang niyang ngumiti.
“Dalaw ka ulit ah, hihintayin kita,” maya maya ay muling wika ng lalaki.
Isang manipis na ngiti lamang ang sinagot ni Janna, nang matapos sa ginagawa ay agad na siyang nagdesisyon na lisanin ang sementeryo. Nagpaalam na rin siya sa lalaking walang ginawa kung ‘di tumingin sa direksyon niya.
Makalipas ang isang linggo ay muling dumalaw si Janna sa sementeryo upang bisitahin ang puntod ng kaniyang mga magulang. May kakaiba sa kaniyang puso ngayong Lunes na iyon. Hindi gaya ng mga nagdaang Lunes, tuwing dumadalaw siya sa puntod ng mga magulang, ngayon ay nasasabik siya sa pagbisita… dahil sa kaibuturan ng kaniyang puso ay umasa siyang sana totoo iyong sinabi ng lalaki.
“Uy! Nandito ka na naman,” anang lalaki na mukhang inaasahan ang muli nilang pagkikita.
Hindi maipaliwanag ni Janna ang kaniyang naramdaman. Kahit papaano’y masaya siyang makita itong muli. Nang matapos sa palaging ginagawa kapag naroroon siya’y nagdesisyon siyang kausapin ang bagong kaibigan.
“Ano’ng pangalan mo at ilang taon ka na?” panimula niyang tanong.
“Dustine, bente dos na ako. Ikaw?” pakilala nito sa sarili.
“Magkasing-edad lang pala tayo,” masaya niyang wika. “Ako naman si Janna.”
Naging maayos ang kanilang usapan, kahit saan-saan na lang narating ang palitan nila ng tanong at sagot. Masayang kausap si Dustin at medyo palabiro rin ito kaya hindi ito nakakainip kausap.
“Oo nga pala, Dustine, taga-saan ka?” tanong ni Janna sa bagong kaibigan.
“D’yan lang,” maiksing sagot nito sabay turo ng kamay sa kung saan.
“Saan?” salubong ang kilay na tanong ni Janna. “Naisip ko lang, sabay na sana tayong lumabas sa sementeryong ito at para na rin may kasabay akong umuwi. Malay mo, magkapitbahay lang pala tayo,” nakangiting wika ni Janna.
“Sa Quezon City nakatira ang pamilya ko, Janna.”
“Ahh, malayo pala sa uuwian ko,” aniya.
Tumingala ang lalaki at pinagmasdan ang magandang kalangitan, malaya naman niyang tinitigan ang mukha nito. Hindi maitatangging gwapo ang bagong kaibigan. Lihim niyang nahiling na sana’y makilala niya pa ito nang lubos.
“Nag-aaral ka pa ba? Ako kasi nahinto ako sa pag-aaral noon, pero ngayon nakabalik na ako. Salamat sa tulong ng tita ko. Ikaw?” tanong niya upang kahit papaano’y may mapag-usapan naman silang dalawa.
“Graduating na sana, kaso nahinto ako, Janna,” sagot nito. “Nadisgrasya kasi ang sasakyan kung saan lulan ako, naging kritikal ang lagay ko kaya dinala ako sa ospital,” kwento nito.
“Ganoon ba? Salamat sa Diyos at nakaligtas ka sa kritikal na estado ng buhay mong iyon, Dustine,” ani Janna. “Kumusta naman pagkatapos ng aksidenteng iyon?”
Malungkot siyang ngumiti saka niyuko ang puntod kung saan ito naupo. De*d on arrival ako noong marating namin ang ospital, Janna,” ani Dustine.
Agad na nagsitaasan ang balahibo ni Janna sa katawan nang malamang ang bagong kaibigan ay isa na pa lang kaluluwa at matagal nang sumakabilang buhay. Kaya pala ang suot nitong damit noong una niya itong nakita ay ganoon pa rin ang suot nito. Ngunit imbes na matakot ay tinatagan ni Janna ang loob. Wala siyang third-eye na kung tawagin, ngunit bakit nakikita niya ngayon si Dustine?
Ipinaliwanag nito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay naroroon pa rin ito at hindi umaalis. Nais nitong makausap ang naiwang ina na labis sinisi ang sarili dahil sa nangyari sa anak. Nam*tay si Dustine na baon-baon ang sama ng loob ng kaniyang ina at iyon ang dahilan kaya hindi nito magawang tumawid sa kabilang buhay.
Upang makatulong ay pinuntahan ni Janna ang sinabing address ni Dustine. Sinabi niya lahat ang ipinapasabi nito, inihingi nito sa ina ang lahat ng kasalanang nagawa nito noong ito’y nabubuhay pa. Iyak nang iyak ang ina ni Dustine habang sinasabing matagal na nitong napatawad ang anak.
“Salamat Janna, payapa na ang puso ko. Kung hindi dahil sa’yo, baka hanggang ngayon ay hindi ko pa rin napapatawad ang sarili ko,” ani Dustine.
“Masaya akong malaman na malaya ka na sa lahat. Mag-iingat ka sa pupuntahan mo, Dustine. Sayang at huli na noong nagkakilala tayo,” ani Janna sa kaibigan.
Simula sa araw na iyon ay hindi na niya muling nakita ang lalaking nakaupo sa puntod nito. Hindi pa rin naman niya inaalis sa sistema ang pagdalaw sa puntod ng mga magulang tuwing Lunes. Ngayon ay hindi na lang ang puntod ng kaniyang mga magulang ang kaniyang nilalagyan ng bulaklak, pati na ang puntod ni Dustine.