Inday TrendingInday Trending
Simpleng Dalaga Lang Siya na Gustong Tumulong sa Iba; May Prince Charming palang Naghihintay sa Kaniya

Simpleng Dalaga Lang Siya na Gustong Tumulong sa Iba; May Prince Charming palang Naghihintay sa Kaniya

Likas ang kabaitan ng dalagang si Jodi. Ayos lang sa kaniya na siya’y mawalan o maagrabyado huwag lang magutom, maiyak, o malungkot ang mga taong nasa paligid niya. Wala man siyang natatanggap na kapalit mula sa kabaitang kaniyang pinapakita sa kaniyang kapwa, patuloy niya itong ginagawa dahil alam niyang ito ang nararapat.

Sa katunayan, ilang beses na siyang kamuntikang mapahamak sa kabaitang mayroon siya. May pagkakataon na may tinulungan siyang isang matandang pinagtutulungan sa bus na lingid sa kaalaman niya ay isa palang kawatan!

Kamuntikan na siyang maisama nito sa kulungan dahil sa ginawa niyang iyon. Mabuti na lang, may kakilala siya sa isa sa mga pasahero ay pinatunayan nitong mabuti siyang taong nagnanais lamang na makatulong.

Kung ang iba ay matatakot nang tumulong kapag nakaranas nang ganoong sitwasyon, siya ay lalong nahahatak ng kaniyang kabaitan na tumulong. Katwiran niya pa, “Baka naman kasi may pangangailangan ‘yong matanda kaya siya naging kawatan,” na ikinaiiling na lang ng kaniyang mga magulang.

Kahit pa sandamakmak na babala na ang binibigay ng mga ito, patuloy pa rin siya sa pagtulong na nakasanayan na niya.

Isang araw, habang siya’y naglalakad pauwi galing trabaho, may isang lalaking nakatungo sa ilalim ng puno sa parke ang nakaagaw ng pansin niya. Nakasuot man ito ng itim na damit at tila anumang oras ay gagawa ng masama, agad niya itong nilapitan nang marinig niya ang mga hikbi nito.

“O, kulubot man ‘yan, malinis naman ‘yan,” sabi niya rito saka niya iniabot ang gusot-gusot na tissue na nadukot niya sa kaniyang bulsa.

“Salamat,” tipid nitong sagot saka nagpahid ng luha.

“Bakit ka umiiyak? May problema ka ba? Wala naman akong gagawin pag-uwi ko, makikinig ako sa’yo hanggang abutin tayo ng gabi,” nakangiti niyang sabi rito na ikinangiti nito, “O, ngumiti ka na! Yahoo!” masaya niya pang sigaw.

“Hindi mo ba ako nakikilala?” tanong nito dahilan para alisin niya ang suot nitong sumbrero.

“Ay, Diyos ko! Ikaw ba ‘yan, Joshua? Teka, picture tayo! Idolong-idolo ka ng nanay ko, eh! Kilig na kilig ‘yon kapag nakikita ka sa telebisyon!” natataranta niya pang sabi.

“Ikaw? Hindi ka kinikilig sa akin?” tanong nito na ikinatawa niya.

“Hindi! Halika na, picture tayo!” sigaw niya saka sapilitang nagpa-picture sa naturang artista.

Katulad ng sabi niya rito, magdamag nga siyang nakinig sa problemang kinakaharap nito tungkol sa sarili nitong pamilya. Wala man siyang nabigay na payo rito, labis itong nagpasalamat sa oras na nilaan niya upang makinig.

Buong akala niya, paglipas ng gabing iyon, hindi na siya maaalala ng artistang iyon ngunit siya’y nagkamali dahil paglipas ng isang linggo, nagising na lang siya sa tili ng kaniyang ina.

“Anak, si Joshua, iyong idolo ko, nasa labas, hinahanap ka!” sigaw nito na ikinataranta niya.

Pagkalabas niya ng bahay, sumalubong sa kaniya ang naturang artista. May bitbit-bitbit itong bulaklak habang ngiting-ngiti nang makita siya.

“A-anong ibig sabihin niyan, Joshua?” uutal-utal niyang tanong.

“Ikaw ang unang taong nakinig sa mga problema ko, ikaw ang unang taong nakapagpangiti sa akin kahit kakatapos ko lang umiyak, at ikaw ang unang taong nagkapagpaniwala sa akin na matatagpuan ko din ang pag-ibig kahit sa likod ng kamera,” mangiyakngiyak nitong sabi saka iniabot sa kaniya ang bulaklak.

Bago pa siya makasagot, nagtilian at nagkukumahog sa kakakuha ng litrato at bidyo ang kanilang mga kapitbahay dahilan para hilahin silang dalawa ng kaniyang ina papasok ng kanilang bahay.

“Akala ko sa teleserye lang pupwedeng mangyari na mapamahal ang isang artista sa isang dalagang mabait lang!” biro ng kaniyang ina habang nakalingkis sa binata.

“Mama, naman!” sigaw niya rito. “Para po sa akin, si Jodi ang pinakamagandang babae sa buong mundo dahil sa kabutihang mayroon siya,” sagot naman nito na bigla niyang ikinakilig.

Hindi man siya lubos makapaniwala sa pagtatapat na iyon ng naturang artista, araw-araw nitong pinaramdam sa kaniya ang tunay nitong nararamdaman hanggang sa nagdesisyon na siyang sagutin ito at pumasok sa isang romantikong relasyon kasama ito.

Wala naman siyang pinagsisihan sa desisyon niyang iyon dahil pagkalipas pa ng ilang taon, siya’y pinakasalan nito na talagang nagbigay nang ingay sa mundo ng social media at telebisyon.

“Hindi ko akalaing ang isang katulad ko na hangad lang ay makatulong sa kapwa ay may sikat at gwapong prince charming na naghihintay!” natatawa niyang sabi rito habang sila’y nagsasayaw sa harap ng mga bisita sa kanilang kasal.

“Ang isang taong katulad mo ay dapat pinahahalagahan dahil sa ngayon, kakaunti na lang ang katulad mo. Kaya nga hindi na kita pinakawalan, eh!” wika pa nito saka siya muling hinalikan dahilan para magwala ang kanilang mga bisita dahil sa kilig na nararamdaman.

Advertisement