Inday TrendingInday Trending
Nawalan Siya ng Saya sa Buhay nang Mawala ang Kaniyang Mag-ina; Wala na nga bang Saysay ang Buhay Niya?

Nawalan Siya ng Saya sa Buhay nang Mawala ang Kaniyang Mag-ina; Wala na nga bang Saysay ang Buhay Niya?

Tatlong taon nang tahimik at malungkot ang bahay ng ginoong si Mario. Tatlong taon na noong siya’y makaranas ng isang delubyo ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin niya matanggap ang sinapit ng kaniyang mag-ina na ang tanging nagbibigay ng lakas at pag-asa sa kaniya upang mabuhay sa kabila ng kanilang paghihirap.

Tahimik noon, habang ang mag-ina niya ay naghahanda na sa paglikas dahil sa abiso ng kanilang barangay tungkol sa darating na sama ng panahon, matiyaga naman niyang tinatali ang kanilang bahay noon upang huwag matangay ng nasabing bagyo.

Kaya lang, bago pa siya matapos magtali ng kanilang bahay, agad nang lumakas ang hangin na sinundan nang napakalakas na ulan. Doon na siya nataranta at agad na hinanap ang kaniyang mag-ina.

Ngunit kahit saan niya hanapin ang dalawa, hindi na niya ito makita hanggang sa sapilitan na siyang inilikas ng kaniyang mga kapitbahay nang wala ang kaniyang mag-ina.

“Takot ang anak ko sa ulan, hayaan niyo akong hanapin muna sila! Tiyak, nagtatago sila sa loob ng bahay namin!” pagmamakaawa niya sa kapitbahay nilang sinakay na siya sa trak ng mga sundalo at ayaw na siyang babain.

“Tama na, Mario, iligtas mo na ang sarili mo!” sigaw nito sa kaniya, pati mga sundalo ay ayaw na siyang pababain dahilan para wala na siyang ibang magawa kung hindi ang maiyak at manghina.

Pagkatapos ng unos, doon na niya nakitang magkayakap ang kaniyang mag-ina sa loob ng kanilang palikuran. Wala na siyang ibang nagawa simula noon kung hindi ang maiyak araw-araw at pagsisihan ang ginawang pagligtas sa kaniyang sarili.

Kahit pa ganoon, alam niyang lingid sa kagustuhan ng kaniyang asawa na siya’y maging malungkot at basta na lang sumuko sa buhay. Kaya kahit pa ang nahanap niyang trabaho ay nasa bayan pa at ilang kilometro pa ang kaniyang papadyakin gamit ang bisikleta niya, tinatiyaga niya ito araw-araw.

Isang araw, habang siya’y nagbibisikleta patungo sa kaniyang trabaho, napansin niya ang isang grupo ng mga estudyante na matiyagang naglalakad patungong bayan.

“Malayo pa ang lalakarin niyo, ha? Hindi ba kayo napapagod? Araw-araw ba kayong naglalakad para makapasok sa eskwela?” pang-uusisa niya sa mga ito.

“Lahat po gagawin namin para makapag-aral, ito na lang po ang solusyon para maiahon namin sa kahirapan ang mga magulang po namin,” nakangiting sagot ng isang estudyante.

Agad niyang naisip ang anak niya nang marinig ang mga katagang iyon.

“Sigurado akong kung buhay pa ang anak ko, ayan din ang sasabihin niya sa akin,” sabi niya sa sarili, roon na siya nagpasiyang tulungan ang mga batang iyon sa araw-araw na pagpasok sa eskwela.

Ang lahat ng naipon niyang pera sa pagtatrabaho sa bayan ay ipinangbili niya ng pedicab. Ito ang ginawa niyang sasakyan upang maihatid at masundo ang mga batang iyon sa eskwelahan araw-araw.

“Hirap ba kayo riyan? Maliit ba ang nabili kong pedicab?” tanong niya sa mga bata nang makita kung paano magsiksikan ang mga ito sa kaniyang sasakyan.

“Ayos na ayos lang po, Kuya Mario, kaysa maglakad kami nang pagkalayo-layo! Salamat po sa inyo!” sigaw ng isa na kaniya namang ikinangiti.

Sa araw-araw niyang paghahatid-sundo sa mga batang ito bago siya pumasok sa trabaho, marami ang kaniyang napahanga kabilang na ang mga guro ng mga batang iyon at ang kaniyang amo na noon ay nagagalit pa sa madalas niyang pagkahuli sa trabaho.

Hindi niya inaasahang ang gawain niyang iyon ay makakapagbigay nang malaking inspirasyon sa ibang tao dahil isang araw, pagkahatid niya sa mga bata sa eskwelahan, sumalubong sa kaniya ang mayor ng kanilang lalawigan at siya’y inabutan ng isang tsekeng naglalaman nang malaking halaga.

“Kulang pa ‘yan upang mabayaran ang kabutihang ginagawa mo para sa mga batang pag-asa ng ating bayan. Mabuhay ka, Mario!” sigaw nito kaya siya’y labis na pinalakpakan ng daan-daang estudyante at guro sa paaralang iyon.

At dahil nga wala naman siyang pamilya na paglalaanan ng perang iyon, bumili siya ng mas malaking sasakyan upang mas marami ang estudyante kaniyang maisabay patungong bayan na lalong ikinahanga ng mga tao sa kanilang lugar.

Dito siya unti-unting nakatanggap ng sandamakmak na donasyong pagkain, pera, at mga ari-arian mula sa iba’t ibang tao sa buong bansa na naging daan para siya’y makapagpatayo ng isang organisasyong naglalayong maging tulay upang mapagaan ang pagpunta ng mga estudyante mula sa kanilang probinsya hanggang sa bayan.

Nang matagumpay niya itong magawa at hindi na mabilang ang mga batang kaniyang natutulungan, doon niya na nasigurong napapasaya niya ang kaniyang mag-ina sa gawain niyang ito.

“Wala man kayo rito, alam kong pinagmamalaki niyo ako sa mga kapwa niyo anghel d’yan sa langit,” bulong niya sa puntod ng kaniyang mag-ina, isang umaga bago niya ihatid sa paaralan ang mga batang nakatira sa kanilang probinsya.

Advertisement