Upang mas Mapadali ang Paglalaba ay Nagdesisyon Siyang Gumamit ng Washing Machine; Nabulyawan Siya ng Amo Dahil Doon
Bibit ang mga labahin ay nagdesisyon si Leona na bumaba at magtungo sa may labahan upang labhan ang kaniyang maruruming damit. Tatlong araw rin siyang hindi nakapaglaba ng kaniyang maruruming damit dahil sa tatlong sunod-sunod na araw niyang pagpupuyat upang alagaan ang matandang amo na may sakit.
Kaya dumami ang kaniyang labahin. Kaysa mano-mano itong labhan, nagdesisyon siyang ipaikot-ikot na lamang iyon sa washing machine para mas mapadali. Kinailangan niya pa kasing bantayan ang matandang amo na iniwan niyang mahimbing na natutulog.
Nang maisalang ang mga labahin at malagyan ng sabon ay agad niyang iyong pinindot upang magsimula nang umikot ang washing machine at nang malinis na ang kaniyang maruruming damit. Habang naghihintay ay nagdesisyon siyang punuin ang palanggana ng tubig para mas mapadali ang kaniyang pagbabanlaw nang may biglang nagsalita sa kaniyang likuran.
“Ano iyang ginagawa mo d’yan, Leona?” ani Ma’am Alison. Nakasalubong ang kilay nito at mukhang galit na galit ang mukha.
Si Ma’am Alison ang isa sa anak ni Ma’am Teodora, ang matandang amo na kaniyang inaalagaan. Ito ang bunsong anak ng amo at ito rin ang kasama nito sa bahay kasama ang pamilya nito. Ang tatlo pa nitong kapatid ay nasa ibang bansa na naninirahan.
“N-naglalaba po, ma’am,” aniya.
“At sino naman ang may sabing pwede kang maglaba riyan?” asik nito. “Itigil mo ‘yan at kunin mo ang mga damit mo d’yan!”
Nagtataka man sa naging reaksyon ng amo ay napilitan si Leona na sundin ito. Wala siyang nakikitang pagkakamali sa ginawa. Naglalaba lamang siya at hindi naman niya ito sinisira.
“Mga damit lang namin ang dapat na nilalabhan d’yan, Leona. Hindi kasama ang sa inyo!” anito. “Ayaw kong mahaluan ng dumi niyo ang pinaglalabhan ng mga damit namin! Hindi ba’t sinabi ko naman sa inyong lahat na mano-mano niyong labhan ang mga marurumi niyong damit. Bakit ka naglalaba rito?! Kukuhanan ko iyang sahod mo ng pambayad sa kuryente…” Bahagya itong nahinto sa pagsasalita at naibaling sa may sabunan ang paningin. “Talagang ang sabon pa namin ang ginamit mo!” gigil na wika nito.
“P-pasensya na po kayo ma’am,” natatarantang wika ni Leona. “Hindi ko po talaga alam na bawal pala. Hindi na po mauulit,” maluha-luha nang dugtong ni Leona.
Halos dalawang buwan pa lang siyang namamasukan bilang katulong sa pamilya. Ang tumanggap sa kaniya bilang mag-aalaga ng matandang amo ay ang pangalawang anak nito na si Sir Dave, na ngayon ay nasa ibang bansa, online application lamang kasi ang nangyari at tanggap siya kaagad. Wala namang nabanggit si Sir Dave na mga bawal at hindi pwede niyang gawin bilang katulong. Basta ang mahalaga’y alagaan niyang maigi ang ina nitong may sakit.
“Ano po ba ang nangyayari?” sapaw ni Manang Emma, ang matandang katulong.
“Akala ko ba Manang Emma, nasabi mo na sa katulong na ito ang mga bawal at hindi dapat na gawin rito sa bahay ko?! Bakit naglalaba siya ng damit niya rito sa washing machine namin at sabon pa namin ang ginagamit?” galit nitong kausap sa matandang katulong. “Ilang ulit ko ba dapat na linawing hindi kayo pwedeng humalo sa’min?! Hindi ko alam kung anong dumi ang mayroon sa katawan niyo! At saka may sahod naman kayo, bakit hindi kayo bumili ng sabon niyo?! Ang pinakaayaw ko sa lahat ay iyong ginagamit ang mga pribado naming gamit!” dere-deretsong litanya ni Ma’am Alison.
Hindi na napigilan ni Leona ang umiyak. Niyakap naman siya ni Manang Emma, bilang pagprotekta sa kaniya.
“Pasensya na po kayo ma’am, ito po ang unang beses na ginamit ko itong washing machine. Hindi ko po talaga alam na bawal pala kaming mga katulong ang gumamit nito. Natambakan lang po talaga ako ng labahin kasi sunod-sunod na isinugod si Ma’am Teodora sa ospital. Para mas mapadali ang paglalaba ng damit, naisip kong dito na lang maglaba, baka magising na kasi si ma’am. Sorry po, hindi ko na uulitin,” humahagulhol na paliwanag ni Leona.
“Dapat lang!” ani Alison. “Amo niyo kami, mga katulong lang kayo. Malay ko ba kung anong klaseng dumi ang nasa damit niyo baka mahawa pa kami.”
Salubong ang kilay na tinitigan ni Manang Emma ang batang amo. “Katulong nga kami, Alison, pero tao pa rin naman kami,” sabad nito sa panlalabis na ni Alison. “Kung tutuusin ay wala kang dapat ikagalit kung ginamit man ni Leona ang washing na iyan, dahil kapag natapos na siya ay lilinisan naman niya iyan at matatanggal rin iyang sinasabi mong dumi ng mga katawan namin. Hindi na kita kilala hija, hindi ko alam kung anong nangyari at naging ganyan ka. Matapobre ka pa sa lahat ng matapobre. Hayaan mo, makakarating ito sa mga kapatid mo.” Matalim ang tingin ni Manang Emma sa kay Alison.
“Sa lahat ng anak ni Ma’am Teodora, ikaw ang naging matapobre, gayong ikaw nga itong walang narating sa buhay at nag-asawa lamang ng tambay, tamad at bisyosong lalaki. Kung wala ang mga kapatid mo’y mas masahol pa ang naging buhay mo sa mga kagaya naming katulong.” Hindi na napigilan ni Manang Emma ang sarili. “Magdahan-dahan ka sa pangmamalabis mo sa mga kagaya namin, baka isang araw, Alison, magaya ka sa’min na animo’y isang mababang uri ng hayop ang turing mo!” ani Manang Emma at tinulungan si Leona na bitbitin sa kwarto nila ang nabasang mga damit at iniwan si Alison.
Kung hindi lamang dahil kay Ma’am Teodora at sa ibang mga anak nitong mababait ay baka nilayasan na ni Manang Emma ang bahay na iyon.
“Huwag mo na lamang isipin ang sinabi ni Alison, Leona. Mababait ang iba pa nating amo, maliban sa kaniya. Tandaan mo, hindi siya ang nagpapasahod sa’tin. Isa lang rin siyang palamunin, ayusin mo na lang ang trabaho mo,” bilin ni Manang Emma.
“Opo, Manang Emma, at salamat sa pagtatanggol sa’kin,” humihikbing wika ni Leona.
Iiwasan na lamang ni Leona si Alison upang hindi na siya muling mapagalitan nito. Hindi na niya gagawin ang mga bagay na ayaw nito. Kailangan niya ng trabaho, at tama si Manang Emma, nag-iisa lamang siyang may pangit na ugali, ang iba pa niyang amo ay mababait at marunong umunawa.