Akala ng Lalaki ay Makakaisa Siya sa Babaeng Nakita Niyang Umiinom sa Isang Bar nang Walang Kasama; Sa Huli ay Siya pala ang Mabibiktima

Akala ng Lalaki ay Makakaisa Siya sa Babaeng Nakita Niyang Umiinom sa Isang Bar nang Walang Kasama; Sa Huli ay Siya pala ang Mabibiktima

HeartbreakingKarmaStories

Napakapalikero ni Joshua. Sa katunayan ay kilalang-kilala na siya sa kanilang lugar dahil sa dami ng mga babaeng nabiktima niya, kaya naman halos wala nang gusto pang makipagrelasyon sa kaniya roon kahit pa isa siya sa pinakaguwapo at pinakamayamang binata sa kanilang lungsod.

Dahil doon, nitong mga nakaraang araw ay madalas na siyang dumayo sa iba’t ibang lugar upang humanap ng mga babaeng maaari niyang ‘isama’ sa tuwing mangangailangan siya ng ‘katabi’ sa gabi. Katulad na lang ngayon. Nakaistambay siya sa isang bagong bukas na bar, sa katabing lungsod ng kaniyang tinitirahan. Talagang bumiyahe pa siya para lang maghanap ng babaeng mauuto. Hindi rin naman kasi ’yon malaking bagay sa kaniya, dahil may sarili naman siyang sasakyan at marami siyang pera na kaya niyang ibili ng gas anumang oras.

Nang gabing iyon ay isang babae ang tumawag sa pansin ni Joshua. May nai-spot-an kasi siyang babaeng mag-isang nag-iinom doon. Napakaganda ng katawan nito na talagang maihahalintulad sa perpektong hugis ng bote ng isang sikat na brand ng softdrinks. Halos maghugis puso nga ang mga mata ni Joshua, lalo na nang matitigan niya ito nang malapitan at malamang napakaganda palang babae nito!

“Kapag sinusuwerte ka nga naman talaga!” natutuwang bulong niya sa kaniyang sarili pagkatapos ay nagmadali siyang lapitan ang naturang babae.

“Miss, mag-isa ka ba o may hinihintay ka?” biglang tanong niya na agad namang kumuha sa atensyon ng naturang babae. Nahihiya siya nitong binalingan bago ito marahang umiling.

“Ang totoo, mag-isa lang ako, e. Hindi kasi sumipot ’yong ka-date ko dapat ngayong gabi,” sagot naman nito, suot pa rin ang mahiyain ngunit napakaganda nitong ngiti. Hindi tuloy mapigilan ni Joshua na panggigilan ang labi nito, hindi pa man niya ito gaanong nakikilala.

“Ganoon ba? Kung ganoon, kung ayos lang sa ’yo ay ako na lang ang papalit sa kaniya. Ako nga pala si Joshua,” pakilala niya sa dalaga sabay abot ng kaniyang kanang kamay.

“M-Mylene,” nahihiya namang tugon ng dalaga na iniipit pa ang kumawalang buhok sa mukha nito, sa likod ng kaniyang tainga. Lalo namang na-turn on si Joshua sa ginawa nito dahil sa palagay niya ay nagpapa-cute ito sa kaniya.

“Iba talaga ang charisma ko,”

Tumagal ang usapan nina Joshua at Mylene, hanggang sa maya-maya ay magkayayaan na silang lumabas ng bar at lumipat sa ibang lugar—sa isang motel na malapit. Hindi na kasi naitago ni Joshua ang ‘init’ na nararamdaman niya nang gabing ’yon para kay Mylene, na tinugon din naman ng ‘mahiyaing’ dalaga. Pumayag itong sumama sa kaniya sa labas. Isinakay pa ito ni Joshua sa kaniyang kotse at nagsimula silang mag-check in sa isang motel…ngunit ganoon na lang ang gulat ni Joshua, nang sa pagpasok nila sa kuwartong kanilang inupahan ay isang grupo ng mga kalalakihan ang dumakip sa kaniya!

“Magaling, Mylene! Huli natin ’tong mokong na ’to! Tiba-tiba tayo rito!” masayang sabi ng isa sa mga lalaki na pare-parehong may takip ang mukha.

“Ako pa ba?” nakangisi namang sagot ni Mylene, na ngayon ay biglang nagbago ang boses! Naging boses lalaki ito na talaga namang ikinapanlaki ng mga mata ni Joshua!

Hindi pala totoong babae ang kanina lang ay dalagang pinapantasya niya! Nagpapanggap lamang pala ito kaya pala hindi ito gaanong nagsasalita at panay lang ang tango at iling at pagtawa nang mahinhin sa kaniyang harapan! Gustong batukan ni Joshua ang sarili, dahil nagpahulog siya sa bitag nito dahil sa sobrang kahiligan niya sa babae!

Tinakpan ng mga ito ang kaniyang bibig upang hindi siya makasigaw, pagkatapos ay idinaan nila siya sa bintana. Dinala nila siya sa isang abandonadong warehouse bago tinawagan ng mga ito ang kaniyang mga magulang para sa humingi ng pera, kapalit ng kaniyang buhay.

Sising-sisi si Joshua. Takot na takot din siya para sa kaniyang buhay. Hindi niya akalain na ganito ang parusang mapapala niya para sa mga kasalanang ginawa niya sa mga babaeng dumaan sa buhay niya noon. Isang malaking leksyon ang pangyayaring ito ngayon para sa kaniya. Mabuti na nga lamang talaga at bago pa sila may gawing masama sa kaniya ay agad na natunton ng mga pulis ang kinaroroonan nila at natimbog ang mga kumuha sa kaniya! Saka lamang siya nakahinga nang maluwag nang makita niyang nasa likod na sila ng selda.

More Stories