Natagpuang Nakahandusay at Walang Malay ang Isang Matandang Pedicab Drayber; Sising-sisi Tuloy ngayon ang mga Anak Nitong Tamad
Iniwanan ni Mang Bernardo ang kaniyang dalawang anak na binata, na parehong nakahilata sa kanilang tahanan habang nanunuod ng telebisyon. Mag-uumpisa na naman kasi siyang magbanat ng buto ngayon para naman may makain mamaya ang dalawang batugang ito na kahit pareho nang nasa tamang edad upang magtrabaho ay nananatili pa ring palamunin ng kanilang matanda nang ama. Masama pa naman ang pakiramdam niya ngayon ngunit wala silang kakainin kung siya ay magpapahinga kaya naman napilitan pa rin siyang mamasada.
Uugod-ugod na si Mang Bernardo ngunit hanggang ngayon ay kayod-kalabaw pa rin ito bilang isang pedicab driver. Wala naman kasi siyang pagpipilian dahil hindi niya kayang tiisin ang kaniyang asawa. Mula nang mawala ang ina ng mga ito ay hindi na niya natutukan ang pag-aalaga sa kanila dahil isinubsob niya sa pagtatrabaho ang sarili. Kaya naman ngayon ay iniisip niyang malaki pa rin ang pagkukulang niya sa mga ito na siya naman niyang binabawi sa pamamagitan ng pagbuhay sa kanila kahit sila ay pareho nang matatanda.
Inaabuso naman iyon ng kaniyang mga anak na sina Junior at Benny. Palibhasa’y alam nilang mahal na mahal sila ng kanilang ama ay sinasamantala nila iyon. Ginagawa nila ang lahat upang sulitin ang ginagawa nitong pagbuhay sa kanila. Kulang na nga lamang ay subuan din sila nito ng pagkain habang nakahiga sila, ay hari na ang kanilang labas!
“Junior! Benny! Si Mang Bernardo, isinugod sa ospital!” maya-maya’y biglang sigaw ng kapitbahay nila na nagpabalikwas naman sa dalawang batugan.
“Ano?!” gulat na reaksyon pa ni Junior habang si Benny naman ay namutla! Pareho silang natakot sa sinapit ng ama, hindi dahil ayaw nila itong mawala sa mundo kundi dahil natatakot silang wala nang bubuhay sa kanila kapag natuluyan ito!
Dahil doon ay agad silang nagbihis. Sumugod sila sa ospital at pinuntahan ang kanilang ama. Doon nila nalamang may sakit na pala ito sa baga at madalas itong ma-over fatigue sa pagtatrabaho. Ngunit mas nagulat ang magkapatid sa sumunod na mga nangyari… dahil isa pala sa kanilang mga kapitbahay ang nag-report sa mga pulis kung paano pinahihirapan ng magkapatid ang kanilang ama, at ngayon ay nalaman nilang maaari pala silang makulong dahil sa pambabalewala nila sa kanilang amang isa nang senior citizen.
Nang malaman ng mga kaanak nina Junior at Benny ang ginagawa nila sa kanilang ama ay agad na sumugod ang mga ito upang kunin ang kustodiya ng pag-aalaga sa matanda mula sa kanila. Inilaban iyon ng naturang mga kaanak ni Mang Ben sa korte. Kasabay ng bantang pagkakulong ng dalawa sa kasong pagpapabaya sa kanilang ama ay nawala rin sa kanila ang kustodiya nito. Takot na takot tuloy ang magkapatid na batugan.
“Papa, huwag kang pumayag na kunin nila kayo sa amin. Hindi ba at mahal mo naman kami ni Benny? Wala na nga kaming nanay, mawawala ka pa sa amin,” pagpapaawa ni Junior sa ama upang kumbinsihin itong pilitin ang mga kaanak nila na huwag na silang ipakulong pa.
Kinukonsensiya nila ang matanda. Sinisilo nila sa mga salita katulad ng madalas nilang gawin noon upang makuha ang kanilang mga gusto. Ngunit iba na ang sitwasyon ngayon dahil matapos ang nangyari, sa wakas ay tila natauhan din si Mang Bernardo na walang malasakit sa kaniya ang dalawa niyang anak! Kaya naman hindi niya pinansin ang mga ito.
Sumama siya sa kaniyang mga kaanak upang sa kanila na lang magpaalaga, ngunit kinumbinsi niya ang mga ito na huwag nang ipakulong ang dalawa niyang anak at hayaan na lang silang matutong mabuhay nang mag-isa. Iyon nga ang nangyari. Mula nang mawala si Mang Bernardo ay napilitan nang magtrabaho ang dalawang batugan, lalo na at ngayon ay nakadaranas na sila ng gutom. Doon nila napagtanto na napakahirap pala ng ginagawa ng kanilang ama noon upang alagaan sila gayong kayang-kaya naman na nila ang kanilang mga sarili. Napakasuwerte pala nila rito, ngunit sinayang lamang nila iyon dahil sa katamaran nila!
Nang sa wakas ay mapagtanto na iyon ng dalawa, naisipan nilang dalawin ang kanilang ama sa pangangalaga ng kanilang mga kaanak. Ngayon ay bumabawi sila rito upang maibalik ang lahat ng pagmamahal, pag-aalaga at pag-intindi nito sa kanila noon. Kahit wala ito sa kanilang pangangalaga ay sinigurado nilang maganda ang kalagayan nito. Sinuportahan nila ang pangangailangan ng kanilang ama, at ’di nagtagal ay dumating ang araw na napatawad sila nito.